Isang 10-buwang gulang na sanggol ang muntik nang mamatay matapos siyang magkaroon ng sakit na meningitis mula sa maduming shopping cart.
Ating alamin ang mga detalye ng insidente, at kung ano ang magagawa ng mga magulang upang makaiwas sa ganitong sakit.
Maduming shopping cart, muntik nang ikamatay ng sanggol
Ayon sa inang si Vivienne Wardrop, malusog raw ang kaniyang anak na si Logan isang araw bago ito dapuan ng matinding sakit. Malikot raw ang kaniyang 10 buwang gulang na anak, at wala naman raw sintomas ng sakit.
Ngunit sa loob ng 24 oras ay mabilis na nagbago ang kondisyon ni Logan. Nagsimula raw siyang magtae, at pagkatapos ay nakaranas ng mataas na lagnat at pagsusuka.
Dali-dali niyang dinala ang anak sa ospital, ngunit kahit naka-confine ay humihina pa rin ang kaniyang anak. Dahil dito, nagdesisyon na siyang dalhin ang anak sa mas malaking ospital, upang mas mabantayan at magamot ang kaniyang anak.
Noong una ay hindi pa alam ng mga doktor kung ano ang sakit ni Logan. Sinubukan nila ang iba’t-ibang mga test, ngunit hindi nila ma-identify kung ano ang sakit ng bata. Ngunit pinilit pa rin nilang gamutin si Logan.
Sobrang tindi raw ng dehydration ni Logan, nagsasara na raw ang kaniyang mga ugat kapag sinusubukang lagyan ng karayom. Bagama’t mahirap, umaasa pa rin si Vivienne na gagaling ang kaniyang anak.
Napag-alaman ng mga doktor na nagkaroon si Logan ng meningitis, isang matinding bacterial infection.
Pinag-iingat ni Vivienne ang ibang mga ina mula sa ganitong sakit
Ayon sa mga doktor, posible raw na nakuha ni Logan ang sakit nang magpunta sila sa supermarket. Ito ay dahil sinabi ni Vivienne na wala naman raw silang ibang lugar na pinuntahan na posibleng pinagmulan ng impeksyon.
Matapos ang 10 araw sa ospital ay gumaling na sa wakas si Logan. Bagama’t magaling na, aabutin pa raw ng 2 linggo bago bumalik sa dati ang kaniyang sigla.
Dahil sa nangyari, inuudyok ni Vivienne na maging maingat ang mga magulang sa mga lugar na kanilang pinupuntahan. At kung maaari, siguraduhing malinis ang mga lugar na inuupuan ng kanilang mga anak, upang makaiwas sa mga ganitong klaseng impeksyon.
Source: Meningitis.com
Basahin: Meningitis: 10 facts tungkol sa sakit na ito