Ano ang pediatrician?
Mula pagkapanganak, ang pediatrician na ang hahawak at mag-aaruga sa kalusugan ng isang bata. Kaya naman ang pagpili sa doktor ng iyong anak ay isang napaka-importanteng desisyon na dapat pag-isipang mabuti. Lahat naman ng mga doktor ay may iisang layunin at sinumpaang tungkulin: ang pangalagaan ang pasyente sa abot ng kanilang makakaya. Lahat ay may pasensiya, pagtitiyaga, at dedikasyon. Pero ang bawat tao ay may angking kakayahan at personality traits na kakaiba o unique, at hindi natin maitatanggi na may mga tao na natural na nagkakasundo o nagkakabagay ng ugali at pananaw, nang hindi sapilitan. May nakakagaanan ka talaga ng loob, nang hindi mo minsan maipaliwanag. Kaya naman mahalaga na malaman ang bawat katangian na taglay ng pipiliing pediatrician.
Atin pang talakayin kung ano ang tungkulin ng mga doktor sa bata o mas kilala bilang pediatrician at kung ano ang mga katangian na dapat taglay nila.
Katangian na taglay ng pediatrician
Habang buntis pa lang, dapat ay naghahanap na ng pedia para sa anak. May mga nagtatanong sa kanilang OB GYN ng mga rekomendasyon, may mga nagtatanong din sa mga kaibigan, kasama sa trabaho at pamilya. Napakadaming pangalan ang maririnig mo, kaya’t ang susunod na desisyon ay ang pagpili kung sino nga ba ang makakabagay ninyong mag-asawa.
Ayon sa ilang metikulosang ina, narito ang 5 bagay na dapat hanapin sa isang pediatrician.
Una na ang expertise at reputasyon
Ang katangian na taglay ng pediatrician ay pagdating sa experience at galing sa larangan ng medisina. Sabi ni Gee-Ann Ongpauco, ina ni Coby na isang buwang gulang pa lamang, mahalaga ang skills at credentials ng isang pediatrician. Ito kasi ang katangian na may katibayan talaga. Siyempre dapat magaling at subok na ang galing, kaya’t rekumendado ng mga kakilala. Sabi ni Lia Besa, inalam nila ang mga reviews at sinasabi ng ibang pasyente tungkol sa pediang napupusuan nila. Highly-recommended siya ng marami kaya’t naisip nilang ito ang dapat na doktor ng anak na si Logan, 1 taong gulang.
May kaniya-kaniya tayong mga partikular na detalyeng hinahanap, tulad nang kung saan nagtapos ng medisina, o kung siya ba ay head ng pediatric department ng ospital. Walang masama sa pagtatakda ng standards, dahil kung ano ang pinaniniwalaan mong nararapat para sa anak ang siyang dapat na sundin. Hindi ka rin kasi matatahimik kung hindi ayon sa standards mo ang magiging desisyon.
Propesyonal at alam ang sinasabi at ginagawa
Ayon naman kay Joanna Unson, mommy ni Louise, 5 taong gulang. Ang katangian na taglay ng pediatrician ay dapat may laman ang sagot. Malalaman mo naman agad ito sa mga sagot niya kahit sa simpleng tanong mo, at magbubuhos siya ng panahon na magpaliwanag ng mga importanteng bagay tungkol sa sakit ng bata at mga gamot na inirereseta niya. Ayon naman kay Liway Lara, importante yung maitatanong niya lahat ng gusto niyang malaman tungkol sa sakit, kalusugan o kondisyon ng anak, lalo pa’t first-time mom siya at bagong panganak pa lang ang baby niyang si Caleb, 3.5 buwan.
Mararamdaman mo rin kung minamadali ka para matapos na yung konsultasyon, sabi ni Joanna. Sa karanasan din niya, tahasang tumanggi ang pediatrician na bigyan ng dengue vaccine nuon si Louise, dahil nga daw wala pang lubos at sapat na pag-aaral tungkol sa bakunang ito. Kita mo at tama ang desisyon ng doktor, pagkatapos ng ilang taon. Pati ang bakuna sa Japanese Encaphalitis, nuon pa din pinapaliwang sa kaniya ng kaniyang pediatrician, bago pa kumalat ang virus. Kaya naman bilib talaga si Joanna sa kaniyang doktor.
Mabait at natural na magiliw sa bata
Mabait at marunong makipag-usap sa bata at kayang kunin ang loob ng kahit anong edad ng anak. Kuwento ni Dian Soliman, nanay ni Tala, 8 at Vujan, 1, pakanta pa kung kausapin ng pedia ang kaniyang mga anak. Tawag din sa kani-kaniyang pangalan ang mga anak niya, kahit pa baby pa ang bunso niya. “Nakapila pa lang nga kami, nangungumusta na siya at nakikipaglaro sa mga pasyente sa pila. Hindi yung check-up, reseta and go lang,” dagdag ni Dian. Pagkatapos turukan ng bakuna si Vujan, kinakarga pa ito ng pedia at pinapatahan para hindi matakot sa kaniya o ma-trauma sa susunod na bakuna.
Mararamdaman mo ang totoong pag-aalala niya at pagkagiliw sa mga bata. Alam mong gusto niya ang ginagawa niya. Ayaw ni Pat Marcelo-Magbanua na ma-stress pang lalo kapag may sakit ang mga anak na sina Sia at Sab, kaya pumili siya ng pedia na komportable siyang kausap at nakikita niyang maayos makitungo sa mga bata at sa kanilang mag-asawa din.
Accommodating at maaasahan
Tandaan na buwan buwan ang dalaw ni baby sa pedia, kaya’t isaalang-alang ang biyahe papunta at pauwi sa doktor. Gusto ni Heather Oliveros ay malapit at madaling puntahan at kontakin sakaling may emergency, para sa kaniyang 2 maliit pang anak. Sa karanasan ko, ilang minor na aksidente ang pinagdaanan ng 2 sa anak ko nuong maliliit pa sila, kaya naman napaka-convenient na nasa kapitbahay lang namin ang pedia nila. Literal na itinakbo lang namin at nagamot agad ang sugat nang mauntog ang bunso kong anak at nagkaroon ng maliit na hiwa sa likod ng ulo.
Sa clinic lang ng pedia tinahi ang sugat at laking pasasalamat ko nuon kay doktora. Ganon din para sa mga hindi gaanong malalang kondisyon o sakit—mas makakabawas ng stress kung malapit lang ang lalakbayin kasama si baby o ang batang anak. May mga pedia din na handang tumanggap ng tawag sa telepono at matiyagang magpapaliwanag kahit sa tawag lang. Kundi man ay mga assistant o nurse na tatanggap ng tawag at maagap na ipapaalam sa doktor ang concern ng pamilya.
Mahalaga ding tingnan ang mga oras at araw na bukas ang clinic, at ang haba ng pila. Kung sobra ding nakaka-stress ang pagpila, kailangang handa ka na maghintay kasama ang sanggol. Kasama na dito ang pisikal na katangian ng lugar at clinic: malinis ba at kumpleto sa gamit? maaliwalas ba at magiging komportable ang bata? napakahaba ba ng pila? kung oo, komportable ba ang waiting area?
Organisado at maayos ang sistema
Sa unang pakikipag-usap pa lamang ay makikita na kung maayos at organisado ang isang doktor. Kailangan itong katangian na ito para makapaggamot ang isang doktor. May maayos ba siyang record at isinusulat lahat ng napag-uusapan at nakikita sa pasyente? Sa 6 na taon, importanteng maitala ang physical development at lahat ng mga potensiyal na problemang pangkalusugan ng isang bata, lalo na ang mga bakuna at mga sakit na naranasan.
Sa pagiging organisado na ito ang makakasiguro na maaalagaang mabuti ang pasyente. Ito rin ang makakapagpatibay ng tiwala at respeto ng mga magulang sa katuwang nila sa pag-aalaga ng kanilang anak. Pangunhing tungkulin ng doktor ang mabuting kalusugan ng bata.
Katangian na taglay ng pediatrician: Mga tanong habang naghahanap ng Pediatrician
- Mga maaaring itanong sa mga kaibigan tungkol sa Pediatrician nila:
- Palagi bang nagmamadali ang doktor kapag may konsultasyon o well-baby check-up?
- Nasasagot ba niya ang mga tanong ninyo?
- Mukha bang mahilig talaga siya sa bata? Nakikipag-usap ba siya at nakikipaglaro?
- Paano kapag may emergency lalo kapag weekend o dis oras ng gabi? Tinatanggap pa ba ng doktor ang tawag ninyo?
- Tinatanong din ba ng doktor ang opinion o desisyon ninyo tungkol sa mga mahahalagang desisyon o bagay tulad ng bakuna?
- Pinapaliwanag ba niya ang mga posibleng side effects at risks ng mga gamot na nirereseta niya?
- Ano ang educational background ng doktor at anong mga training na ang mga natapos niya? May lisensiya at medical board certification ang doktor?
Katangian na taglay ng pediatrician: Mga tanong para sa Pediatrician
- Ano ang paniniwala mo tungkols sa breastfeeding? May mga marerekumenda ka bang lactation consultants?
- May magkaibang waiting area ba para sa mga pasyenteng may sakit at para sa well-baby check-up laman?
- Ano ang paniniwala mo tungkol sa circumcision at paggamit ng antibiotics?
- Ano ang clinic hours at mga araw na bukas ang clinic?
- Gaano katagal ang bawat bisita o konsultasyon (karaniwan ay 15-20 minuto)? Gaano kadalas (karaniwan ay isang beses sa isang buwan, lalo sa unang taon ng bata)?
- Paano kung may emergency—tumatanggap ba kayo ng tawag? May nurse ba o medical assistant na pwedeng tumanggap ng tawag namin?
- Kung may emergency, saang ospital dadalhin ang bata?
- Tinatanggap ba ng clinic ninyo ang insurance plan ko o ng aking asawa? Anong areglo o paraan ng pagbabayad ang tinatanggap ninyo?
BASAHIN:
What are the things that you should look for in your kid’s pediatrician?
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.