Isang liham ng pasasalamat para sa isang mabuting ama sa kaniyang mga anak.
“Nasaan si Mama?”
Mula panganay hanggang bunso nating anak, ‘yan parati ang kanilang sinasambit kapag gutom, nadadapa, o gusto lamang maglambing.
Nakikita kong may kaunting lungkot sa iyong mukha tuwing naririnig mo sila na ako palagi ang hinahanap, na ako ang parati nilang kailangan.
Hindi rin nakakatulong na kapag niloloko natin sila na kung sino ang kanilang paborito o mas mahal nila sa ating dalawa, wala silang pag-aatubili na sabihing, “Mama!”
Pabiro mo na lang sinasabi, “Tignan mo ‘yang mga ‘yan. Hindi talaga ako mahal.”
Ngunit alam kong may kirot sa iyong puso.
Nalulungkot ako para sa iyo kasi nakikita ko lahat ng effort mo para maging mabuting ama.
Hindi ka nagkukulang sa pagpapakita sa kanila ng iyong pagmamahal. Hinahalikan at niyayakap mo sila pag-gising nila sa umaga at bago sila matulog.
Sa libreng oras mo, imbis magpahinga ay nakukuha mo pang makipaglaro at makipagbiruan.
Kapag may sakit sila, dali-dali kang umuuwi ng bahay para masiguro ang kalagayan nila. Kapag nao-ospital sila, lagi ka din nakabantay kahit na ipinagsisiksikan mo ang sarili mo na matulog sa isang maliit na bangko.
Nagtratrabaho ka upang may pang tustos sa lahat ng pangangailangan ng ating pamilya. Kahit pagod ka galing opisina, tinutulungan mo pa rin ang mga bata sa kanilang assignments.
Unfair din kung iisipin kasi wala ka sa bahay buong araw para makapag-provide sa amin at ang consequence no’n ay nagiging mas malapit ang mga bata sa akin.
Kung may doubt man sa isip mo kung ikaw ba ay isang mabuting ama, sinasabi ko na sa ‘yo na wala kang pagkukulang. Sadya lang sigurong hindi pa naa-appreciate ng mga anak natin ang mga ginagawa mo para sa kanila dahil hindi pa nila naiintindihan ang kahalagahan mo sa kanilang buhay, sa aming buhay.
Sana huwag kang magsawa sa pagsuyo sa kanila. Sana huwag mong isipin na hindi ka nila mahal. Sana huwag kang tumigil sa mga ginagawa mo dahil hindi man nila naiintindihan ang mga sakripisyo mo, ako alam na alam ko ‘yon.
Kaya ngayong Father’s Day, hayaan mong sabihin ko sa ‘yo, ikaw ang pinakapaborito kong tao sa buong mundo dahil sa pagmamahal at serbisyo na binibigay mo sa amin.
Basahin: 7-year-old boy sends letter to dad in heaven—gets a reply