Bilang magulang, iniisip natin na hindi ito mangyayari sa atin dahil lubos tayong nag-iingat at pinag-iingatan ang mahal nating mga anak. Ngunit ‘pinapakita ng isang CCTV footage kung gaano kadali at kabilis puwedeng dukutin ang isang bata mula sa kaniyang mga magulang.
Pag kidnap ng bata
Kamakailan lamang ay nakita sa isang CCTV footage mula sa Mumbai, India, kung gaano kabilis mangyari ang pag kidnap ng bata. Isang batang babae ang sumilip mula sa tindahan ng kaniyang ama at maingat na lumabas sa daan, kung saan may nakasalubong itong isang lalaki.
Walang sabi-sabi, yumuko ang lalaki, dinampot ang bata, at kalamadong naglakad palayo.
Ilang saglit lang ang nakalipas at tinawag na ng ama ang kaniyang anak para pumasok sa tindahan—ngunit wala na ito. Dito niya napagtanto na nawawala na ang kaniyang anak.
Balisa nitong sinalaysay sa pulis ang nangyari.
Panoorin ang video ng pag kidnap ng bata dito. *Babala sa manonood: nakakabahala ang footage na mapapanood.
Dahil nakuhaan ng CCTV ang pangyayari, nagkaroon ng lead ang pulisya sa suspek na si Sandeep Parab, isang 28-anyos na lalaki. Mula ng mai-ulat sa pulis, nahuli ang suspek sa loob lamang ng anim na oras.
Ayon sa mga ulat, hindi naman daw sinaktan ang biktimang si Shirren. Hindi pa tiyak ang intensyon ni Sandeep kung bakit niya dinukot ang bata.
Ano ang puwedeng gawin upang maiwasan ang pag kidnap ng bata?
- Siguraduhing natatanaw parati ang mga anak, lalo na sa pampublikong lugar.
- Makakatulong na pagsuotin ng makulay o matingkad na damit ang bata para madali itong makita sa mataong lugar.
- Huwag pabayaang gumala ang mga anak nang mag-isa. Siguraduhing parati silang may kasamang bantay.
- Magdala ng pito at gamitin ito para tumawag ng atensyon para humingi ng tulong.
- Siguraduhing alam ng bata ang mga importanteng impormasyon katulad ng pangalan niya, pangalan ng magulang, address, at numero ng telepono.
- Kapag nasa labas, turuan silang kumilala ng mga katiwa-tiwalang mga tao na puwede nilang lapitan sakaling sila ay mawala, tulad ng mga pulis at guard.
- Ituro sa kanila ang lugar na puwede nilang puntahan, tulad ng bahay ng kamag-anak o kaibigan.
- Kapag nasa mall, ituro sa kanila kung nasaan ang mga information counters.
Turuan ang anak ng safety
Kailangang magkaroon ng sapat na pang unawa ang bata sa kaniyang sariling seguridad.
- Ituro na hindi masamang sumigaw o humiyaw kapag nararamdaman nila na sila ay nasa panganib.
- Kailangan malaman nila kung paano tumawag ng pansin at magsalaysay ng pangyayari sa mga nakakatanda sa kanilang paligid.
- Tulungan silang magkaro’n ng kumpiyansa sa sarili. “Ang batang may kumpiyansa ay ang batang ligtas,” ayon kay Ernie Allen ng National Center for Missing and Exploited Children. Sa kanilang pag-aaral, ang mga batang nakakatakas sa tangkang pag kidnap ng bata ay ang mga batang nagsisisigaw at nagsisisipa—mga bagay na hindi nagagawa ng mga mahiyain. Hindi rin daw madaling impluwensiyahan at lokohin ang mga batang may kumpiyansa sa sarili.
Ano ang dpat gawin kapag na-kidnap ang bata?
- I-ulat at makipag-ugnayan sa mga pulis o awtoridad,
- Humingi ng tulong sa mga tao sa paligid at isigaw ang pangalan at deskripsyon ng bata.
- Tandaan at isulat ang plaka at detalye ng mga kahina-hinalang sasakyan sa paligid.
Umaasa kami na makakatulong ang artikulong ito sa pagpapaliwanag ng mga panganib at banta ng kidnapping.
References: news.com.au
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Candice Lim Venturanza