Magandang asal: Dapat ba talagang ituro ito?

Paano nga bang magpalaki ng magalang at mabuting bata sa panahong ito?

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Lahat tayo ay humaharap sa tao, sa araw araw ng ating buhay—kahit nasaan pa tayo. Palagi tayong may makikilalang mga tao, na kailangan nating makasalamuha sa iba’t ibang pagkakataon at dahilan. Natural lang na matuto tayong magpakita ng magandang asal at matutong tumuring ng tao ng nararapat ayon sa ating kultura at lipunang ginagalawan. Ang kagandahang asal ay nagpapakita na tayo ay may respeto, at pinalaki ng ating mga magulang nang maayos.

Yun nga lang, hindi tayo pinapanganak ng may mabuting asal na. Ang manners, ika nga, ay natutunan sa paglaki, habang tumatanda, mula pagkabata. Ito ay itinuturo sa pamamagitan ng mga magandang halimbawang nakikita ng bata sa mga magulang, mga guro, at mga taong nakakausap at nakakasama nila sa araw araw. Ang simpleng pagsasabi ng “Please” at “Salamat po,” at ang paggamit ng po at opo ay itinuturo mula pagkabata, at sadyang mahalaga.

Sa panahon ngayon na masyado na rin tayong naimpluwensiyahan ng Kanluraning o western na kultura, marami nang nakakalimot na pahalagahan ang tamang asal.

Bakit mahalagang ituro ito sa mga bata?

Ayon kay Emily Post, isang etiquette guru, ang magandang asal ay paraan ng pagpapakita na may paggalang ka sa kapwa, at pinapapahalagahan mo ang nararamdaman ng iba. Ang pagpapahalagang ito ay magiging daan tungo sa matiwasay na pamumuhay kasama ng kapwa. Ang asal ng ating mga anak, kahit batang paslit pa lang, ay nagpapakita ng ating kinalakihan at asal. Ang bawat bata, at matanda ay inaasahan ng lipunan na makitungo ng may paggalang at pagpapahalaga sa nararamdaman ng ibang tao.

“Mahalaga ang pagtuturo ng kagandahang asal sa ating mga anak dahil ito ang pundasyon ng kanilang pagiging mabuting tao at mabuting mamamayan. It teaches them to be personable and considerate citizens,” paliwanag ni Claire Lazaro-Parvatam, Middle School teacher at ina nina Topher, 8 and Amy, 5. Hindi nga ba’t mas magaan sa kalooban kung alam mong naturuan mo ng maayos ang iyong anak, lalo pa’t makikita mo silang marunong makitungo at rumespeto sa kahit sino pang kapwa tao?

Ang pagtuturo din ng kagandahang asal ay nakakatulong sa socio-emotional intelligence ng bata. Ito kasi ay nagsasabi na siya ay marunong gumalang, responsable, at may konsiderasyon sa kapwa at sa sarili na rin. At siyempre pa, mas nirerespeto din ang taong magalang at maganda ang asal. Kapag ikaw ay presko at bastos, walang gustong kumausap o makisalamuha sa iyo, hindi ba?

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Malaki ang maitutulong ng kagandahang asal sa magiging buhay ng iyong anak sa kaniyang paglaki, lalo na kapag siya ay may trabaho na at sariling pamilya.

Paano nga ba sisimulan ito?

Maging halimbawa sa iyong anak, o mga anak. Kahit sa 1 o 2 taong gulang, ang pagsasabi ng Please at Thank you o Salamat, at paggamit ng po at opo, ay isang panghabambuhay na pabaon na. Sa paglaki kasi nila, nasasaisip na nila na kapag nakikitungo at nakikipag-usap sa tao, palaging may tanda ng paggalang, at pasasalamat kapag may ginawang kabutihan para sa iyo. Kasunod na diyan ang “Excuse me,” o “Makikiraan po,” at ang pagsisimula ng pakiusap nang may, “Maaari po bang…” o “Pwede po bang…”

Narito ang mga susing salita sa pagtuturo ng magandang asal

1. Simulan ng maaga

Sa librong Taming Your Family Zoo: Six Weeks to Raising a Well-Mannered Child, na isinulat ni Donna Jones, sinasabing, ang pagsisimula ng maaga ay nagtuturo na ang pagiging mapitagan at ang pag-aalala sa kapwa ay bahagi ng buhay, at ito ang ‘normal’ na pamamaraan, at hindi ang pagiging presko na karaniwang nakikita sa mga pelikula.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ang mga batang edad 2 hanggang 6, ay madaling maturuan at pasunurin, kapag nakikita nilang ikinatutuwa ng matatanda. Marunong na kasi silang sumunod sa mga utos, pati na rin sa halimbawa. Habang nakikita nilang positibo ang reaksiyon ng mga nakatatanda, lalo nilang pag-iigihan at gagawin.

2. Ulit-ulitin

Ito ang sikreto sa mga bata: paulit-ulit lamang, at makukuha na nila. Makakasanayan at magiging natural na sa kanila. Lahat tayo, bata man o matanda, ay mas natututo kung inuulit-ulit at bahagi na ng araw-araw nating routine.

3. Maging mabuting tularan o modelo

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ang asal ng mga magulang ay mahalaga. Ito kasi ang nakikita ng mga bata araw araw, kahit hindi natin napapansin. Sa eskwelahan na pinagtuturuan ko, maririnig mo ang mga 2 taong gulang na nagsasabi ng mga bagay na minsa’y ikinagugulat ko, at naiisip ko: Sa’n niya narinig ang salitang ‘yon? E saan pa, o kanino pa, kundi sa magulang.

Kaya’t kung uulit-ulitin din naman ng anak natin ang mga salita nating mga magulang, di ba’t mabuti nang pabaunan sila ng mga magagandang salita, imbis na masama? Hindi lang salita kundi ang pamamaraan at tono ng ating boses, ay nagagaya nila. Kaya’t kung palaging pasigaw, ganon din sila. Kung malumanay at magiliw, ganon din ang tono nila.

Pati ang turing natin sa iba’t ibang taong nakakasalamuha, tulad ng mga kasambahay, guwardiya, tindera, guro, drayber—gagayahin nila. Kaya’t maging maingat at maging mabuting huwaran.

photo: dreamstime

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

4. Consistency

Hindi pwedeng si Nanay lang o si Tatay lang ang magtuturo o magiging halimbawa. Ang kagandahang asal ay natutunan sa mahabang panahon, sa araw-araw na pagsasanay at pagsasagawa. Siguraduhing lahat ng kasama ng anak sa bahay, at mga modelo niya sa paaralan tulad ng guro, ay nagbibigay-halaga sa kagandahang asal.

May isang magulang na lumapit sa akin at ipinaliwanag ang mga salitang ginagamit nila sa bahay, at pina-praktis nilang sabihin ng kanilang anak, halimbawa, sa tuwing humihingi ng tubig o pagkain. Nakatulong ito para sa aking, bilang guro dahil ginagamit ko din ito sa kanilang anak sa eskwelahan, para patuloy niyang naririnig at nagagamit. Hindi magkaiba, kaya’t hindi nakakalito.

Mga halimbawa ng magandang asal na maaaring simulang ituro sa mga bata:

  • Sa pakikipag-usap magsabi ng “Please” at Thank you o Salamat, at bumati ng Hello o Good-bye/Paalam tuwing may makikitang kakilala.
  • Gumamit ng Po at Opo kapag may kausap na nakatatanda, kahit kasambahay pa ito o drayber, o guwardiya.
  • Magsabi ng “Sorry” o humingi ng paumanhin kapag may nasaktan, nasagi, o may nasabing hindi maganda sa kapwa, bata man o matanda.
  • Magsabi ng “Excuse me po” kung aalis sa hapag kainan kung tapos nang kumain at nag-uusap pa ang mga matatanda.
  • Takpan ang bibig kapag humahatsing o umuubo. Magsabi ng “Excuse me” pagkatapos.
  • Tumingin sa kausap, at huwag sa ibang direksiyon o tao.
  • Maghintay ng pagkakataon at huwag makipag-unahan (sa linya, sa laruan, atbp).
  • Huwag pagtawanan ang pagkakamali o pagkakasakit ng iba.
  • Magpasalamat kapag may bumati na nagustuhan ang suot na damit, sapatos, o magandang asal na nakita sa kaniya.
  • Gumamit ng mabuti at magalang na pananalita at salita sa lahat ng oras.
  • Huwag sumabat sa usapan, o huwag sumali sa usapan ng matatanda, hangga’t hindi tinatanong.
  • Iwasan ang pakikipag-usap ng pasigaw sa lahat ng oras.
  • Huwag magkuwento ng mga pangyayari o problema sa bahay o sa pamilya, sa ibang tao.

Sa hapag-kainan

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement
  • Kapag tinawag kumain, daliang pumunta at huwag magpatagal. Iwasang mahuli.
  • Isara ang bibig kapag ngumunguya.
  • Huwag magsalita kapag puno ng pagkain ang bibig.
  • Huwag humigop ng malakas o may tunog. Iwasang mag-ingay sa paggamit ng kubyertos sa pagkain. Ang pagkain ay dapat tahimik at malumanay.
  • Huwag magmadali sa pagkain.
  • Magpunas ng bibig gamit ang table napkin.
  • Huwag abutin ang mga pagkaing malayo sa iyo. Palaging makiusap sa malapit sa pagkain, na iabot sa iyo. Kapag may iniaabot kang pagkain para sa iba, huwag dumukot dito.
  • Kung mainit masyado ang pagkain, hintaying lumamig. Huwag hipan ng malakas.
  • Kung may naisubong masyadong mainit o maanghang, huwag idura. Uminom ng tubig at takpan ang bibig gamit ang table napkin.
  • Huwag magsuklay sa hapag-kainan.
  • Huwag magdala ng laruan, cell-phone, o tablet sa hapag-kainan.
  • Dalhin ang sariling baso at pinggang pinagkainan sa lababo.

Sa kabuuan

  • Siguraduhing palaging nasa oras ang pagdating—sa eskwelahan, sa party, sa kahit anong napag-usapan.
  • Buksan ang pinto para sa mga matatanda.
  • Magligpit ng iyong kinalat.
  • Igalang ang personal space ng kapatid at mga magulang, maging ng mga kasambahay.
  • Igalang ang gamit ng iba, at huwag galawin ang mga ito.
  • Kumatok bago pumasok sa kuwartong nakasara ang pinto. Hintaying papasukin ka.
  • Igalang ang privacy ng iba.
  • Huwag na huwag tumigil sa gitna ng kalye para makipag-usap sa kakilala o nakasalubong. Lalo pa kung nakasakay ka sa sasakyan. Makakaistrobo ito sa iba. Tumabi o ayain ang kausap sa lugar na hindi nakakaistorbo o nakaharang sa daanan ng iba.

BASAHIN: Street Smart ba ang iyong anak?