Halos dalawang taon na mula noong nagbago ang buhay nating lahat dahil sa COVID-19. Upang maging ligtas sa pandemya, kinailangan ng mga estudyanteng manatili sa kani-kanilang mga bahay. Ito ay naiiba sa kanilang nakasanayan — malayo sa kanilang mga kaibigan, kaklase, at guro sa paaralan. Sa kabila nito, ipinakita ng mga batang Pilipino na hindi sila magpapatalo sa pandemya at patuloy silang naging matibay sa kanilang pag-aaral.
Kaya naman mas naging espesyal para sa Nestlé Philippines at BEAR BRAND Fortified ang pagpili sa 10 natatanging estudyante ngayong 2021. Lalo na at ito rin ang taon kung kailan ipinagdiriwang ng kompanya ang ika-110 taon nito sa bansa.
Taun-taon, binibigyang parangal ng BEAR BRAND Fortified, kaagapay ang Department of Education, ang mga estudyanteng nagpakita ng tibay sa pag-aaral at ng tibay sa buhay. Ang mga Batang Matibay na mula Grade 5 at Grade 6 ay kinikilala bilang huwaran at inspirasyon sa kanilang pamilya, paaralan at komunidad.
Narito ang kanilang kuwento ng pagiging matibay sa kabila ng mga hamon ng buhay.
Hirap man dahil sa kaniyang karamdaman na kanser sa buto, hindi nawalan ng pag-asa si Mark Angelo Sunio upang magaral ng Mabuti at maging academic achiever sa kaniyang paaralan sa Caloocan City.
Hindi hadlang ang kapansanan, kailanman
Sa edad na 11, walang mag-aakala na magkaka-kanser sa buto si Mark Angelo Sunio at na mapuputulan siya ng kaliwang kamay dahil dito. Kaya naman doble-kayod ang kaniyang mga magulang upang matustusan ang lahat ng kaniyang pangangailangan sa pagpapagamot. Hirap man sa buhay, hindi nawalan ng pag-asa si Mark. Ginamit pa niya itong inspirasyon upang maging academic achiever sa kanilang paaralan.
“Naging matapang at matibay po ako kasi kailangang maging matapang sa sakit na cancer… Mag-aaral po ako nang mabuti para matupad ko ang anumang gusto ko sa buhay o pangarap ko,” kuwento ni Mark.
Nakakabilib din si Mark dahil ipinakikita niyang siya ay determinado na makamit ang mas maginhawang buhay para sa kanyang pamilya. Isa itong patunay na hindi hadlang ang kapansanan sa kagustuhan mong magtagumpay sa buhay at marating ang inaasaam na magandang kinabukasan.
Nasa elementarya pa lamang si Rich Lianne Dano pero nakuha niyang pangunahan ang isang Clean & Green Project sa kanilang paaralan at ang isang donation drive para sa mga frontliners ngayong COVID-19.
Simple man pero malaking tulong sa mga batang kapus-palad ang lugawan na proyekto ni Audrey Nicole Lorenzo sa kanilang komunidad sa Bacoor, Cavite.
Simple pero makabuluhang pagtulong
Natural na para kay Rich Lianne Dano ang tumulong sa kanilang komunidad. Bago pa man magpandemya, pinangunahan na ni Rich ang pagtatanim ng mga puno bilang bahagi ng isang Clean & Green Project sa Socorro Central Elementary School and SPED Center sa Surigao del Norte, kung saan siya nag-aaral. Hindi rin siya nagdalawang-isip na ipagpatuloy ang pagtulong sa kapwa sa gitna ng COVID-19. Sa pamamagitan ng donation drive na pinamunuan ni Rich, nakakolekta sila ng mga lumang damit upang gawing mga facemasks para sa mga frontliners ng Siargao.
Ginamit naman ni Audrey Nicole Lorenzo ang kanyang angking galing sa sining para makatulong sa lugar nila sa Bacoor, Cavite. Isang lugawan para sa mga batang kapus-palad ang pinaglaanan ng perang kinita niya sa pagbebenta ng mga paso na gawa sa mga recycled bottles.
“Gusto ko pong ma-inspire po sila, at saka gayahin po nila yung mga ginagawa ko po sa komunidad ko po,” sabi ni Audrey.
Pagpupugay sa mga ‘batang matibay’
Simula noong 2019, 30 estudyante na ang napili ng Nestlé Philippines at BEAR BRAND Fortified na parangalan bilang mga Batang Matibay awardees. Sa kabila ng hirap sa buhay, sila ay buong pusong nagsusumikap upang matuto sa paaralan, tumulong sa pamilya at magsilbing lider ng ibang kabataan sa kanilang komunidad.
Ayon kay Arlene Tan-Bantoto, Senior Vice President ng Public Affairs, Sustainability at Communications ng Nestlé Philippines, “Hindi biro ang mga pagsubok na kinailangang harapin ng mga estudyante ngayong pandemya. Pinatunayan ng mga Batang Matibay awardees na sina Mark, Rich at Audrey na mas nangingibabaw ang kanilang kagustuhang magtagumpay para sa kanilang mga pangarap. Bilang Kasambuhay Para sa Matibay na Bukas, ang Nestlé Philippines at BEAR BRAND Fortified ay patuloy na sumusuporta sa mga batang Pilipino upang malampasan nila ang ano mang hahadlang sa kanilang matibay na bukas.”
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!