Matinding pangangati ng balat? Baka kurikong galis na iyan! Narito ang mga bagay na dapat mong malaman tungkol sa kurikong galis o scabies.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang kurikong galis o scabies
- Sanhi at sintomas ng kurikong galis
- Ano ang kurikong treatment at kung paano makakaiwas sa reinfestation
Talaan ng Nilalaman
Ano ang kurikong galis
Ang kurikong o scabies ay ang pangangati na kadalasang nauuwi sa pagsusugat ng balat. Hatid nito ang matinding pangangati na maaaring humantong sa mga sugat sa balat.
Ang mga sugat na ito ay maaaring makakuha ng impeksyon tulad ng Staphylococcus aureus o beta-hemolytic streptococci. Kung minsan, ang bacterial skin infection ay maaaring humantong sa pamamaga ng kidney na tinatawag na post-streptococcal glomerulonephritis.
Ano nga ba ang dahilan kung bakit nagkakaroon nito at ano ang maaaring gawin para maiwasan ito.
Sanhi ng kurikong o galis
Ang kurikong o mas kilala sa tawag na galis ay dulot ng maliliit na insekto na kung tawagin ay Sarcoptes scabiei. Ang kurikong o galis in English ay scabies, na nagdudulot ng matinding pangangati sa balat.
Ito ay nakakahawa at maaring kumalat sa pamamagitan ng close physical contact. Ito ay sa pamamagitan ng pakikihati sa higaan o kaya naman ay pagsusuot ng damit ng sinumang mayroon nito.
Ang insekto o mite na nagdudulot ng kurikong ay hindi basta-basta makikita kung hindi gagamit ng microscope dahil sa liit nito. Naninirahan ito sa balat na kung saan sila ay nangingitlog at nagpaparami na nagiging dahilan ng pangangati.
Ito ay hindi lamang sa tao maaring dumapo ngunit pati narin sa mga hayop.
Sintomas ng kurikong o galis
Ang pangunahing sintomas ng kurikong o galis ay ang matinding pangangati lalo na sa gabi at ang maliliit na paltos o pasa sa balat.
Maaari itong dumapo sa kahit anong parte ng katawan ngunit mas madalas sa mga sumusunod:
- Pagitan ng daliri
- Kili-kili
- Paligid ng bewang
- Kamay
- Braso
- Paa
- Paligid ng suso
- Paligid ng ari ng lalaki
- Puwet
- Tuhod
Sa mga bata ang madalas na naapektuhan ng kurikong ay ang kanilang anit, palad at talampakan.
Kung nagkaroon na ng galis noon, ang mga sintomas ay maaring mapansin sa loob ng ilang araw matapos ang exposure.
Kung hindi pa naman nagkakaroon ng galis, ang mga sintomas ay nagsisimula ng hanggang sa anim na linggo matapos mahawa sa kung sino mang mayroon nito.
Sa oras na mapansin o makaramdam ng sintomas ay agad na pumunta sa doktor para malunasan. Dahil kapag napabayaan, ang galis ay maaring madulot ng komplikasyon gaya ng pagsusugat ng balat na maaring pamahayan ng bacteria at ma-impeksyon.
Ang mga over-the-counter medications ay makakatulong lang maibsan ang pangangati ngunit hindi tuluyang maiaalis ang kurikong o scabies.
Kinakailangan ang recommended treatment ng doktor hindi lamang sa taong apektado kung hindi pati na rin sa buong mag-anak o kabahayan na maaring mahawa nito.
Kurikong treatment
Mahalagang tandaan walang sintomas sa unang pagkakataon na magkaroon ng scabies ang isang tao. Ang mga sintomas ay nabubuo sa loob ng 4-8 na linggo. Gayunpaman, maaari pa rin silang makahawa ng mga scabies sa panahong ito.
Mahalagang malaman kung paano puksain ang mite upang ito ay hindi na kumalat. Narito ang ilang paraan upang gamutin ang scabies:
1. Gumamit ng recommended lotion.
Ang scabicide lotion o cream ay dapat ilapat sa lahat ng bahagi ng katawan mula sa leeg pababa sa paa.
Kapag ginagamot ang mga sanggol at maliliit na bata, ang scabicide lotion o cream ay dapat ding ilapat sa kanilang buong ulo at leeg dahil ang mga scabies ay maaaring makaapekto sa kanilang mukha, anit, at leeg.
Gayundin ang iba pang bahagi ng kanilang katawan. Tanging permethrin o sulfur ointment lang ang maaaring gamitin sa mga sanggol.
Ang lotion o cream ay dapat ilapat sa malinis na katawan at hayaan lang sa inirerekomendang oras bago ito hugasan. Panatilihing malinis ang damit.
Ang taong may direktang contact sa isang taong may scabies ay dapat ding suriin at gamutin upang maiwasan ang reinfestation.
2. I-decontaminate ang mga gamit
Ang kama, damit, at tuwalya na ginagamit ng mga taong nahawahan o ng kanilang sambahayan anumang oras sa loob ng tatlong araw bago ang treatment ay dapat ma-decontaminate. Ito ay sa pamamagitan ng paghuhugas sa mainit na tubig at pagpapatuyo sa isang mainit na dryer.
Mapupuksa naman ang scabies mites sa pamamagitan ng dry-cleaning o pagbubuklod sa isang plastic bag nang hindi bababa sa 72 oras. Ang mga scabies mites ay hindi nabubuhay nang higit sa 2 hanggang 3 araw ang layo mula sa balat ng tao.
3. Gumamit ng scabicides.
Ang mga produktong ginagamit sa paggamot sa scabies ay tinatawag na scabicides dahil pinapatay nila ang mga scabies mites; ang ilan ay pumapatay din ng mga itlog ng mite.
Ginagamit ang scabicide sa paggamot sa scabies ng tao ay makukuha lamang sa reseta ng doktor. Walang mga produktong “over-the-counter” (hindi reseta) ang nasubok at naaprubahan upang gamutin ang scabies.
Ang mga instruction na nakapaloob sa kahon o naka-print sa label ay dapat na maingat na sundin. Laging makipag-ugnayan sa doktor o parmasyutiko kung hindi sigurado kung paano gamitin ang isang partikular na gamot.
Ang mga sumusunod na gamot para sa scabies ay makukuha lamang sa pamamagitan ng prescription ng doktor:
-
Permethrin cream 5%
Para sa mga taong hindi bababa sa 2 buwan ang edad. Pinapatay ng Permethrin ang scabies mite at mga itlog. Dalawang (o higit pa) na aplikasyon, bawat isang aplikasyon ay isang linggo ang pagitan.
Ito ay kakailanganin upang maalis ang lahat ng mga mite. Ang mga batang may edad na 2 buwan o mas matanda ay maaaring gamutin ng permethrin.
-
Crotamiton lotion 10% at Crotamiton cream 10%
Ito ay aprubado para sa paggamot ng scabies ng mga adult. Ang Crotamiton ay hindi inaprubahan ng FDA para gamitin sa mga bata. Kadalasan, ang hindi epektibong paggamot ay dulot ng crotamiton.
-
Sulfur (5%-10%) ointment
Ang sulfur na gawa sa ointment (petrolatum) ay ligtas para sa paggamit ng mga bata, kabilang ang mga sanggol na wala pang 2 buwang gulang. Ang amoy ay maaaring hindi kanais-nais.
-
Lindane lotion 1%
Ang Lindane ay isang organochlorine. Bagama’t inaprubahan ng FDA para sa paggamot ng scabies, hindi inirerekomenda ang lindane bilang first-line therapy.
Ang sobrang paggamit, maling paggamit, o hindi sinasadyang paglunok ng lindane ay maaaring nakakalason sa utak at iba pang bahagi ng nervous system.
Ang paggamit nito ay limitado sa mga pasyente na hindi nagamot ng anumang cream o lotion at iba pang gamot.
Hindi dapat gamitin ang Lindane upang gamutin ang mga premature baby, mga taong may seizure disorder, buntis o nagpapasuso, mga taong may sobrang pangangati sa balat o mga sugat, mga sanggol, bata, matatanda, at mga taong timbangin ng mas mababa sa 110 pounds.
-
Ivermectin
Ang Ivermectin ay isang oral antiparasitic agent na inaprubahan para sa paggamot ng mga worm infestations. Ang oral ivermectin ay isang ligtas at epektibong paggamot para sa scabies.
Hindi lahat ng may scabies ay maaaring gumamit nito. Ang oral ivermectin ay dapat isaalang-alang para sa mga pasyenteng hindi epektibo ang mga naunang gamutan.
Kung gagamitin para sa pangkaraniwang scabies, dalawang doses ng oral ivermectin (200µg/kg/dose) ang dapat inumin kasama ng pagkain, bawat isa ay isang linggo ang pagitan.
Hindi pa napapatunayang epektibo ang paggamit ng ivermectin sa mga batang 15 kilo ang timbang pababa at mga buntis.
4. Uminom ng antibiotic
Ang mga sugat sa balat na nahawahan ay dapat gamutin ng naaangkop na antibiotic na ini-reseta ng doktor.
5. Retreatment
Dahil ang mga sintomas ng scabies ay dahil sa isang hypersensitivity reaction (allergy) sa mites at sa kanilang mga dumi (scybala), ang pangangati ay maaari pa ring magpatuloy sa loob ng ilang linggo pagkatapos ng paggamot kahit na ang lahat ng mites at itlog ay napatay.
Kung ang pangangati ay naroroon pa rin ng higit sa 2 hanggang 4 na linggo pagkatapos ng gamutan o kung ang pantal ay patuloy na lumilitaw, maaaring kailanganin ang retreatment.
Samantala, ang paggamit ng mga insecticide spray at fumigant ay hindi inirerekomenda.
Paano makakaiwas sa re-infestation
Para makaiwas sa re-infestation at maihawa ito sa ibang tao ay dapat gawin ang mga sumusunod:
- Linisin ang mga damit, towels at linen gamit ang mainit na tubig na may sabon. Ito ay dapat gawin sa loob ng tatlong araw bago simulan ang treatment na ipinayo ng doktor. Patuyuin ang mga nalabhang damit at gamit sa init.
- I-dry heat rin ang mga gamit na hindi puwedeng basain. O kaya naman ay ilagay sa sealed plastic bag at ilagay sa parte ng bahay na hindi gaanong napupuntahan para tuluyang mamatay ang mga insekto.
- Dapat ding ugaliing maglinis ng katawan at gumamit ng mga skin products na makakatulong para patayin ang mga mikrobyo sa balat.
- Ugaliin ang paghuhugas ng mga kamay gamit ang sabon at laging gumamit ng malinis na tuwalya at napkin upang punasan ito.
- Laging magsuot ng malinis na damit at iwasang ipagamit sa iba ang iyong mga damit.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.