Losyang ka na!” Noong una sa tuwing naririnig kong sinasabi ito pabiro man ay nasasaktan ako. Dahil bilang isang babae mahalaga para sa atin na maramdaman na tayo ay laging maganda at kaaya-aya sa paningin ng iba. Pero sa tuwing tinitingnan ko ang malusog at masaya kong mga anak, ito ang nasasabi ko sa sarili ko. Hindi ako LOSYANG, mas inuuna ko lang ang anak ko kaysa sarili ko.
Mga anak ko muna, bago ang sarili ko
Magtatatlong-taon na ang pangatlo at bunso ko ngayong darating na Enero. Pero hindi tulad noon sa panganay kong anak, hindi pa rin bumabalik sa dati ang sukat ng bewang ko. Mula sa dating 24 na waistline nasa 33 na ang bewang ko. Sa totoo lang ang hirap pumorma, marami sa mga damit ko na ang hindi ko nasusuot. Mas pinipili ko nalang magsuot ng simpleng blouse o t-shirt man lang. Hindi lang upang maitago nito ang mga bilbil at taba ko siya tiyan, mas komportable rin kasi akong gumalaw at maghabol sa mga anak ko kapag ito ang suot ko. Dagdag pa na lagi akong nagmamadali, dahil hindi lang naman ang sarili ko ang inaayusan ko. May tatlo akong anak na kailangan kong paghandaan at asikasuhin. Higit sa lahat siguraduhin na sila ay laging malinis at presentable sa lahat ng oras.
Kaya naman, kung anong una kong makikitang damit na komportable sa aparador ay isusuot ko na. Pero para sa iba wala na ako sa uso, wala na kong taste at nagpapakalosyang na. Nakaka-frustrate pero kailangan ko itong tanggapin. Kasi nanay na ko at hindi lang sarili ko ngayon ang iniisip ko.
Hindi ako mataba, dahil wala akong ginagawa!
Maraming nakakapansin ng malaking idinagdag sa timbang ko. May mga magsasabi pa na “Bakit hindi ka mag-diet o mag-exercise? Kailangan mo ulit maging payat at sexy!” Sasabihin pa ng iba na, “Para kang napabayaan sa kusina!” Sa totoo lang, hindi ako nasasaktan dahil sa nakikita nilang mataba ako. Nasasaktan ako dahil mukhang minamaliit nila ang ginagawa ko.
Hindi lang ako basta kumakain dahil wala akong magawa. Kumakain ako para masiguro kong may energy ako na gawin ang mga gawing bahay at maasikaso ang pangangailangan ng aking pamilya. Takot din akong magpagutom at magkasakit. Dahil kapag nangyari ‘yun sino na mag-aalaga sa mga anak ko? Maya-maya ako kumakain, oo. Ito’y dahil maya-maya ko rin pinapakain ang mga anak ko. Madalas, sa mga tira nila ay taga-ubos din ako.
Halos wala nga akong oras magpahinga, pero wala iyong problema
Mag-exercise? Walang katapusan ang pag-e-exercise ko araw-araw. Mula umaga hanggang gabi kumikilos ako. Masuwerte na nga kung makakaupo ako ng matagal o makaka-idlip sa hapon at makapagsiesta. Isang bagay na sinisikap kong gawin kapag may bakanteng oras at sa tuwing magkaroon ako ng saglit na break sa pagiging ina.
Pangit man sa paningin ng iba na patuloy na nadadagdagan ang timbang ko, napapabayaan ang aking sarili kung sasabihin nila. Pero para sa akin hindi pagiging losyang ang tawag dito. Ini-enjoy ko lang muna kasi ngayon ang pag-aalaga sa mga anak ko habang bata pa sila. Ang pagpapayat magagawa ko yan sa mga susunod pang mga taon. Pero ang kabataan ng anak ko, ang bilis lumilipas at hindi ko ito maaring maibalik. Kaya naman gusto kong sulitin ang bawat oras ng pagiging nanay sa kanila. Kahit na ang kapalit nito’y ang patuloy kung paglobo at pagtaba, sa ngayon.
Maraming magbabago kapag nanay ka na
Ngayon, hindi tulad noong dalaga ako, wala na kong oras mag-ayos ng sarili ko. Kahit ang mag-ahit ng kilay ko. Kahit nga mag-pulbo at mag-lipstick sa tuwing lalabas kami ng mga anak ko. Dahil kaysa pulbohan ang mukha ko, mas gusto kong pulbohan ang likod nila. Para hindi sila agad na pagpawisan at manatiling mabango. Mas gusto kong suklayin at ayusin ang mga buhok nila. Kahit na ba ang buhok ko ay magulo at napaka-oily na dahil kung minsan pati paliligo’y ‘di ko na magawa.
Namimiss ko na nga rin ‘yung dating mahahaba at makukulay kong kuko. Kaso kung gagawin ko pa rin kasi ‘yun ngayon ay napaka-impractical na. Dahil agad lang itong masisira at mapuputol sa kakalaba ng damit at kakahugas ko ng plato. Saka mas ligtas din ito para sa mga anak ko. Dahil baka minsan sa pagmamadali ay matusok pa ng naghahabaan kong kuko ang mga mata nila.
Mas nagiging mahalaga ang kapakanan ng anak mo kaysa magpaganda
Ang sexy sa pakiramdam ng naka-heels pero ang hirap kasi maghabol ng anak kapag ito ang suot mo. Maliban sa masakit sa paa ay mapipigilan pa ko nitong agad na makapunta sa anak ko sa oras na may emergency o kailangan nila ako. Kaya naman mas pinipili kong mag-suot ng flat shoes o tsinelas lang. Para mas mabilis kumilos at mas mabilis matugunan ang pangangailangan ng mga anak ko.
Halos hindi ko na rin magamit ang designer bags ko. Kasi naman masyado silang maliliit at hindi magkakasya ang mga gamit ng anak ko. Saka sayang naman kung masisira lang sa bigat ng mga baon kong feeding bottles ng anak ko. Kaya naman siyempre mas pipiliiin kung gumamit ng mas malaking bag o kaya naman backpack na mas madaling bitbitin. Kapag nakita ako ng iba sasabihin nila, wala na ako sa uso, wala na kong taste at nagpapakalosyang na.
Losyang ako? Hindi yan totoo!
Pero sa tuwing tumitingin sa akin ang mga anak ko na nakangiti at masaya, pakiramdam ko. Ako ang pinaka-magandang babae sa mundo. Sa tuwing niyayakap ako ng asawa ko mula sa aking likod sa tuwing nagluluto ako, feeling ko ako ang pinaka-sexy na tao sa mundo. Kaya sino nagsabing losyang ako? Hindi ako losyang! Bilang ina’y mas pinipili ko lang na unahin ang mga anak at asawa ko kaysa sa sarili ko. Kung para sa iba’y pangit iyong tingnan, para sa akin ito ang pinakamagandang bagay na ginagawa ko. Ang purpose ko sa buhay na hindi ako magsasawang gawin sa oras-oras.
Muli hindi ako losyang! Isa akong ina na nais sulitin ang oras na makasama ang maliliit ko pang mga anak. Isa akong ina na nai-enjoy ang aking ginagawa at inang handang magsakripisyo sa lahat ng oras masiguro lang ang maayos na kapakanan ng aking pamilya.
BASAHIN:
Balik alindog: Check out this simple exercise routine for moms
Balik alindog: Check out this simple exercise routine for moms
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!