Kulani sa leeg o bukol sa panga, madalas ka bang magkaroon nito? Alamin kung ano ang posibleng ibig-sabihin nito!
Karaniwang makakapa ang namamagang kulani sa leeg, na makikita sa ilalim ng panga o kulani sa panga, o di kaya kulani sa kili-kili o singit. Kadalasang lumalabas ito kapag may sakit ang isang tao. Subalit ano nga ba ang kulani at bakit tayo nagkakaroon nito? Ang kulani sa panga ay maaaring senyales ng impeksyon o iba pang kondisyon na dapat bantayan.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang kulani?
Paliwanag ni Dr. Regent Andre Piedad, MD, ang lymph nodes o kulani ay innate o bahagi ng sistema ng ating katawan na nagsisilbing proteksiyon at pansala (filter) ng dugo laban sa mga impurities tulad ng mga impeksyon.
Ang kulani ay maliliit na parang bukol o pabilog na cluster ng cells sa ating katawan. Sa loob nito ay iba’t ibang uri ng immune system cells. Ang mga ito ay nagsisilbing “filter” ng ating lymphatic fluid habang dumadaloy ito sa katawan at pinupuksa ang masasamang virus o bacteria.
Ang mga kulani ay nahahati sa iba’t ibang grupo para salain ang bakterya sa isang parte ng katawan. Kaya naman makikita, makakapa o mararamdaman ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Madalas natin itong makapa sa ating leeg, subalit maari ring magkaroon ng kulani sa panga o sa mga sumusunod:
- sa kilikili
- kulani sa panga o bandang likod ng tenga
- sa may singit
- nasa itaas ng collarbone
Sa mga bata, madalas makapa ang kulani sa bandang batok.
Katunayan, ang pwesto o posisyon kung saan natagpuan ang kulani (lalo na kung namamaga ito) ay may kinalaman sa posibleng sanhi nito. Halimbawa, mapapansing mas malaki at namamaga ang kulani sa leeg kapag may aktibong bacterial o viral infection sa partikular na bahagi ng katawan gaya ng sipon at ubo.
Kapag kinakapa mo ang kulani ay malambot ito at gumagalaw. Minsan, may kaunting pananakit din na mararamdaman.
Kulani sa leeg: delikado ba ito?
Ayon kay Dr. Piedad, ang pamamaga ng kulani ay hindi naman delikado, bagkus ito ay senyales pa nga na protektado ang ating katawan. Ito ang unang pang-depensa ng katawan laban sa mga impeksiyon.
Ang pamamaga ng ating kulani ay isang senyales na gumagana ang ating lymphatic system para alisin sa katawan ang mga virus o bacteria na nakakasama sa ating kalusugan.
Subalit depende rin kung gaano na katagal ang kulani, dahil maaring isa itong sintomas o indikasyon ng mas malalang sakit.
Mga posibleng sanhi ng kulani
Ilan sa mga karaniwang sanhi ng pamamaga ng kulani sa leeg ay impeksyon, lalong lalo na ang mga viral infection gaya ng sipon at ubo. Narito pa ang ilang posibleng sanhi ng pamamaga ng kulani.
Mga karaniwang sanhi
- Strep throat/tonsillitis
- Measles
- Ear infection
- Ngipin na may nana (abscessed)
- Mononucleosis
- Sugat na naimpeksiyon
Para sa mga sanhing nabanggit, kadalasan ay sinasamahan ang kulani ng ubo, lagnat, sipon, pagpapawis at matinding pagod.
Hindi pangkaraniwang impeksyon
- Tuberculosis
- Mga sexually transmitted infection gaya ng syphillis
- Toxoplasmosis o cat scratch fever
Mga sakit na may kinalaman sa immune system
- Lupus
- Rheumatoid arthritis
Mga uri ng cancer
- Lymphoma — cancer na tumatama sa iyong lymphatic system
- Leukemia — cancer na tumatama sa iyong bone marrow at lymphatic system
- Mga uri ng cancer na lumaki at kumalat na sa iyong lymph nodes
Dahil dito, mahalaga na bantayan mo ang iyong kulani kapag napapansin na namamaga ito upang malaman kung ito ba ay dahil lang sa simpleng infection o posibleng senyales na ng ibang sakit.
Kulani ba o bukol?
Minsan naman, maaring may makapa kang bukol sa iyong leeg na akalain mo ay kulani subalit hindi pala. Kung matigas ang iyong nakakapa at parang bukol sa bandang gilid ng iyong lalamunan o adam’s apple, maaring mayroon kang thyroid nodule.
Ang bukol na ito ay sanhi ng mga sakit na may kinalaman sa thyroid gland gaya ng iodine deficiency o thyroiditis.
Iba ito sa kulani at kadalasan ay sinasamahan ng mga sumusunod na sintomas:
- garalgal na boses
- bahagyang pangangati ng lalamunan
- hirap sa paghinga
- hirap sa paglunok
- parang nasasakal kapag nakahiga
- minsan ay nagdudulot rin ito ng kulani
Kapag napansin ang bukol sa iyong leeg na sinasamahan ng mga sintomas na nabanggit, mas mabuting kumonsulta sa doktor para makumpirma kung ano ito at ang tamang lunas para rito.
May gamot ba ang kulani sa leeg?
Gamot sa kulani dulot ng viral infection
Kadalasan, kusa namang humuhupa ang pamamaga ng kulani sa leeg at hindi mo mamamalayan ay wala na ito.
Kung karaniwang impeksiyon lamang, pero nakakaramdam ng sakit sa namamagang kulani sa leeg, makakatulong ang pagdampi ng warm compress o mainit na tuwalya o bote na may maligamgam na tubig sa kulani.
Pwede ring subukan ang mga gamot o pain reliever tulad ng aspirin, ibuprofen, naproxen o acetaminophen na puwedeng mabili sa botika nang walang reseta. Siguraduhin na walang allergy sa mga gamot na ito bago inumin. Iwasan lang ang pagbibigay ng aspirin sa mga bata at teenagers dahil ito ay dapat aprubado ng doktor.
Mahalaga rin kapag may viral infection na magkaroon ng sapat na pahinga, para gumaling agad at mawala ang mga sintomas gaya ng kulani.
Diagnosis at gamot sa kulani dulot ng ibang sakit
Subalit kung nag-aalala ka sa iyong kulani at mataas ang temperatura ng iyong katawan na naitatala sa thermometer, maari kang kumonsulta sa iyong doktor para makasiguro kung ano nga ba ang sanhi nito.
Isa sa mga itatanong niya ay kung nagkasakit ka ba o nagkaroon ng injury. Makakatulong ang impormasyong ito para mahanap ng doktor ang posibleng sanhi ng kulani. Aalamin rin niya ang iyong medical history.
Pagkatapos mong sabihin ang mga sintomas, maaring magsagawa ng doktor ng isang physical examination. Titingnan niya kung gaano kalaki ang iyong kulani at kakapain kung malambot ba ito. Pwede rin siyang magsagawa ng blood test para makita kung may kinalaman ito sa mga sakit gaya ng hormonal disorders.
Kadalasan, kung hindi viral infection ang sanhi ng kulani, ang tanging paraan para magamot ang kulani ay kapag nagamot na ang sakit na nagdudulot nito.
Kung hindi pa rin natutukoy ang sanhi, maaring mag-order ang iyong doktor ng mga karagdagang tests gaya ng CT scan, MRI scan, x-ray o ultrasound.
Kung kinakailangan, pwede rin siyang magpagawa ng lymph node biopsy kung saan may parang karayon na kukuha ng sample ng cells mula sa kulani. Subalit isinasagawa lang naman ito kapag may hinala ang doktor na ang iyong kulani ay posibleng indikasyon ng malalang sakit gaya ng cancer.
Kung cancer nga ang sanhi ng iyong kulani, maaring manatili ito hanggang sa magamot ang cancer. Isang posibleng epekto ng chemotherapy ay ang pagliit ng kulani na dulot ng cancer.
Kulani sa leeg: Dapat bang ikabahala ito?
Gaya ng nabanggit, ang mga kulani na sanhi ng viral infection ay kusa namang nawawala. Pero kapag napansin ang mga sintomas na ito, mas mabuting magpakonsulta na sa iyong doktor:
- Nagkaroon ng kulani kahit wala ka namang sakit
- Patuloy ang paglaki at nanatili ng mahigit 4 na linggo
- Matigas at parang goma, hindi gumagalaw kapag pinipindot o kinakapa
- Sinasamahan ng tuluy-tuloy na lagnat, pagpapawis sa gabi at hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang
Pumunta agad sa ospital kapag mayroon kang kulani at nahihirapan kang lumunok o huminga.
Kung ang kulani sa leeg ay patuloy na namamaga, at lumalaki pa, tumagal na ng hanggang 6 na buwan, at may kasama nang mataas na lagnat at mabilis na pagbaba ng timbang, dapat nang ikonsulta sa doktor. Sintomas ito ng pulmonary tuberculosis, ani Dr. Piedad.
Kapag ang impeksiyon na sanhi ng kulani sa leeg o sa ibang parte ng katawan ay hindi nagamot agad, maaaring magkaroon ng komplikasyon tulad ng pagkakaroon ng nana o abscess, at pagkakaron ng impeksiyon sa dugo (bacteremia).
Kapag kumalat ang bacterial infection sa katawan, maaaring maging sepsis ito, na nakamamatay. Antibiotic ang pangunahing gamot para sa impeksiyon.
Para hindi mabahala, magpatingin kaagad sa doktor sa unang senyales ng mga sintomas na nabanggit sa itaas. Tandaan na kapag may kulani sa leeg, may impeksiyon. Kung nasaan ito, iyon ang dapat alamin, at makakatulong ang doktor para matukoy ito at mabigyan ng tamang lunas, para mapahupa ang pamamaga.
Kung ito ay dahil sa mas malubhang karamdaman tulad ng kanser, mas mabuting nalaman nang maaga kaysa mahuli ang lahat.
Tandaan, kapag nakapa o naramdaman mo na mayroon kang kulani sa leeg, kulani o bukol sa panga o iba pang bahagi ng katawan, huwag magpanic. Sa halip ay bantayan lang ito at alamin ang mga sintomas na kasama nito para mas matukoy kung ano ang sanhi at tamang lunas para rito.
Gayundin, ang sikreto para maiwasan ang anumang komplikasyon ay ang pagkain ng masustansiyang pagkain at balanced diet para maging matibay ang immune system.
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa mga sintomas ng kulani at ibang pang bagay na may kinalaman sa iyong immune system, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.