Longganisa recipe naman ng mga taga-Cagayan Valley ang itatampok natin sa araw na ito.
Sa artikulong ito malalaman natin:
- Ang pinagmulan ng longganisa recipe sa Pilipinas
- Iba’t-ibang uri ng longganisa sa bansa
- Mga sangkap sa paggawa ng Tuguegarao longganisa
- Ang proseso sa paggawa at pagluluto ng longganisang Ybanag
Pinagmulan ng longganisa recipe sa Pilipinas
Sinasabing nagmula sa mga Kastila ang pagkain ng longganisa sa ating bansa. Tinatawag din nila itong longaniza na ang pangunahin ding sangkap ay sariwang karne ng baboy. Nilagyan ito ng mga pampalasa na cinnamon, paprika, aniseed, suka at bawang. Hindi tulad ng chorizo na isa ring uri ng sausage, ito ay kailangan munang lutuin bago kainin. Ang chorizo ay ready to eat na dahil gawa ito sa cured o smoked pork.
Nakarating sa Pilipinas ang longganisa recipe mula sa Acapulco trade ng bansa sa Mexico. Sa kanila naman nagmula ang dalawang termino na ginagamit natin upang makilala ang uri nito: hamonado at recado.
Ang hamonado ay ang matamis na bersyon ng longganisa samantalang ang recado naman ay ang spice-mixed na longganisa.
Iba’t-ibang uri ng longganisa sa Pilipinas
Bawat lugar sa Pilipinas ay may sariling timpla ng longganisa recipe. Ito ang ilan sa mga kilalang longganisa sa bansa:
- Alaminos longganisa – pork longganisa de recado mula sa Pangasinan.
- Cabanatuan longganisa (Batutay) – beef longganisa mula sa Nueva Ecija.
- Calumpit longganisa (longganisang bawang) – pork longganisa de recado mula sa Calumpit, Bulacan.
- Chorizo de Bilbao – dry pork longganisa na ginamitan ng paprika bilang pampalasa.
- Chorizo de Cebu (Longganisa de Cebu) – pork longganisa hamonada mula sa Cebu.
- Chorizo de Macao – dry pork longganisa na ginamitan ng anise liqueur bilang pampalasa.
- Chorizo Negrense (Bacolod Longganisa) – pork longganisa ng Negros Island.
- Longaniza de Guinobatan – pork longganisa de recado ng Guinobatan, Albay.
- Lucban longganisa – pork longganisa de recado mula sa Quezon. Ginagamitan ito ng oregano bilang pampalasa.
- Pampanga longganisa – pork longganisa hamonada ng Pampanga.
- Pinuneg – pork blood sausage ng Cordillera Administrative Region.
- Tuguegarao longganisa (Longganisang Ybanag) – pork longganisa de recado ng Cagayan Valley. Ginagamitan ito ng annato oil o atsuete upang maging kulay orange.
- Vigan longganisa – pork longganisa de recado ng Ilocos Region. Ginagamitan ito ng sukang Iloko bilang pampalasa.
- Skinless longganisa – pork longganisa de recado na hindi ginagamitan ng bituka ng baboy bilang hog casing.
Mga sangkap sa paggawa ng longganisa recipe ng mga Ybanag
- 1 kilo pork coarsely ground (kailangang may 30% fat ang karne ng baboy)
- 1 kutsarang durog na paminta
- 2 buong head ng bawang, chopped
- 1 kutsarang asin
- 3 kutsarang sukang Iloko
- 1 1/2 kutsarang annato oil (atsuete oil)
- hog casing
- cooking twine
Ang proseso sa paggawa at pagluluto ng longganisang Ybanag
- Hiwain sa maliliit na piraso ang mga karne ng baboy at taba nito. Gamit ang meat processor, gilingin ito upang maging pino. Kapag nagiling na ang lahat ng karne at taba ng baboy, ilagay na ito sa isang mixing bowl. Ilagay ang lahat ng sangkap at haluing mabuti.
- Gamit ang funnel o embudo, ilagay ang mixture sa hog casing. Paghiwa-hiwalayin ang mga ito ng 2-3 inches. Pilipitin at talian ng twine ang bawat pagitan. Gawin ito hanggang sa mailagay na lahat ng mixture sa hog casing. TIP: Puwede ka ring gumawa ng longganisa balls mula rito kung nais mo.
- I-air dry o ibilad sa araw ang mga longganisa ng ilang oras (at least 10-16 oras). Mas masarap kung overnight ang pagkaka-air dry dito. Ilagay sa freezer ang mga longganisa pagkatapos itong ma-air dry. NOTE: Siguraduhing walang dadapo na insekto sa mga longganisa upang masiguro ang kalinisan nito.
- Kapag handa ng lutuin ang longganisang Ybanag, maglagay muna ng kaunting tubig sa kawali at ilagay ang ilang piraso nito. Hayaang kumulo ang tubig at matuyo saka maglagay ng cooking oil upang iprito ang mga longganisa. Ikot-ikutin ang mga longganisa upang pantay na maluto ang bawat side nito.
- Kapag golden brown na ang bawat side, ihango na ito at ilagay sa isang rack upang mapatulo ang excess oil. Ilagay sa serving dish at ihain habang mainit. Masarap itong i-partner sa sinangag na kanin, pritong itlog at kamatis. Enjoy!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!