Ligtas ba mag breastfeed COVID 19 answer and tips na dapat malaman ng bawat nagpapasusong ina sa gitna ng nararanasang pandemya.
Ligtas ba mag breastfeed COVID 19 answer and tips
Para sa mga bagong ina, ang numero unong bagay na ikinatatakot natin ay ang magkaroon ng sakit ang ating sanggol. Ito ay dahil masyado pang maliiit at mahina ang kaniyang katawan upang malabanan ito. Dagdag pa ang pag-iisip na hindi niya pa masabi sa pamamagitan ng mga salita ang nararamdaman niya na mas dumudurog sa ating puso.
Kaya naman sa gitna ng pandemya na ating nararanasan ngayon ay kailangang mahigpit ang ating maging pag-iingat. Ito ay upang ma-protektahan hindi lang ang ating sarili. Kung hindi pati ang ating sanggol na ang buhay at kaligtasan ay nakasalalay sa ating mga kamay.
Kaugnay nga rito ay may isang bagay na gumugulo sa isip ng ilan sa ating mga nanay sa ngayon. Partikular na sa mga inang nag-positibo sa sakit na COVID-19 at may sanggol na kailangan pang sumususo sa kaniya. Ganoon rin sa mga inang hindi man positibo sa sakit ngunit nangangamba na baka siya ay infected na. At baka maihawa niya ito sa kaniyang sanggol sa pamamagitan ng gatas niya.
Breastfeeding during COVID-19
Pero ayon sa CDC at WHO, hanggang sa ngayon ay wala pang COVID-19 transmission na naitatala sa pamamagitan ng breastfeeding. Lalo pa’t base sa mga pag-aaral ay natuklasang hindi makikita ang virus sa breastmilk ng isang COVID-19 positive na ina. Kaya naman, wala daw dapat ikatakot ang mga ina na nagpasuso. At walang dahilan upang matigil na maibigay sa kanilang sanggol ang gatas nila.
“The COVID-19 virus has not been found in breastmilk. Transmission of COVID-19 through breast milk and breastfeeding has not been detected to date. There is no reason to avoid or stop breastfeeding.”
Ang pahayag na ito ay ayon sa WHO o World Health Organization.
Mag-suot ng mask.
Pero magka-ganoon man ay kailangan paring mag-ingat ng mga ina sa pagpapasuso sa kanilang mga sanggol. At kailangan nilang sumunod sa mga precautions kontra COVID-19 sa pagsasagawa nito. Tulad ng pagsusuot ng mask upang matakpan ang ating bibig at ilong na kung saan pangunahing lumalabas ang droplets na nagtataglay ng virus.
“Maaari naman pong mag-breastfeed basta iingatan. Yung ating bibig, ilong parating nakatakip para di po natin malipatan ng mikrobyo ang ating babies.”
Ito ang pahayag ng pediatrician na si Dr. Anna Ong-Lim na presidente rin ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines.
Hugasan ang mga kamay at suso.
Maliban nga sa pagsusuot ng mask ay kailangang ring maghugas ng bagay bago magpasuso o hawakan ang isang sanggol. Ito ay upang masigurado na hindi malilipat sa kaniya ang kahit anumang mikrobyo mula sa huling bagay na iyong hinawakan o ginawa.
Ayon naman kay Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maliban sa kamay ay dapat ring hugasan muna ng mga ina pati ang kanilang mga suso bago ang bawat breastfeeding sa kanilang sanggol. Ito ay upang mas makasigurado na ito ay ligtas o hindi nadikitan ng kahit anong germs o viruses.
Linisin o i-disinfect ang mga surfaces at gamit sa paligid bago magpasuso.
Habang ayon sa UNICEF maliban sa mga nabanggit, dapat ay properly disinfected rin ang mga surfaces at gamit na nasa paligid ng isang ina bago siya magpasuso. Dahil sa hindi mapapansing pagkakataon ay aabot at hahawak siya sa mga ito habang nagpapasuso sa kaniyang sanggol. Kaya naman sa oras na ito ay nakapitan pala ng COVID-19 virus, may malaking tiyansa na mailipat at maihawa agad ang virus sa kaniyang baby.
“For symptomatic mothers well enough to breastfeed, this includes wearing a mask when near a child (including during feeding), washing hands before and after contact with the child (including feeding), and cleaning/disinfecting contaminated surfaces.”
Ito ang pahayag ng ahensya.
Ihiwalay ang sanggol at mag-express ng gatas.
Dagdag pa ng UNICEF, kung severely-ill naman ang isang ina mas mainam na ihiwalay siya sa kaniyang sanggol. At imbis na deretsong magpasuso ay i-express nalang niya ang gatas niya. Saka ito ibigay sa sanggol gamit ang kutsara o cup. Puwede rin namang sa pamamagitan ng isang bote na kung saan maari paring maipadede sa kaniyang sanggol. Ngunit dapat sa pagsasagawa nito ay masigurado na nalinisan o properly disinfected ang lahat ng gamit na kaniyang gagamitin. Lalo na ang bote, cup o bag na paglalagyan ng gatas niya.
“If a mother is too ill, she should be encouraged to express milk and give it to the child via a clean cup and/or spoon – all while following the same infection prevention methods.”
Ito ang dagdag pang pahayag ng ahensya.
Paalala ng doktor
Paalala naman ni Dr. Anna Ong-Lim, dapat ay maging aware rin ang mga nagpapasusong ina sa sintomas ng COVID-19. Tulad ng lagnat, ubo, sore throat at hirap sa paghinga. Ito ay upang agad silang makapagpakonsulta sa doktor. At magawa ang mga precautionary measures upang hindi na mahawaan ng virus o sakit ang kanilang sanggol.
Dagdag pa niya, hindi rin daw dapat natitigil ang pagbabakuna sa kanilang sanggol. Dapat ay updated parin umano ang mga ito. Ito ay upang magkaroon sila ng dagdag na proteksyon laban sa kahit anumang sakit. Gawin ito sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang doktor o health centers na nagbibigay ng vaccine sa kanilang sanggol.
“Hindi naman po nagpahinga yung ibang mikrobyo dahil nagkaroon lang po ng COVID.So let’s please remember our vaccination schedule,” dagdag na pahayag ni Dr. Anna Ong-Lim.
Maliban sa mga nabanggit ay hinihikayat ang mga magulang na iiwas muna sa matataong lugar ang kanilang sanggol. Lalo na sa mga taong may sakit na maaring makahawa sa kaniya ng virus.
Source:
Basahin:
Sakit sa tiyan, Kawasaki disease at iba pang sakit na lumalabas sa mga batang may COVID-19