14 mabuting asal na dapat matutunan ng bawat bata simula edad na 2

Nais mo bang mapalaki na may mabuting asal si bulilit? Narito ang ilan sa mga mabubuting asal na dapat ituro ng mga magulang!

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Anu-ano ba ang mga mabuting asal sa bata na dapat nilang matutunan? Basahin rito.

Habang lumalaki ang ating mga anak, dumarami ang mga bagay na kanilang mga natututunan. Natututo na silang magsalita, kaya naman mas madali na silang kausapin at mas mabilis na ring makaintindi.

Isa sa mga pinaka-importanteng bagay na dapat matutunan ng isang bata ay ang pagkakaroon ng mabuting asal.

Bilang ina, proud ako kapag sinasabi ng ibang tao na cute, bibo o matalino ang mga anak ko. Pero mas natutuwa ako kapag may nakakapansin na mababait sila, magalang at marunong makitungo sa iba.

Subalit hindi lang naman importante ang pagkakaroon ng mabuting asal para masabihang tinuturuan sila nang maayos ng kanilang mga magulang. Kapag maaga nilang natutunan ang tamang pakikitungo at pagrespeto sa iba, magkakaroon sila ng mas maraming kailbigan, at higit sa lahat, madadala nila ito hanggang sa kanilang paglaki.

Alam na natin ang mga bagay o gawain na dapat iwasan upang mapalaki ang mga bata na may mabuting asal, kaya narito naman ang mga bagay na dapat nilang matutunang sabihin at gawin, dagdag sa paggamit ng “po” at “opo”.

Talaan ng Nilalaman

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

14 na mabuting asal na dapat matutunan ng kapag sumapit na sila ng 2 years old

1. Pagsasabi ng “please” at “thank you

Larawan mula sa iStock

Kasunod ng pagkatuto nilang magsalita, kailangang matutunan ng mga bata ang pagiging magalang, Ang pagsasabi ng “please” kapag humihingi ng tulong o nakikiusap, at ang pagsasabi ng “thank you” o “salamat” ay mahalagang pag-uugali na dapat nilang makasanayan habang sila’y bata pa.

Maging halimbawa sa iyong anak. Tandaan ang mga bata’y sinusunod ang mga ginagawa ng kanilang magulang. 

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

2. Hindi pagsabat sa usapan ng iba

Habang lumalaki ang mga bata, mahalagang ituro sa kanila ang self-regulation o ang kakayahang magtimpi o pigilan ang sarili. Kailangan huminto at mag-isip muna bago gumawa ng isang bagay.

Mahirap ito dahil bata pa sila, pero mas makakasanayan nila ito kung ituturo sa kanila nang mas maaga.

Kapag marunong nang magsalita ang mga bata, mahalagang ituro ng mga magulang sa kanila na hindi magandang sumabat sa usapan ng dalawang tao, at kung kailan lamang sila puwedeng magsalita, maliban kung mahalaga ang kanilang sasabihin (halimbawa, isang emergency).

Kung may kailangan silang sabihin, humingi muna ng paumanhin at magsabi ng “excuse me,” o “may sasabihin po ako,” bago magsalita. 

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

3. Pagsasabi ng “excuse me”

Kung sila ay sasali sa usapan ng iba o kaya naman ay sila ay mayroon silang pakiusap, mahalagang malaman nila ang halaga ng pagsasabi nito. Ginagamit rin ang salitang ito pagkatapos dumighay, umubo at bumahing.

4. Hindi pagpuna sa pisikal na katangian ng iba

Kinagigiliwan at tinatawag na cute ang mga bibong bata, pero dapat ay turuan pa rin silang isipin at igalang ang nararamdaman ng iba.

Kaya naman dapat silang turuan na huwag punahin ang pisikal na anyo o katangian ng ibang tao, kahit pa ito ay hindi nila kaharap o hindi sila maririnig. Pagsabihan sila kapag nagawa nila ito.

Mahirap itong ituro lalo na natural na “honest” ang maliliit na bata at laging sinasabi sa kanila na masamang magsinungaling, kaya naman mahalagang at ipaliwanag sa kanila kung bakit hindi dapat pinipintasan ang pisikal na anyo ng ibang tao.

Larawan mula sa iStock

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

5. Pagkatok sa pinto bago pumasok

Kahit pa hindi naka-lock ang isang pinto, dapat maituro sa mga bata na ugaliin ang pagkatok sa pintuan na nakasara. Mainam na maituro sa kanila ang paghihintay ng tugon ng nasa kabila ng pinto bago sila pumasok dito.

Para mas madali nila itong matutunan, ugaliin ito sa sariling tahanan. Kapag kumatok sila, sumagot ng “Tuloy ka, o “Please come in,” para alam nila na hudyat ito na pwede silang pumasok.

6. Hindi paggamit ng masamang salita o pagmumura

Madaling matuto ang mga bata ng mga salita, ito man ay sa panonood sa TV o kaya naman ay sa mga tao sa kanilang paligid—lalo sa mga matatanda.

Minsan, ni hindi nila alam ang tunay na kahulugan ng mga salitang kanilang natututunan. Kaya naman siguruhing hindi nila ito magagamit at maituro sa kanilang hindi ito mabuting mga salita, bago pa man nila ito makasanayan.

Para makasiguro, alamin kung anong mga palabas na pinapanood ng iyong anak sa TV o sa mga gadgets. Iwasan ang mga palabas na hindi nagpapakita ng mabuting asal.  Gayundin, ipaalala sa mga tao na nakakasalamuha ng iyong anak kung ano ang mga bawal na salita para hindi niya gagayahin ito.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

7. Hindi pangungutya ng iba

Sa paningin ng iba, cute ang mga batang bibo at madaldal. Subalit may hangganan dapat ang pagiging matabil niya. Ipaintindi sa kaniya na hindi magandang ugali ang pang-aasar o pangungutya sa iba.

Dapat ring maituro sa kanila ang hindi pagtawag sa iba ng iba’t ibang pangalan kahit pa ito ay nakasanayan na ng iba. 

Sa mga ganitong pagkakataon, ituro sa kaniya ang golden rule na “Do not do unto others what you don’t like others to do unto you.” Tanungin siya kung anong mararamdaman niya kung ginawa o sinabi ito sa kaniya.

Gayundin, paalala sa mga magulang at pamilya na maging maingat sa mga ganitong biro dahil baka akalain ng bata na walang masama sa pang-aasar.

At kung mayroong ganitong nasabi ang bata, iwasang tumawa para malaman niya na hindi iyon maganda o nakakatuwa.

8. Pagtatakip ng bibig tuwing uubo o babahing

Bilang konsiderasyon sa iba, kailangang matuto ng mga bata na takipan ang kanilang mga bibig kung sila ay uubo o kaya naman ay babahing.

Bukod sa kabilang ito sa pagkakaroon ng “good manners,” kasama rin ito sa proper hygiene na makakatulong para makaiwas sila sa mga sakit.

9. Ang pagtulong sa ibang nangangailangan

Ang pagiging matulungin ay mahalagang matutunan ng mga bata. Sa simpleng pagtulong sa mga matatanda sa gawaing bagay, matututo ang mga bata na maging matulungin sa iba.

Kahit maliit pa sila ay mayroon na silang pwedeng gawin, gaya ng magtapon ng kanilang kalat sa basurahan, o ilagay ang kanilang mga gamit sa tamang lagayan.

Mabuting asal na dapat malaman ng mga bata. | Larawan mula sa iStock

10. Maghintay ng kanilang turn.

Muli, ang pagtuturo sa mga bata na antayin ang kanilang turn ay maagang exercise ng self-regulation na makakatulong sa kanila hanggang sa paglaki.

Ang mga bata ay kadalasang kailangang umupo ng matagal sa eskuwela o kaya naman sa simbahan. Gayundin, kapag makikipaglaro sila, dapat nilang malaman na maghintay ng kanilang turn sa paggamit ng isang laruan (gaya ng pagslide sa playground).

Hindi ito madali para sa kanila, kaya naman mahalagang maituro sa mga bata na hindi sila dapat sumimangot at magreklamo kahit na sila ay naiinip, bilang paggalang na rin sa iba.

11.Pagiging magalang sa pakikiusap

Maraming bata ang nasasanay na ibinibigay agad sa kanila ang mga bagay na kanilang kailangan. Kaya naman sa pagkakataong sila ay kailangan makiusap, madalas ay hindi sila nagpapakita ng mabuting asal.

Mahalagang maituro sa mga bata ang pagiging magalang lalo na sa pakikiusap, upang hindi nila makasanayan ang pag-uutos o paghingi ng hindi nagpapasalamat.

12. Humingi ng permiso

Sa pakikipaglaro sa ibang bata, isa sa mga madalas na pinag-aawayan ay ang pag-aagawan sa mga laruan.

Turuan ang iyong anak na magpaalam at humingi ng permiso bago gumamit ng bagay na hindi kaniya. Huwag basta-basta kunin ang isang bagay nang walang pahintulot ng may-ari.

Halimbawa, kung gusto niyang gamitin ang iyong cellphone o gadget, kailangan niyang magpaalam at hiramin ito nang maayos.

13. Paghingi ng tawad

Gaya ng “please” at “thank you,” isa pa sa mga magic words sa aming tahanan ang “I’m sorry.”

Turuan ang iyong anak na humingi ng tawad o mag-sorry kapag mayroon siyang nagawa o nasabing nakasakit sa iba (pisikal man ito o damdamin).

Ang pinakamadaling paraan para matutunan ito ng mga bata ay kung makikita niyang ginagawa ito ng matatanda, lalo na ng kaniyang mga magulang o mga tao sa paligid niya.

14. Pagsasabi ng “paki” kapag may nais ipakuha

Kahit bata pa mahalaga na ipaunawa sa iyong anak ang halaga ng salitang “paki” kapag nais siyang ipakuha o ipaabot. Turuan ang iyong anak na laging magsabi ng “paki”.

Halimbawa na lamang kung ipapaabot niya ang kaniyang laruan. Turuan siyang sabihing “Nanay, paki abot nga po ang aking laruan.” Sa ganitong paraan, matuturuan mo siya kung paano maging magalang at hindi basta-basta na lamang mag-utos. 

Larawan mula sa Freepik

Paalala sa mga magulang

Sa pagtuturo sa iyong anak ng mabuting asal, tandaan na siya ay maliliit na bata pa lamang – maaring magkamali. Pagpasensyahan siya kapag mayroong maling nagawa at iwasang sigawan, saktan o ipahiya.

Bagamat mahalagang matutunan ng mga bata ang mabuting asal nang maaga, huwag silang pwersahin o pilitin.(Halimbawa: “Magsorry ka!”).  Matututunan rin nila ito sa tamang panahon.

Sa halip, purihin ang iyong anak kapag nagpapakita siya ng mabuting asal (Halimbawa: Napansin ko na tinulungan mo ang Ate mong magligpit ng laruan. Very good!”).

Ang mga bata ay parang sponge. Mabilis silang matuto at makakuha ng impormasyon, lalo na sa mga una nilang taon.

Kaya naman maging maingat sa mga bagay na ituturo sa kanila. Tandaan ang kasabihan na kung ano ang ginagawa ng matatanda, ito ay tama sa mata ng bata.

Maging mabuting modelo sa iyong anak. Sa inyo niya unang masasaksihan ang mabuting asal, kaya dapat ay makasanayan niya ito.

 

Ang article na ito ay unang isinulat ni Bianchi Mendoza. Karagdagang ulat ni Camille Eusebio at Marhiel Garrote

Written by

Bianchi Mendoza