Ano ba ang lotus birth, at ligtas ba ito para sa mga ina?

Madalas na pinag-uusapan sa social media ang lotus birth. Mabuti ba ang ganitong paraan ng panganganak, at bakit ba ito ginagawa?

Sa panahon ngayon, maraming iba’t-ibang uri ng paraan ng panganganak ang puwedeng piliin ng mga ina. Kabilang na dito ang tinatawag na “lotus birth” na nauuso sa maraming mga ina.

Ano nga ba ang benepisyo ng ganitong uri ng panganganak? Ligtas ba ito para sa bata at sa ina? At bakit nga ba ito nagiging popular na paraan ng panganganak? Ating alamin.

Lotus birth: Para ba sa iyo ito?

Ang lotus birth ay isang paraan ng panganganak kung saan hindi pinuputol ang umbilical cord o pusod ng sanggol sa placenta o inunan. Matapos nito, hahantayin lamang na maputol ng kusa ang pusod ng sanggol. Kaiba ito sa karaniwang paraan kung saan pinuputol agad ang pusod ng sanggol pagkatapos ipanganak.

Ano ang benepisyo nito?

Ayon sa mga nagsusulong ng lotus na paraan ng panganganak, mas mabuti raw ito sa mga bata dahil nagiging mas malusog sila dahil sa benepisyong nakukuha sa placenta.

Nirerekomenda rin ng mga doktor na huwag agad putulin ang pusod ng sanggol pagkapanganak. Ito ay dahil mas nagkakaroon raw ng malusog na dugo ang bata at mas nagiging malusog ang kanilang katawan. Pero hindi nila inaantay hanggang maputol ang pusod. Kadalasan ay naghihintay ng 1-3 minuto ang mga doktor bago ipitin at putulin ang pusod.

Ang isa pang benepisyo ng ganitong paraan ay mas nagiging natural daw ang paglabas ng bata sa sinapupunan. Ayon sa mga gumagawa nito, nakakapagbigay daw ng nutrisyon ang placenta kahit nasa labas na raw ito ng ina. Ngunit hanggang ngayon, wala pa ring research na makapagsasabi kung totoo nga ito.

May panganib ba ito?

Para sa mga kritiko ng lotus birth, hindi daw ito mabuti sa kalusugan ng mga sanggol. Ito ay dahil kapag nasa labas na ng katawan ang placenta, tumitigil na ito sa pagbigay ng dugo at nutrisyon sa mga sanggol.

At dahil hindi na “buhay” ang placenta, puwede itong mabulok at maging sanhi ng impeksyon kung nakadikit pa ito sa pusod ng sanggol. 

Bukod dito ay mga posibleng mahila ang pusod ng sanggol dahil hindi ito agad pinutol. Ito ay nagiging sanhi ng pinsala sa sanggol. Ito ay tinatawag na cord avulsion.

Dapat ba itong piliin ng mga ina?

Desisyon na ng isang ina kung paano siya manganganak, at kung ano ang makakabuti para sa kaniyang sanggol. Pero mahalagang mag-research ng mabuti ang mga ina at hindi basta-basta sumabay sa mga uso.

Kung pipiliin nila ang magkaroon ng isang lotus birth, mabuting pumunta sa mga doktor na sanay na sa ganitong paraan ng panganganak. Ito ay upang makaiwas sa impeksyon at masigurado ang kalusugan ng kanilang ipapanganak na sanggol.

Bukod dito, mahalaga rin na sundin ng ina ang payo ng doktor at kung ano man ang rekomendasyon niya pagdating sa panganganak. Kung nirekomenda ng doctor na hindi ituloy ang lotus na panganganak, mabuting sundin ito ng mga ina.

Ang pinakamahalaga ay ang kalusugan ng iyong anak, at ang maipanganak sila na ligtas at walang komplikasyon.

 

Source: Healthline

Basahin: Lotus Birth: The popular birth trend that could cause infection in your newborn

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara