Mahalaga para sa mga magulang ang pagkakaroon ng yaya. Bukod sa pagiging tagapag-alaga ng mga bata, sila rin paminsan ang nagluluto, naglilinis, at tumutulong para maisaayos ang bahay. Dahil sa mga responsibilidad na ito, importante sa mga magulang ang makahanap ng mahusay na yaya. Ang isang yaya ay dapat mapagkakatiwalaan, masipag, at maasahan ng mga magulang.
Kaya’t ganun na lang ang naging pasasalamat ng isang nanay nang siya ay makahanap ng yaya na puspos ang ginagampanang serbisyo sa kanilang mag-anak. At nang malaman niyang may planong magpakasal ang kanilang yaya, nagdesisyon siya na magbigay ng isang napakagandang regalo para sa kaniya.
Nanay, niregaluhan ang yaya ng wedding gown
Nakapanayam namin ang ina, at ibinahagi niya sa amin ang kanilang kuwento. Ayon sa kaniya, nahanap raw nila ang kanilang yaya na si Karen Velarde, 3 taon na ang nakalipas. Nahanap nila siya sa pamamagitan ng isang employment agency, at nais nilang kumuha ng yaya para sa kanilang anak na si Jordan.
Ayon sa kaniya, mabilis raw na nahulog ang loob ni Jordan, o Jordi sa kaniyang yaya. Kahit kailan raw ay hindi nila nakitang pinagsabihan, o sumimangot man lang si Karen kay Jordi. Likas raw na masayahin si Karen, at kahit na pinagsasabihan ay hindi ito sumisimangot.
Lubos rin ang kanilang pagtitiwala kay Karen, dahil kahit kailan daw ay hindi siya nagtangkang magnakaw sa kanilang mag-asawa. Hindi raw niya inabuso ang kabaitan nilang mag-asawa, at naging matapat siya sa kanila.
Noong una raw ay hindi gaanong masalita si Karen. May pagkamahiyain raw kasi ito. Ngunit paglaon ay mas naging komportable na si Karen sa kanilang pamamahay, at nakikipag-biruan raw sa kanila. Doon nila nalaman na hindi lang nila yaya si Karen, ngunit bahagi na ng kanilang pamilya. Nakatulong rin daw na magkaparehas ang value at paniniwala nilang mag-asawa sa values ni Karen. Ito ang dahilan kung bakit talagang nahulog ang loob nila sa kanilang yaya.
Iba ang ipinamalas na pagmamahal ni Karen sa kanilang anak
Dagdag pa niya ay sa lahat ng kanilang mga naging yaya, si Karen daw ay talagang kakaiba. Nasa 50 na kasambahay na raw ang nakasama nila sa nakaraang 6 na taon, at talagang napansin nilang ibang-iba si Karen sa kanila.
Mapagmalasakit raw si Karen bilang isang yaya. Alagang-alaga raw si Jordi kay Karen, at masinop raw ito sa bahay. Palaging nakaayos ang mga gamit, at malinis palagi ang kanilang tahanan.
Naramdaman rin daw nila na napamahal na si Karen sa kanilang pamilya, at kitang-kita nila na hindi lang ito trabaho para kay Karen. Talagang nais niyang tumulong sa kanilang pamilya, at masaya siya sa kaniyang mga gawain.
Nabigla raw sila nang sinabi ni Karen na gusto niyang mag-asawa
Isang araw raw ay sinabi sa kanila ni Karen na nais nitong mag-asawa. Nabigla sila dahil napakabata pa raw ni Karen, na 21-taong gulang lamang. Sinubukan pa raw nilang baguhin ang isip ni Karen, ngunit nang makita nilang desidido talaga itong magpakasal, sinuportahan nila ang desisyon nito.
Kababata raw ni Karen ang kaniyang mapapangasawa, at parehas na raw silang nakapagpaalam sa kanilang mga magulang. At dahil sa pagiging mahusay na yaya ni Karen, nagdesisyon ang mag-asawa na regaluhan siya ng wedding gown para sa kanilang kasal.
Naghanap raw sila sa mga iba’t-ibang Facebook groups kung sino ang nais na magbenta ng lumang wedding gown. Marami-rami rin daw silang nahanap na mga nagbebenta ng wedding gown, ngunit medyo natagalan silang magdesisyon, dahil malapit na rin daw siyang manganak noong panahon ngayon.
Nagulat na lamang ang ina nang magbago ang isip ng isang seller, at nagdesisyon siya na ipamigay na lang daw ng libre ang wedding gown para kay Karen. Gulat na gulat raw sila dahil sa ipinakitang kagandahang-loob, at noong una ay hindi pa sila makapaniwala. Siyempre, tinanggap nila ng buong-buo ang wedding gown, at lubos ang naging pasasalamat ni Karen dahil mayroon na siyang napakagandang damit para sa kaniyang kasal.
Ano ang kaniyang mensahe para sa ibang mga ina?
Nang tanungin namin siya kung mayroon ba siyang mensahe para sa ibang mga ina, heto ang kaniyang naging pahayag:
“I know good help is really hard to find these days, but it’s out there! I believe it’s just like any other relationship where you compromise and communicate with each other. Don’t be afraid to give them privileges if you can, they will appreciate it very much. Show your yayas that you genuinely care about them, and they will take good care of your kids. I know it’s easier said than done because a lot abuse your kindness, but sometimes, that kindness that you show them is what will make all the difference.”
Hindi nga madali makahanap ng isang taong mapagkakatiwalaan mo na mag-alaga sa iyong anak. Pero mahalaga na magkaroon ng pag-unawa ang mga magulang pati ang mga yaya upang bumuti ang kanilang pakikisama sa isa’t-isa. Kapag nagpakita tayo ng malasakit at kabaitan sa ating mga yaya, ay siguradong ibabalik nila sa atin ang kabaitan na ito.
Basahin: 1-year-old baby dies after getting punched by yaya