Magandang negosyo sa maliit na puhunan ba ang hanap mo? Narito ang mga maari mong pagpilian sa halagang P5,000.00!
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga magandang negosyo sa maliit na puhunan.
- Paano sisimulan ang mga negosyong ito.
Magandang negosyo sa maliit na puhunan na P5,000
Sa panahon ngayon maliban sa pagtratrabaho ay maganda rin ang may negosyo. Sapagkat sa tulong nito ay nagkakaroon ng dagdag na income na makakatulong sa gastusin o kaya naman ay para may maipon.
Sa mga fulltime housewife na gusto ring makatulong sa gastusin sa bahay o kaya naman may dagdag na pagkakaabalahan, ang pagnenegosyo ang pinakamagandang paglaanan ng pera at panahon.
Pero siyempre bilang panimula mabuting magsimula muna sa maliit na puhunan. Ito ay para makita muna kung paano ang magiging takbo at respond dito ng tao.
O kung ito ba ay kikita o papatok na negosyo para sayo. Ang ilan sa mga magandang negosyo sa maliit na puhunan na maari mong simulan ay ang mga sumusunod.
1. Milk tea o samalamig business
Background photo created by jcomp – www.freepik.com
Panalo sa panlasa ng mga bata man o matanda sa ngayon ang milk tea. Sapagkat ito ay may iba’t ibang flavors na maaaring pagpilian at swak na pampawi ng uhaw o kaya naman ay gawing dessert sa tag-init.
Bagama’t ito ay tunog sosyal at mamahalin, sa maliit na puhunan ay maari ng magsimula ng iyong milk tea business. Sapagkat mula sa halangang 100-250 ay makakabili na ng flavor ng milk tea na gusto mo.
Ihalo lang ito sa tubig o kaya tinimplang tsaa, haluan ng sago at ilagay sa baso sabay dagdagan ng straw ay siguradong maibebenta mo na ito. Ganoon din kung samalamig business ang papasukin mo. Sa konting puhunan maaring maging malaki ang tubo.
2. Street food
Photo by Kristian Ryan Alimon on Unsplash
Isa naman sa hindi nawawala sa uso na uri ng negosyo ay ang pagtitinda ng mga street foods tulad ng fishball, kikiam, french fries, kwek-kwek at marami pang iba.
Ang mga pagkaing ito ay patok na patok na pangpica-pica sa mga Pilipino. Sa pagsisimula ay kailangan lang bumili ng tig-iisang ballot ng fish ball, kikiam o produkto na gusto mong itinda.
Saka gamitin muna ang mga gamit ninyo sa bahay tulad ng kawali, kalan at sandok para sa pagluluto. Para balik-balikan ang tinda mo ang masarap na sauce ang sikreto.
3. Online selling o drop shipping
Sa ngayon kahit saang parte ng Pilipinas ay maari ng maabot ng mga paninda mo. Lalo na kung ito ay iyong inaalok online gamit ang mga social media accounts na Facebook. O kaya naman ay sa pamamagitan ng mga online shopping websites na Shopee at Lazada.
Hindi katulad ng pagtitinda sa actual o mayroong puwesto sa online selling ay maaari kang tumanggap ng orders kahit wala kang stocks na hawak.
Ibig sabihin ipapapre-order mo lang o saka lang bibili ng items na itintinda mo sa oras na may umorder o bumili na sa ‘yo. Puwede rin namang maging middleman ka lang o pumasok sa drop shipping.
Halimbawa, ipo-post mo lang online ang produkto ng online seller, papatong ka ng konti sa presyo. Kapag may umorder sa ‘yo ay ipapasa mo sa supplier at sila na ang mag-aasikaso at magpapadala sa taong umorder sayo.
Sa online at drop shipping business kahit ano ay maaari mong itinda. Mapa-damit, sapatos o bag kahit pagkain ay puwede rito. Para lang kumita sa negosyong ito ay kailangan mo ng smartphone at load para makapag-post at ma-promote online ang iyong negosyo.
4. Prepaid load retailer
Bawat tao sa ngayon ay mayroon ng cellphone at siyempre para magamit nila ito ay kailangan nila ang load. Kaya naman ang pagiging load retailer ay isang magandang negosyo na siguradong pagkakakitaan mo.
Para masimulan ito ay kailangan mong magkaroon ng cellphone. Bumili ng retailer sim na hindi naman hihigit sa P500 ang presyo.
Saka paloadan ang load wallet nito. Magpaskil ng karatula sa bahay ninyo o kaya naman ay ipaalam sa mga kaibigan mo o kamag-anak na nagloload ka para sayo na sila magpapaload at hindi na lalayo.
5. Lugawan
Ang lugaw ay isa sa mga pagkain na gustong-gusto ng mga Pinoy, umaga, tanghali man o gabi. Malamang ay narinig mo na ang mga katagang tubong lugaw. Sa negosyo o pagbebenta ng lugaw ito ay totoo.
Dahil para makapagtinda nito una ay kailangang may pupuwestuhan kang matao na maaring malapit lang sa bahay ninyo. Maghanda ng mesa at upuan.
Saka bumili ng sangkap sa paggawa ng lugaw tulad ng malagkit na bigas, karne, lamang loob at iba pa. Ilang pirasong mangkok at gamitin na muna ang inyong kalan sa pagluluto.
Kung nais na maging masarap at tipid ay maaaring magluto sa kahoy. Dahil para maging mabenta ang lugaw mo ay kailangang laging mainit ito.
6. Barbecue o ihaw-ihaw business
Photo by Alessandra Sio on Unsplash
Meryenda, ulam at pulutan, ang barbecue o ihaw-ihaw ang isa sa laging hinahanap ng mga Pilipino. Kaya naman kung ito ang iyong ititinda siguradong kikita ka.
Maliit lang din ang puhunan na kakailanganin dito. Maghanda lang ng isang kilong karne, isaw, hotdog at iba pang gusto mong i-barbecue. Gumawa ng ihawan, maghanda ng uling at siyempre gumawa ng masarap na sauce at puwede kang magsimula sa barbecue business mo.
7. Baking business
Food photo created by pressfoto – www.freepik.com
Kung mahilig mag-bake ay maari mo ng gawing negosyo ang hobby mong ito. Para magkaroon ng mas maraming customers ay gamitin ang social media.
I-post dito ang mga cakes na dinesenyo mo o iba pang goodies na binake mo. Saka maghintay ng mga customers na oorder o magpapagawa sayo.
Puwede rin namang mangontrata ka sa mga kakilala mo ng gagawin mong baked goodies.Tulad ng cupcakes, banana cakes at iba pa. Ang mga ingredients sa cake making ay abot kaya at hindi lalagpas sa P5,000 para makapag-simula. Iyon nga lang dapat ay may working oven ka na.
8. Magbenta ng meryenda o lutong ulam
Kung negosyo ang pag-uusapan syempre kailangan ang ititinda mo ay basic need nating mga tao. Tulad ng pagkain na kailangan natin tatlong beses sa isang araw.
Kaya naman i-take advantage ang pagtitinda nito. Maaring magtinda ng agahan tulad ng sopas, tsamporado, pancit o spaghetti. Puwedeng sundan ito ng lutong ulam sa tanghali na paparesan ng kanin.
O sundan pa ng meryenda sa hapon kung sinisipag kang magluto. Maliit na puhunan lang ang kakailanganin mo sa pagsisimula ng pagluluto ng 3 hanggang 5 putahe.
Kung sakaling maging mabenta pa ito ay maari ka ng magbukas ng sarili mong karinderya na siguradong kikita kung papatok sa panlasa ng iyong mga suki ang iyong paninda.
9. Piso printing business
Kung may printer naman sa inyong bahay ay mabuting gamitin ito sa pagsisimula ng piso printing business. Gamit ang dagdag na ink at bond paper ay maaari mo na itong simulan. Kapaki-pakinabang ito para sa mga estudyante.
Pati na sa mga nagbabalak mag-apply ng trabaho na kailangang mag-print ng resume. Saka sa iba pang kinakailangan ang print ng copy ng mahahalagang dokumento.
Lalo na ngayon na balik eskuwela na ang mga bata mula sa online class.
10. Virtual assistant services
Computer photo created by tirachardz – www.freepik.com
Ito naman ang negosyo na kung saan ang pupuhunanin mo ay ang iyong oras at skills. Kung may laptop at internet sa inyong bahay ay maari mo ng simulant ito kahit anong oras.
Simulan ito sa pamamagitan ng paggawa ng account sa mga freelancing websites. I-post dito ang resume mo at ang iyong mga skills. Saka magpakilala sa mga potential clients na kakailanganin ang serbisyo mo.
Kung makahanap ka ng client saka mo na kailangang maglaan ng budget para stable ang internet connection mo. Ito ay para makapagbigay ng virtual assistance services sa mas maraming clients hangga’t makakaya mo. Ito ay maaaring sa pamamagitan ng pagsusulat, research at iba pa.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga magandang negosyo sa maliit na puhunan ay masisimulan na. Pero maliit man o malaki ang puhunan pagdating sa pagnenegosyo ang sikreto ay ang pagbibigay ng best na serbisyo at produkto sa customers mo. Dahil ang happy customer ang susi sa success ng isang negosyo.