Ang kuto sa ari o pubic lice ay uri ng kuto na naninirahan sa genital area ng isang tao. Ito ay mas maliit kumpara sa mga kuto na makikita sa ulo ng tao na sa hindi pangkaraniwang pagkakataon ay maari ring makita sa pilik-mata, buhok sa kili-kili, bigote o sa balbas.
Sa mga bata, ang pubic lice ay maaring makita sa kanilang pilik mata o kilay na karaniwang palantandaan din ng sexual abuse.
Ang pubic lice ay tinatawag ring crabs dahil sa dalawang malalaking galamay nito sa kanilang harapan na tulad ng sa alimango. Ito ang ginagamit nila para kumapit sa buhok ng taong apektado nito.
Paano nakukuha ang mga kuto sa ari?
Madalas nakukuha ang mga kuto sa ari sa papamagitan ng sexual contact sa taong apektado nito. Maari rin itong makuha sa paggamit ng kumot, tuwalya, bedsheet o damit ng taong mayro’n nito. Tulad din ng kuto sa ulo, ang pubic lice din ay nabubuhay sa pamamagitan ng pagsipsip ng dugo ng taong apektado nito.
Ngunit hindi katulad ng kuto sa ulo, ang mga kuto sa ari ay hindi lumilipat sa ibang tao at hindi ito basta-basta nalaglag maliban nalang kung ito ay patay na.
Mga sintomas na may kuto sa ari
Ang sintomas ng pagkakaroon ng kuto sa ari ay lalabas ilang linggo matapos mahawa sa taong meron nito.
Ang mga sintomas ng pagkakaroon ng kuto sa ari ay ang sumusunod:
- Pangangati sa apektadong parte ng katawan lalo na sa gabi sa kung kelan mas aktibo ang mga kuto
- Pagsusugat o pamamaga sa apektadong parte dahil sa pagkakamot
- Kulay itim na pulbos sa underwear
- Maliliit na kulay asul na spot o spot ng dugo sa balat madalas sa binti o ibabang parte ng tiyan
Maliban sa sumusunod maari ring makaranas ng sinat o mababang lagnat ang taong mayro’n nito na may kasabay na pagkatamlay sa kaniyang katawan.
Ang mga batang apektado nito ay maari ring makaranas ng conjunctivitis o pamumula ng mata dahil madalas ito ay naninirahan sa kanilang pilik-mata o kilay.
Paano malalaman na ang isang tao ay may kuto sa ari?
Bago pumunta sa doktor maaring eksaminin muna ng isang taong nakakaramdam ng mga nasabing sintomas ang kaniyang sarili upang makasigurado.
Maaring gawin ito sa pamamagitan ng pagsuri sa pubic area at paggamit ng magnifying lens upang makita ang malilit na kuto.
Madalas ang mga pubic lice ay kulay abo na umiitim kapag nakasipsip na ng dugo. Ang pagkakaroon rin ng maliliit na kulay puting itlog o lisa sa buhok sa ari ay isang indikasyon rin ng pagkakaroon ng pubic lice.
Kapag nasiguradong infected nga ng nasabing insekto maiging pumunta agad sa doktor para mabigyan ng kaukulang medikal na atensyon. Mas mabuting dumeretso rin sa sexual health clinic sa pinakamalapit na hospital o genitourinary medicine (GUM) clinic para masuri kung positibo rin ba sa STI o sexually transmitted infection. Dahil ang pagkakaroon ng kuto sa ari ay isa sa mga palantaan ng STI.
Paano nagagamot ang kuto sa ari?
Upang mawala ang mga kuto sa ari ay kailangan ng taong infected nito ang paglilinis sa kaniyang katawan at mga gamit sa bahay.
Ang mga pubic lice ay hindi nawawala sa pamamagitan ng pag-aahit o simpleng paliligo lamang. Naaalis din ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga over-the-counter lotion at shampoo tulad ng RID, Nix, and A-200. Samantalang ang mga lisa nito o itlog ay maaring tanggalin sa pamamagitan ng tiyane.
Para sa mga buntis o nagpapasuso, kailangang alamin muna sa inyong doktor ang tamang produktong gagamitin na ligtas para sa inyong sanggol.
Kailangan ring ma-decontaminate ang buong bahay ng taong apektado nito. Magagawa ito sa pamamagitan ng paglalaba at paggamit ng bleach solution para patayin ang mga kuto. Para makasigurado ilagay din ang mga gamit sa loob ng plastic bag na nakatali ng mahigpit at hindi papasukin ng hangin sa loob ng 72 na oras o tatlong araw.
Kung hindi parin nawawala ang mga pubic lice sa pamamagitan ng mga paraang nabanggit, kinakailangan na ng mas malakas na uri ng gamot tulad ng mga sumusunod:
- Malathion (Ovide), ito ay isang uri ng topical lotion na ipinapahid sa apektadong parte ng katawan sa loob ng walo hanggang dose oras.
- Ivermectin (Stromectol), isang uri ng pill na iniinom na kailangang ulitin sampung araw matapos ang unang pag-inom.
- Lindane, ang pinakamatapang na uri ng gamot para mawala ang pubic lice. Ipinapahid ito sa apektadong parte ng katawan na huhugasan matapos ang apat na minuto. Ito ay hindi ipinapayong gamitin ng mga bata, buntis at nagpapasusong ina.
Ang mga gamot na ito ay maaari ring mag-dulot ng iritasyon, pangangati, pamumula o paghapdi sa balat. Kung nakaramdam ng iritasyon hugasan ang parte na apektado para tuluyang mawala ang gamot sa iyong katawan.
Para maiwasang ma-infect ng pubic lice, huwag manghihiram o gagamit ng tuwalya, kumot, o gamit ng ibang tao na maaring paglipatan nito. Marapat ding sabihan ang mga dating partner na maari ring apektado ng mga insektong ito para sila rin ay magamot.
Sources: NHS, HealthLine
Basahin: Tulo: Alamin ang sintomas at gamot para sa STI na ito