Korina Sanchez may sagot sa mga netizen na nagtatanong kung anak niya nga ba talaga ang kambal na sina Pepe at Pilar. Narito ang sagot niya.
Korina sanchez twins na sina Pepe at Pilar
Sa episode ng Gandang Gabi na Vice sa Facebook nitong September 12 ay ibinahagi ng dating reporter na si Korina Sanchez kung paano nabago ng kambal na anak niya na sina Pepe at Pilar ang buhay niya. Ayon sa kaniya ang mga ito ang pangontra sa lahat ng negativity sa buhay niya.
“Ang tawag ko sa kanila tawas, tawas sa nega ng buhay.”
Ito ang pahayag ni Korina. Pagdating nga sa pagkukuwento tungkol sa mga anak niya ay kitang-kita ang mga ningning sa kaniyang mga mata at kung gaano siya kasaya.
“Si Pilar, kapag masama ang mood ko, ay gumaganda kaagad ang mood ni Mama.”
“Tapos si Pepe, kapag lumapit sa ‘yo, mapungay ang mata. Sabi niya sa akin, alam mo ang tawag sa akin ni Pepe, Ma’am. ‘Kasi ‘yun ang naririnig niyang tawag ng yaya niya sa akin.
Sasabihin niya sakin, Ma’am, ma’am. Tapos sasabihin ko o sir ano ‘yun? Titingin lang siya sa akin at ngingiti. Hay naku, nawala na lahat ng problema at pagod ko. Ganoon talaga.”
Sino ang nakaisip ng pangalan ng kambal?
Kinuwento rin ni Korina kung bakit Pepe at Pilar ang pangalan ng mga anak niya. Ayon sa kaniya ang nakaisip ng pangalan ng kambal ay ang asawang si Mar Roxas.
“Actually, ang nag-isip noon si Mar. Noong una Jack and Jill kasi alam namin kambal na e. Sabi ko anong Jack and Jill, masyado namang kano. Tapos sabi niya e hindi ba ang katapat ng Jack and Jill dito sa Pinas ay Pepe at Pilar. Ay sabi ko parang maganda.”
Hindi niya rin napigilang banggitin kung paano hindi naniniwala ang ibang tao na anak niya ang mga ito, Dahil very foreign-looking ang kambal lalo na si Pepe na blonde ang buhok at kulay grey ang mata.
“Ayaw nilang maniwala na anak ko si Pepe. Alam mo ‘yung mga naghihinala ng kung ano-ano na baka binili ko lang daw sa market ang mga fetus. May mga nagsasabi ng ganyan talaga.”
Sagot sa mga kumekuwestyon kung anak niya ba talaga ang kambal
Pero ayon kay Korina ang looks ni Pepe ay nakuha niya sa lolong si Monching Sanchez na kaniyang ama.
“Alam mo kung makikita mo ang mukha ng tatay ko, ang tatay ko kasi may dugong latino. Ang tatay ko noong buhay, noong bata pa super light blonde ‘yung buhok niya. At kakulay ng mata niya yung kulay ng mata ni Pepe.”
Kaya naman, ang sagot lang ni Korina sa mga kumekuwestyon sa kung anak niya ang kambal na sina Pepe at Pilar ay ito.
“Mag-nega kayo hanggang gusto niyo. Basta ako masaya. Goodbye!”
Pebrero ng nakaraang taon ng ibahagi ni Korina ang magandang balita na sila ng mister na si Mar Roxas ay may anak na. Ito ay una niyang ginawa sa Instagram na sinundan ng opisyal niyang pahayag sa ABS-CBN. Doon ay idinetalye rin ni Korina ang kaniyang anak na kambal ay naging posible sa pamamagitan ng surrogacy na kung saan ang embryos ay nagmula sa kanila ni Mar.
Pagiging isang ina ni Korina
Sa isa namang exclusive interview niya sa pahayagang The Philippine Star noong nakaraang taon din, ang 54 years old noon na si Korina ay sinabing isang milagro daw ang pagdating ng kambal na sina Pepe at Pilar sa buhay niya.
Dagdag pa niya ay gustong-gusto niya raw talagang maging ina dahil love niya ang mga bata. Pero dahil sa sobrang busy niya sa kaniyang career ay hindi niya ito agad nabigyan ng katuparan.
“I’ve always, always wanted to be a mom.”
“Everyone who knows me well knows that I love children. But for the longest time, because my career in news took charge, I thought it would never happen. But now that it has happened at my age, and even if we had planned and started on this project years ago. I started with mixed feelings of uncertainty, worry, anxiety.”
Ito ang pahayag ni Korina.
Nito ngang 2019 ay naisatuparan na ang pangarap niyang ito sa tulong ng isang surrogate mother na kung saan doon inilagay ang frozen embryos nila ni Mar Roxas. Ito rin daw ay sinabayan niya ng dasal at novena para maging matagumpay.
Gestational Surrogacy
Ang tawag sa prosesong pinagdaanan ni Korina Sanchez para magkaanak ay gestational surrogacy. Ito ay ang uri ng surrogacy na kung saan ang egg cells at sperm cells ay nagmumula sa intended parents’ ng baby.
Ito ay ipi-fertilize sa pamamagitan ng technique na kung tawagin ay IVF o in vitro fertilization bago ilagay sa uterus o sinapupunan ng gestational surrogate.
Ang surrogate ang magdadala ng baby sa kaniyang sinapupunan hanggang ito ay maipanganak. Pero hindi tulad ng traditional surrogacy, ang gestational mother ay walang genetic ties sa baby na kaniyang dinadala dahil hindi niya egg cells ang ginamit dito.
Ang gestational surrogate ay tinatawag ding “birth mother” at ang babaeng pinagkunan ng egg cells na na-fertilized ay ang kinikilalang biological mother ng baby.
Dahil ang egg cells na ginamit sa surrogacy ng kaniyang mga anak ay nagmula kay Korina, siya ang itinuturing na biological mother ng mga ito.
Source:
BASAHIN:
Gestational surrogacy: Paano nakakatulong ang prosesong ito sa mga gustong magkaanaak
Amazing birth photos capture family’s emotional journey through surrogacy