Level-up dish ng leftover na lechon baboy ang lechon paksiw recipe na ibabahagi natin sa araw na ito. Isa ito sa mga paraang ginagawa ng karamihan upang hindi magsawa sa paulit-ulit na pag-iinit sa natirang lechon.
Mababasa sa artikulong ito:
- Paano nabuo ang konsepto ng pagpapaksiw ng lechon
- Mga sangkap sa pagluluto ng lechon paksiw
- Ang paraan ng pagluluto nito
- Recipe ng homemade lechon sauce
Ang konsepto ng pagpapaksiw ng lechon
Itinuturing na star ng mga handaan at salu-salo ang lechon na baboy. Inihahanda kasi ito sa mga pinakamahalagang okasyon gaya ng kasal, kapistahan, pasko, reunion, at iba pa. May kamahalan kasi ang presyo nito at masyadong malaki para sa isang pamilya. Kaya prefer ng mga Pilipino na ihanda ito sa mga malakihang pagtitipon.
May ilang pagkakataon na hindi nauubos ang lechon baboy sa mga handaan. Para hindi masayang, iniinit na lang ito sa kawali o ginagawang bagong ulam. Nakakaumay din kasi ang ilang araw na puro lechon ang ulam.
Sa pagluluto ng lechon paksiw, nilalagyan ito ng suka, bawang, sibuyas, paminta at lechon sauce. May kaibahan ang bersyon ng mga taga-Luzon at mga taga-Visayas pagdating sa pagpapaksiw ng lechon. Ang mga taga-Luzon ay nagdadagdag ng liver spread sa kanilang paksiw na lechon, samantalang wala nito sa mga taga-Visayas. Gayunpaman, parehong masarap ang bersyon ng mga luto nila.
Ibabahagi ko sa inyo ngayon ang mga sangkap at paraan ng pagluluto ng lechon paksiw at homemade lechon sauce.
Mga sangkap sa pagluluto:
- 1 tablespoon cooking oil
- 1 buong bawang, minced
- ¾ cup suka
- 1 medium sibuyas, sliced thinly
- 2-3 cups tubig (puwede ring gumamit ng beef stock)
- 2 cups lechon sauce (store-bought o puwede ring homemade)
- ¾ cup asukal na pula
- 5 cups leftover lechon or lechon kawali, chopped
- 3 piraso ng dahon ng laurel (bay leaves)
- ½ cup liver spread
- 1 teaspoon pamintang buo
- Salt to taste
Ang proseso sa pagluluto ng lechon paksiw:
- Sa isang kaserola, igisa ang bawang at sibuyas sa medium heat na apoy. Hayaan itong maluto sa loob ng 30 segundo hanggang 1 minuto. Isunod na ilagay ang tubig at suka. Pakuluin ito ng 3 hanggang 5 minuto. TIP: Para sa mas malasang sarsa, maaaring gumamit ng beef stock imbes na tubig.
- Kapag kumulo na ang tubig at suka, ilagay na ang lechon sauce, pamintang buo at asukal na pula. Haluin itong maigi. Idagdag ang leftover lechon at mga dahon ng laurel at muling haluin.
- Hinaan ang apoy at hayaang kumulo ito sa loob ng 20 minuto o hanggang lumambot na ang karne. TIP: Kung natutuyuan ng sabaw, magdagdag lamang ng 1 cup ng tubig.
- Pagkulo ng 20 minuto, maaari nang ilagay ang liver spread at haluing mabuti. Timplahan ng asin sa nais na panlasa. Puwedeng dagdagan ng pamintang durog kung nais na mas maanghang ang lasa.
- Muling pakuluin sa loob ng 10 minuto o hanggang lumapot na ang sarsa. Patayin ang apoy ng kalan at isalin ang ulam sa isang serving bowl. Ihain habang mainit pa!
Recipe ng homemade lechon sauce
- 2 tablespoon ng cooking oil
- 1/2 cup sibuyas, minced
- 2 tablespoon ng bawang, minced
- 1 1/2 cup dinurog na atay ng baboy
- 2/3 bread crumbs
- 2/3 cup asukal na pula
- 3/4 apple cider vinegar
- 3 cups ng tubig
- Salt and pepper to taste
Proseso sa pagluluto:
- Gamit ang food processor, durugin ang bawang at sibuyas dito upang maging pino para sa ating sauce. Durugin o gilingin din sa food processor ang atay ng baboy hanggang sa maging paste ang texture nito. Note: Isa-isa lang ang pagsalang sa food processor at huwag pagsasamahin ang mga ito.
- Sa isang kawali, igisa ang bawang at sibuyas sa medium heat na apoy. Ilagay ang atay ng baboy at lutuin sa loob ng 5 minuto. Unti-unting ilagay ang apple cider vinegar at haluin. Idagdag ang tubig at pakuluin.
- Ilagay ang asukal na pula at haluin. Idagdag ang bread crumbs at pakuluin sa loob ng 3 minuto. Patuloy itong haluin upang hindi magbuo-buo. Timplahan ng asin at paminta sa nais na panlasa. Patayin ang apoy sa kalan at palamigin ito.
- Kapag malamig na ang mixture ay ilagay ito sa blender at i-blend hanggang sa maging smooth ang sauce. Isalin na ito sa isang lalagyan na may lid.