Pari sinampahan ng kaso ng pangmomolestya ng halos 50 na batang lalaki

Isang banyagang pari ang nahaharap sa reklamo ng pangmomolestiya sa mga batang lalaki na karamihan ay mga altar boys.

Si Father Kenneth Pius Hendricks ay isang paring Amerikano na nahaharap sa patong-patong na kaso ng pangmomolestiya dito sa Pilipinas at isang federal crime naman sa kanilang bansa.

Si Father Hendricks ay isang Roman Catholic priest na una nang na-detain sa Bureau of Immigration sa Camp Bagong Diwa, Taguig City dahil din sa kasong sexual abuse.

Una na siyang naaresto sa Biliran province noong December 5, 2018 sa pamamagitan ng warrant of arrest na nagmula pa sa United States District Court ng Ohio.

Ayon sa warrant na inisyu noong November 11, 2018, si Father Hendricks di umano ay nagkaroon ng illicit sex affair sa isang minor sa isang foreign country.

Dalawang buwan matapos ng kaniyang pagkakaaresto ay sinilbihan ulit ng limang warrant of arrest si Father Hendricks nitong Martes sa kaniyang kulungan. Ito ay para naman sa pangmomolestiya ng halos 50 na batang lalaki na kung saan karamihan sa mga ito ay mga altar boys sa simbahang Katoliko.

Ang limang warrant of arrest para sa 77 years old na pari ay nagmula sa Biliran Regional Trial Court Branch 16 para sa mga kaso ng acts of lasciviousness at child abuse.

Ayon sa mga pulis, ngayon lang nagkaroon ng lakas ng loob na magreklamo ang mga biktima ni Fr. Hendricks nang malaman nilang naaresto na ito ng immigration authorities.

Natakot daw silang magsumbong noon at i-report ang kabastusang ginagawa ng pari dahil sa mga pananakot nito.

Sino nga ba si Fr. Kenneth Pius Hendricks?

Image from The Philippine Star

Ayon sa mga pulis, si Fr. Kenneth Pius Hendricks ay nagmula sa Cincinnati, Ohio USA na nagpunta dito sa Pilipinas noong 1968. Naordinahan siya bilang pari sa ilalim ng Franciscan Order at sinimulan ang kaniyang bokasyon sa St. Isidore the Worker Chapel sa Talustosan Village sa Biliran province.

Sa nasabing chapel nga daw nagsimula ang pangmomolestiya ni Fr. Hendricks sa mga batang lalaki na karamihan ay altar boys na nagsilbi at tumira kasama siya.

Isa nga sa mga naging biktima niya ay ang isang bata na kaniya ring bininyagan noong 2006.

Nang mag-edad pitong taong gulang di umano ang bata noong 2013 ay nagsimula na itong molestiyahin ng pari kasama ang iba pa nitong mas nakakatandang kapatid.

Taliwas sa unang naibalita na nagtatago raw ang pari, kilala raw ito sa Biliran bilang isa sa ginagalang na pillar ng kanilang komunidad. Ito ay ayon kay Dr. Joyce Caneja ng Biliran Provincial Hospital.

Ayon sa kaniya si Fr. Hendricks ay isang napaka-generous na benefactor na maraming naitulong sa kanilang komunidad.

Ilan nga raw sa mga nagawa nito ay pagpapatayo ng kanilang sementeryo, hospital chapel at pagtutustos ng pag-aaral ng mga batang lalaki at babae sa kanilang lugar, dagdag ni Caneja.

Ngunit, ayon sa mga awtoridad ito ay front o pangtakip lang ng pari sa tunay niyang ginagawa na tinawag nilang isang serial sexual predator.

Ang pagbibigay daw ng mga regalo, damit , sapatos at pagbabayad sa mga magulang ng mga bata niyang biktima ay isang paraan para lang patahimikin sila. Ito ang natuklasan ng Women and Children Protection (WCP) Desk ng Naval Police Station sa Biliran Province.

Samantala, tinitingnan rin ng mga imbestigador sa Ohio ang banking records ni Fr. Hendricks. Ito daw ay dahil maaring ginamit ng pari ang perang kaniyang na-solicit sa US bilang pambayad para mapatahimik ang kaniyang mga biktima.

Father Kenneth Pius Hendricks, mga kaso ng pangmomolestya

Sa ngayon, si Fr. Hendricks ay may nakasampang kaso sa Ohio na isang federal crime. Ito ay dahil mahigpit na ipinagbabawal sa kanilang batas na ang isang American citizen gaya niya ay gumawa o magkaroon ng illicit sexual acts sa ibang bansa tulad ng kinakaharap niya dito sa Pilipinas.

Siya rin ay nahaharap sa mga kaso sa ilalim ng batas ng Pilipinas dahil sa paglabag sa Republic Act No. 7610 o ang Anti-Child Abuse Act.

Si Fr. Kenneth Pius Hendricks ay ang nag-iisang banyagang pari sa 26 na paring nagsisilbi sa Diocese ng Naval sa Biliran.

Ayon sa Diocese ng Naval, ay bumuo rin sila ng isang commission na mag-iimbestiga sa iskandalong kinasasangkutan ni Fr. Hendricks.

Ang pangalawang pagkakaresto kay Fr. Hendricks ay dahil sa pagtutulungan ng pwersa ng Regional Special Operations Unit (RSOU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO), BI’s Fugitive Search Unit, at ng US Department of Homeland Security.

Sa ngayon ay pinoproseso na ang revocation ng passport ni Fr. Hendricks upang mai-deport na ito pabalik sa US na kung saan kailangan niyang harapin ang federal charges laban sa kaniya.

Kung mapatunayang nagkasala ay maaring makulong ito ng hanggang tatlumpung taon.

Paalala sa mga magulang

Dito sa theAsianparent, nais naming paalalahanan ang mga magulang na mainam na alam ng mga bata ang mga panganib na maaari nilang kaharapin kung maka-encounter sila ng mga ganitong klaseng mga tao.

Narito ang ilang tips upang ma-prevent ang abuse:

  • Kausapin ang bata kung paano at saan siya makakahingi ng tulong kapag nasaktan siya o may nangyaring masama. Kanino siya puwedeng magsumbong? Kapag nasa mall, ituro kung saan ang mga guard at mga exit.
  • Ipaliwanag ang konsepto ng “private parts” at kung ano ang good touch, bad touch.
  • Siguraduhin na age-appropriate ang pinapanood na mga pelikula o shows. Kapag nakakapanood ang bata ng sensitibong mga scenes, baka akalain ng bata na normal itong nangyayari—or worse, baka gayahin ng bata ito.

Hindi parating nakabantay tayong mga magulang kaya importante na alam ng bata kung siya ay nasa panganib.

 

Sources: Inquirer, Inquirer, Philstar

Basahin: Pope Francis issues new decree to deal with pedophile priests