Luzon community quarantine, wala pang kasiguraduhan kung mag-eextend o magtatapos na. Pero para manumbalik ang sigla ng ekonomiya, mga negosyo unti-unti ng magbubukas at magbabalik sa kanilang operasyon.
Pagtatapos ng Luzon community quarantine
Marso 17, 2020: Ito ang araw na nagsimula ang ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon. Ang pangunahing paraan na isinasagawa sa Pilipinas upang ma-kontrol ang pagkalat ng sakit na COVID-19 sa bansa. Sa ngayon habang papalapit na sa isang buwang itinakdang Luzon community quarantine, ang tanong ng marami: Community quarantine extended ba o tuluyang magtatapos na?
Ayon kay Inter-Agency Task Force (ITAF) Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles ay patuloy paring pinag-aaralan ng gobyerno ang magiging sagot sa tanong na ito. Dahil kung mayroon daw dapat na pagbasehan sa ngayon kung ang Luzon community quarantine extended ba o magtatapos na ay ang pagkakaroon ng vaccine laban sa sakit na COVID-19. Pati na ang bilang ng mga Pilipinong infected ng sakit. At ang kooperasyon ng bawat isa na hindi na ito maihawa o maikalat pa.
“It will be based on science. It will be based on facts and figures, and the cooperation of everybody.”
Ito ang pahayag ni Nograles.
Pahayag ng DOH
Sinuportahan naman ang pahayag na ito ni DOH Secretary Francisco Duque III na sinabing masyado pang maaga para masabi kung dapat na bang itigil ang ipinatutupad na Luzon community quarantine. Lalo pa’t patuloy paring nadadagdagan ang bilang ng nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa.
“Maaga pa [para ma-assess]. Tandaan po natin ang China, ‘yung kanilang Wuhan ay nag-umpisa ng kanilang lockdown January 23 and, in fact, restricted pa rin. Ibig sabihin hindi pa rin completely lifted ang lockdown nila after two months. Kahit na single digit na lang ang kanilang reported new cases ay hindi pa rin po sila nag-completely lift ng lockdown.”
Ito ang pahayag ni Duque sa isang panayam.
Dagdag pa niya ang desisyon sa pagtatapos ng Luzon community quarantine ay nakadepende sa status ng COVID-19 sa Pilipinas. At ang basehan nito ay resulta ng isinasagawang testing na inamin niyang sa ngayon ay hindi pa real time o accurate. Dahil may mga backlogs paring patuloy na inaayos ang RITM.
“Kung ma-zero na natin ang backlog saka lang natin malalaman ‘yung real-time COVID-19 status ng Pilipinas,” pahayag ni Duque.
Unti-unting pag-lilift ng lockdown
Pero ayon kay National Economic and Development Authority o NEDA Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia ay nagsisimula na ang kanilang ahensya na unti-unting ibalik ang consumer at business confidence sa bansa.
Ganito rin ang naging pahayag ni DTI Secretary Ramon Lopez. Ayon sa kaniya, tinitingnan na nilang unti-unting i-lift ang lockdown sa Luzon. Ito ay upang mabuksan ang ilang prioritized businesses na kinakailangan ng ating bansa sa ngayon. Tulad ng mga negosyong may kaugnayan sa food suppy chain, medical products at iba pa. Ngunit, mayroon daw dapat ng makasanayan ang mga manggagawang Pilipino. Ito ay ang “new norm” o ang pagprapraktis parin ng social distancing sa trabaho.
“Gradual muna, importante mabalik ‘yung mga negosyo na kailangan magtuloy para po may hanapbuhay ang ating mga kababayan, again following the new norm, ‘yung social distancing,” pahayag ni Lopez.
Sinuportahan naman ang pahayag na ito ni Lopez ni Presidential Adviser on Entrepreneurship na si Joey Concepcion. Ayon sa kaniya ay kailangan ng mag-resume sa operasyon ang mga maketing, construction at public transportation. Dahil kung hindi sa virus, mamamatay ang mga Pinoy sa pabagsak ng ekonomiya ng bansa.
“The goal really is while we have to be guarded against the virus, we have to start reviving the economy. We might kill the virus but we might die because the economy is floundering. That’s the biggest challenge we’re facing right now.”
Ito ang pahayag ni Concepcion.
Reaksyon ng WHO: Community quarantine extended dapat?
May komento naman ang World Health Organization sa ideyang ito. Dahil ayon sa kanila bagamat hindi dapat magpatuloy ng mas matagal ang isinasagawang community quarantine, ay ito lamang ang paraan upang ma-kontrol ang pagkalat ng sakit. At tinataya nilang tulad sa ibang bansa ay hindi agad makokontrol ang pagkalat ng virus sa bansa sa loob lang ng isang buwan.
“There are people around the world that are doing their best to fight COVID-19. But it is unlikely that this virus will disappear next week or even next month. This battle is going to be a long-term battle.”
Ito ang pahayag ni WHO Western Pacific regional director Takeshi Kasai.
Kaya dapat daw ay gawing basehan ng gobyerno ng bawat bansa sa mundo ang epidemiological situation sa kanilang lugar sa paglilift ng lockdown. At dapat sila ay gumawa ng istratehiyang balanseng magbabalik sa normal na takbo ng lipunan habang patuloy na kinokontrol ang pagkalat ng sakit.
“We want every country to respond according to their local situations and prepare for a large-scale community outbreak. We want them to think of a strategy to bring back, in a balanced way, the societies back to normal as much as possible.”
Ito ang dagdag na pahayag ni Kasai.
Hakbang sa patuloy na pagkokontrol sa pagkalat ng sakit
Samantala, kaugnay sa unti-unting pagpapatigil ng lockdown sa Luzon ay may pinag-aaralan ng hakbang ang gobyerno upang patuloy na makontrol ang pagkalat ng sakit. Ito ay sa pamamagitan ng pag-iimplement ng barangay o village-based quarantine sa mga lugar na my naitalang nag-positibo sa COVID-19. Pati ang pag-coconvert ng mga passenger ships, hotels, convention centers at sports complex upang maging quarantine facilities.
Nagsisimula naring makipag-negosasyon ang gobyerno sa pag-aangkat ng 300,000 toneladang bigas. Ito ay upang masiguro na may sufficient domestic supply ng bigas sa oras naman na mapagdesisyunan na ang community quarantine extended pa sa mga susunod na buwan.
Source:
ABS-CBN News, Strait Times, GMA News, Inquirer News
Photo:
Tips para maiwasan ang COVID-19 kapag nag grocery, ayon sa doktor