Ang mga tradisyunal na larong Pilipino ay sadyang nakapang-aakit, at kakaiba. Isang napakagandang bagay pa tungkol dito ay pwede itong laruin ng kahit sino at kahit saan.
Maaari mo rin itong ituro sa iyong mga chikiting dahil ang ilan sa mga laro ay maaari ring magsilbing pisikal na ehersisyo para sakanila. Nag-enjoy ka na, lulusog ka pa!
Narito ang ilang larong pambata para sa mga batang Pilipino na maaari mong ituro sa iyong anak.
Talaan ng Nilalaman
Larong pambata: Mga larong Pilipino na puwede mong ituro sa iyong anak
1. Patintero
Ang larong ito ay masasabing pinakakilalang laro ng mga Pilipino. Patuloy na kumakalat ang popularidad nito sa iba’t ibang lalawigan bagama’t mas kilala ito sa Bulacan. Bilis, liksi, at galing sa pagtaya ng kalaban ang pangunahing dapat na isinasaalang alang ng bawat manlalaro.
Ang basehan ng pagkapanalo sa larong ito ay ang bilang ng mga manlalarong nakalampas sa bawat guhit nang hindi natataya ng kalaban.
Ang isang grupo ay kinabibilangan ng hindi bababa sa 10 miyembro.
Maaaring maglaro ng patintero sa kahit anong lugar basta’t nasusulatan ang sahig ng yeso na nagsisilbing hangganan o kaya naman ay mga linyang dapat malampasan ng bawat manlalaro.
Bilang pasimula ng laro, maghahagis ang isa ng barya upang malaman kung aling grupo ang mauunang maglaro at kung sinong grupo ang taya.
2. Luksong Lubid
Ang larong pambata na ito na binubuo ng tatlo o higit pang manlalaro.
Simple lamang na kahit pinagdugtong dugtong na goma ay maaari nang gamitin. Sa larong ito lumulukso ang bawat manlalaro habang pabilis nang pabilis ang ikot ng tali o ng pinagdugtong na mga goma.
Kapag tumama ang tali sa paa ng lumulukso, dahilan upang matigil ang pagikot nito ay siyang papalit naman ang ibang manlalaro. Isa pang uri ng luksong lubid ay tinatawag na Chinese Garter.
Sa larong ito, tatlo o higit pang manlalaro ang maaaring sumali.
Gamit ang garter, lulukso lamang ang bawat manlalaro ngunit hindi tulad ng sa naunang uri, ang garter ay pataas ng pataas: mula sa bukong bukong hanggang sa itaas ng ulo.
Kapag matatangkad naman ang iyong mga kalaban at may mahaba kang binti ay malaki ang tiyansa ng pagkapanalo. Madalas itong makitang nilalaro ng mga bata sa makikipot na kalye ng Tondo, Manila.
3. Larong Pilipino: Palo Sebo
Hindi makukumpleto ang pistang Pilipino kung walang Palo Sebo.
Ito ay nilalaro sa pamamagitan ng pag akyat sa mahabang kawayan na nilagyan ng grasa na magsisilbing pampadumulas.
Kinakailangan ang malakas at makapit na paghawak sa kawayan upang makaabot sa tuktok at makuha ang premyo.
Sa mga lalawigan sa Luzon tanyag ang larong ito sapagkat maraming puno ng niyog (madalas gamitin sa larong ito) ang matatagpuan dito. Ligtas naman ito pero hindi nirerekomenda na laruin ng mga batang wala pang hustong gulang at lakas
4. Siyato
Kung tatanungin mo ang mga bata sa Visayas tungkol sa larong Pitiw (syato), ay kilalang kilala nila ito. Dalawang manlalaro ang maglalaban dito.
Kailangan ng bawat isa ang maikling patpat upang magsilbing pamato at mahabang patpat para gawing panghampas nito.
Ang maikling patpat ay pumapagitna sa dalawang bato o home base at ang unang maglalaro ay ihahagis ito pataas sabay hataw dito gamit ang mahabang patpat hanggang sa maipalo palayo mula sa home base.
Ang napalayong patpat ay pupuntahan ng naghagis at uulitin ang unang ginawa. Titigil lamang ito kung hindi natamaan ang kahoy habang nasa hangin.
Ibabalik ito ng manlalaro habang sumisigaw ng “siyato” pabalik sa home base. Kung hindi nakasigaw ng “siyato” ay uulitin nito ang paghagis at paghataw.
5. Larong Pilipino: Taguan
Isang larong pambata sikat sa mga lalawigan ng Pangasinan, Nueva Ecija at Pampanga. Ito ay hango sa larong Ingles na ang tawag ay Hide and Seek.
Magandang maglaro nito sa mga lugar na maraming kubo, puno at matataas na halamanan. Kahit ilang tao ay pwedeng sumali, ang kailangan lamang ay may tukuyin na “taya”.
Ang sinumang matukoy na taya ay siyang magbibilang ng hanggang 30 habang nakapikit at nakasandal sa puno na nagsisilbing home base.
Habang ang taya ay nagbibilang, ang mga kalaro ay naghahanap ng kanya kaniyang mapagtataguan. Pagkatapos magbilang ng taya ay hahanapin na niya ang mga nagtago.
Ang bawat nagtago naman ay hahanap ng paraan upang makapunta sa home base nang hindi nakikita ng taya sabay sisigaw ng “save”.
Maliligtas mula sa pagkataya ang sinumang makapunta dito nang hindi nahuhuli. Matatapos lamang ang laro kung ang lahat ng manlalaro ay nakalabas na sa pinagtataguan.
6. Sipa
Tinatawag na Tepak Sakraw sa Indonesia at Sepak Raga sa Malaysia, ang larong ito ay madaling makikita sa lansangan sapagkat mga punit punit at makukulay na plastik at isang takip ng bote o tansan lang ang kailangan.
Nilalaro ito sa pamamagitan ng paghahagis at pagsipa pataas gamit ang paa, siko o iba pang parte ng katawan.
Kapag sumayad na sa lupa ang tansan, ibig sabihin ay tapos na ang laro.
Madalas kang makakakita ng mga batang naglalaro ng sipa sa mga pampublikong paaralan ng Bulacan, pagkatapos ng kanilang mga klase.
7. Larong Pilipino: Bahay-bahayan
Katulad ng larong pambata na ito ang Titser Titseran (Umaarteng guro) at Doktor doktoran (umaarteng doktor).
Sa larong ito ay may mga batang umaarte na tulad sa ama at ina ng isang bahay, partikular na ang nipa hut, at may kasamang beybi na manika.
Ang karaniwang ginagawa ng ama dito ay pumapasok sa trabaho habang ang ina na nakasuot ng saya ay naghahanda ng makakain gamit ang mga putik na gawa sa plato at mga damo at bulaklak na nagsisilbing pagkain.
Inaalagaan din ng umaarteng ina ang beybi na manika na kanilang anak.
Kalat ang kasikatan ng larong ito sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas sapagkat bawat bata ay mismong sa magulang nakakakuha ng ideya kung paano sila gagayahin.
Beneficial din na turuan ang inyong anak na maglaro ng bahay-bahayan. Lalo na kung toddler at preschooler na ang iyong anak. Madali lang naman itong laruin. Ang bahay-bahayan ay isang uri ng “make-believe game” ng mga Pilipino. Kung saan ay naglalaro sila na tila isang pamilya sa isang bahay. Sa loob ng bahay (na karaniwang isinabit na kumot ang mga dingding) ay naroon ang mga bata. May magsisilbing nanay, tatay, at mga anak. At doon nila gagawin ang mga pangkaraniwang gawain ng isang pamilya tulad ng paglilinis ng bahay, pagluluto (lutu-lutuan) at iba pa.
Makatutulong ang laro na ito sa pagpapalawak ng imahinasyon ng iyong anak. Bukod pa rito, natututo rin siya na makipag-interact sa kaniyang mga kalaro.
8. Jack-en-poy
Sa Ingles, ang bansag dito ay Rock-Paper-Scissors.
Ang larong ito ay naglalayong matalo ang bawat galaw ng kamay sa pagitan ng dalawang manlalaro.
Halimbawa, talo ng gunting ang papel, talo ng papel ang bato at talo ng bato ang gunting.
Hindi makukumpleto ang larong ito kung wala ang kantang “jack-en-poy, hali, hali hoy! Sino’ng matalo siya’ng unggoy! Kinahihiligan ito ng karamihan sa Maynila.
9. Larong Pilipino: Trumpo
Sa salitang banyaga, tinatawag din ang larong ito bilang Spinning Top sa Ingles, Spun Tsa Lin sa Intsik at Koma Asobi sa Hapon.
Isa itong larong Pilipino na may dalawang mahalagang gamit ang kinakailangan upang makapaglaro nito.
Una, ang gawa sa kahoy na hugis ng tulad sa acorn na mayroong pako na nakabaon ang ulo mula sa kahoy at ang pangalawa, isang mahabang lubid na magpapaikot sa kahoy na may pako.
Sa oras na mapakawalan na ang kahoy mula sa lubid, marapat na maglaan ng sapat na espasyo ang manlalaro upang magpaikot ikot ito sa iba’t ibang direksyon.
Mahilig maglaro ng trumpo ang mga batang lalaki sa Lanao del Sur. Nasa kanilang lugar rin nagmula ang pinakamalaking trumpo sa Pilipinas; tinatawag itong Batige.
10. Luksong baka
Sa larong ito, ang isang manlalaro ay tutuwad ng bahagya habang nakasuporta ang kamay nito sa kanyang tuhod.
Ang mga kalaro ay lulukso sa itaas ng taya gamit lamang ang mga kamay. Kapag sumayad ang mga binti ng lumukso sa ibang parte ng katawan ng taya, siya ang papalit dito.
Sa mga bukirin ng Pangasinan sikat ang larong pinoy na ito.
Tunay ngang napaka sarap maging bata! Bilang isang magulang, paniguradong pamilyar ka sa mga larong pilipino na nabanggit, maaaring nilaro mo ang ilan sa mga iyan.
Kaya’t marapat lamang na ituro mo ito sa iyong mga chikiting.
Ang mga aktibong paglalaro na pinangungunahan ng mga bata ay nagbibigay sa kanila ng pagkakataong magsiyasat kung ano ang kayang gawin ng kanilang katawan, magiging malikhain at mawiwiling maging aktibo na hindi kinakailangang pinangungunahan ng mga may-edad.
Ang pagkakaroon ng mga simpleng laruan ay nagbibigay sa inyong anak ng pagkakataong matuto sa kakayahan ng pagbubuo at pagsusubok sa mga paggalaw sa iba’t ibang pamamaraan.
11. Agawan Base
Sa larong ito mayroong dalawang teams na may tig-isang base. Nakadepende sa dami ng manlalaro ang magiging miyembro ng kada grupo.
Mayroong dalawang base na pagmamay-ari ng tig-isang grupo. Kinakailangang maagaw ang base ng kalaban nang hindi natataya.
Kung ikaw naman ay nataya, ilalagay ka muna sa grupo ng kalaban at kinakailangan kang iligtas ng iyong mga kakampi. Kadalasan ay may puntos na pinagbabasehan kung saan ang grupong limang beses na nakaagaw ng base.
12. Langit-Lupa
Ito ay isang mataya-tayang laro na mayroong dalawang base, ang langit at ang lupa. Mayroong isang taya na manghahabol sa mga manlalaro na tumatakbo sa mababang bahagi o tinatawag na lupa. Ang mga manlalaro na hindi matataya ay maaaring umakyat sa mas mataas na bahagi o tinatawag na langit.
13. Piko
Mayroong iginuguhit na mga kahon sa sahig at iyon ang lugar na paglalaruan. Ang mga manlalaro ay tatayo sa dulong bahagi ng kahon at ang bawat isang manlalaro ay kailangang ibato ang kanilang bato.
Kailangang tukuyin ng unang manlalaro kung paano ang basehan ng pagkapanalo. Ang pinakamalapit na bato sa lugar na napag-usapan ang unang maglalaro.
14. Pitik Bulag
Sa larong ito ay kinakailangan lamang ng dalawang manlalaro. Ang isang manlalaro ay kinakailangang takpan ang kanyang mga mata ng kanyang kamay,samantala ang isang manlalaro naman ay pipitikin ang kamay na nakatakip sa mata.
Matapos ay sabay na magpapakita ng numero gamit ang kanilang kamay ang dalawang manlalaro. Kapag parehas ang kanilang numero ay magpapalit ang mga manlalaro ng posisyon sa laro.
15. Larong Pilipino: Tumbang Preso
Ang tumbang preso ay isang sikat na larong Pilipino.
Kailangan ng tatlo o higit pang manlalaro dito. Ang bawat isang manlalaro ay mayroong malaking bagay na maaaring ibato na tinatawag na “pamato.” Maaari itong tsinelas o sapatos.
Maglalagay ng latang walang laman o plastic container na nasa 6 o 8 metro ang layo mula sa pwesto ng mga manlalaro. Isang manlalaro ang gaganap bilang isang preso. Ang preso ang magbabantay sa latang walang laman o plastic container.
Ang ibang mga manlalaro ay tatayo sa isang pwesto, at isa-isang ibabato ang kanilang mga “pamato” sa latang walang laman, kung saan susubukan itong itumba.
Kapag natumba na ang lata, kinakailangang itayo muli ng preso ang lata bago tayain ang mga manlalaro na susubok na kunin muli ang kanilang pamato.
Kung ang isang pamato ay naging masyadong malapit sa latang nakatayo, maaaring apakan ng preso ang lata at pamato, at ang may-ari ng pamato na iyon ang magiging bagong preso.
Maaari ring tayain ng preso ang mga manlalaro na nasa labas ng pwesto at sinusubukang kunin ang kanilang pamato.
Sa bawat bato, kailangang makuhang muli ng mga manlalaro ang kanilang pamato. Kung siya ay nataya ng peso bago pa man siya makabalik sa pwesto, siya ang magiging preso sa susunod na laro.
16. Ubusan Lahi
Ang larong Pilipino na ito ay isang manlalaro ay susubukang hulihin ang mga manlalaro mula sa isang grupo. Ang sinomang manlalaro na mahuli ng tayang manlalaro ay magiging kakampi n anito. Mas maraming manlalaro, mas masaya.
Magsisimula ang laro kung saan iisa lamang ang manlalarong taya, at maghahanap at tatayain niya ang ibang mga manlalaro. Kapag ang isang manlalaro ay nataya, tutulong na ito para manghuli pa ng ibang manlalaro hanggang sa wala nang natira na manlalaro. Tinatawag din ang laro na ito na Bansai.
17. Teks
Ang teks ay maliliit na baraha na naglalaman comic strips at kinokolekta ng mga bata. Hinahagis ito hanggang sa mapunta sa sahig. Ang mananalo ay may kakayahang kunin baraha ng ibang manlalaro depende kung paano tumama o lumapag sa sahig ang mga baraha.
18. Luksong tinik
Parang luksong baka rin na kailangang lumukso ng manlalaro upang malampasan ang “tinik”. Ang tinik ay ang patung-patong na paa at kamay ng mga “taya”. Habang tumataas ang level ng mga manlalaro, ay tumataas din ang tinik na kailangang luksuhin.
Nilalaro ito ng dalawang team. Ang bawat team ay may pantay na dami ng mga manlalaro. Kung saan ay may itatalaga silang “nanay” ang lider ng grupo. Mahalagang piliin dito kung sino ang pinakamataas tumalon. Dahil may kakayahang buhayin ng “nanay” ang mga sumablay o sumabit sa “tinik” na anak.
19. Sawsaw-suka
Ang larong ito naman ay pwedeng-pwede mong ituro kahit sa iyong baby. Katunayan, karaniwan talaga itong pinalalaro sa mga sanggol o toddler. Madali lang kasi itong laruin. Kailangan lang ilahad ng “taya” ang kaniyang palad, habang ang isang manlalaro naman ay “isasawsaw” ang kaniyang hintuturo sa palad ng “taya”. Kakanta sila ng “sawsaw-suka, mahuli taya” pagkasabi ng salitang “taya” ay susubukan hulihin ng “taya” ang kamay ng manlalaro. Kapag nahuli niya ito ay ito naman ang magiging “taya.”
20. Nanay, Tatay
Ang Nanay, Tatay ay isang larong Pilipino na nilalaro ng dalawa o higit pang manlalaro. Papalakpak sila sa saliw ng awiting “Nanay, Tatay gusto kong tinapay. Ate, kuya, gusto kong kape. Lahat ng gusto ko ay susundin niyo. Ang magkamali ay pipingutin ko.”
Pagkatapos ay papalakpak mula isa hanggang sampu. Pabilis nang pabilis. Ang magkamali ay parurusahan sa pamamagitan ng pagpingot sa ilong o sa tainga. Makatutulong ang larong ito kung nais mong mas mahasa ang skill ng iyong anak sa pagbibilang.
Benepisyo ng paglalaro ng larong Pilipino
Mommy at daddy, maraming larong Pilipino ang makapagbibigay ng benepisyo sa inyong anak. Bukod sa ma-eenjoy nila ang mga larong Pilipino, magsisilbi rin itong kanilang ehersisyo. Mahalaga ito lalo ngayon na karamihan sa mga bata ay masyado nang naka-focus sa mga computer games. Importanteng balanse pa rin ang mga larong pang-isip at larong pangkatawan para maiwasan ang sakit na maaaring idulot ng labis na paglalaro ng computer games.
Bukod pa rito, sa pamamagitan ng pagtuturo ng larong Pilipino sa iyong anak, nabibigyan ito ng pagkakataon na matutong makipag-ugnayan sa kaniyang kapwa bata. Makatutulong ito sa development ng kaniyang social at emotional skills. At dahil tila ehersisyo na nga rin ito, pati na ang motor skills ng bata ay natutulungang ma-develop ng paglalaro. At syempre, matuturuan mo rin ang iyong anak na mahalin at ikintal sa kanilang isipan ang kulturang Pilipino.
Karagdagang ulat mula kay Shena Macapañas at Jobelle Macayan