Hindi maikakaila na sa mga commuter at mga gumagamit ng public transportation sa bansa, ang kawalan ng malinis na banyo ay isang malaking problema.
Lalong-lalo na para sa mga magulang na kasama ang kanilang mga anak. Ito ay dahil bukod sa importante ang kalinisan, mahalaga rin na magkaroon ng banyo kung saan komportableng mapapalitan ng mga magulang ang diaper ng mga anak, at komportable rin sa mga magulang.
At sa bagong batas na pinirmahan ni Pangulong Duterte, kinakailangan nang magkaroon ng banyo na malinis, libreng wifi, at breastfeeding station ang mga terminal sa bansa,
Batas para sa malinis na banyo, libreng wifi, at breastfeeding station, pinirmahan
Sa ilalim ng bagong batas, kinakailangan na ang lahat ng transport terminal sa bansa ay mayroong malinis at maayos na mga facilities. Bukod dito, kailangan rin na mayroong wifi, at breastfeeding station ang mga terminal na ito.
Ipagbabawal rin ang paniningil sa mga pasahero upang magamit ang mga banyong ito. Ang breastfeeding station naman ay kinakailangang nakahiwalay sa banyo, at dapat rin itong maging malinis para sa mga inang nagnanais gumamit nito.
Sa mga terminal at operator na lalabag sa batas na ito, kinakailangan nilang magbayad ng 5000 pesos sa bawat araw na hindi naisasaayos ang kanilang terminal. Sa mga maniningil naman sa paggamit ng banyo, karagdagang 5000 pesos ulit ang sisingilin sa bawat araw na ginagawa nila ito.
Ayon kay Senator Grace Poe, malaki raw ang maitutulong nito sa mga commuters, dahil kahit pagod sila sa traffic, siguradong komportable at malinis ang mag terminal na kanilang pupuntahan.
Bukod dito, inuudyok rin niya na siguraduhin raw na hindi lang basta libre ang internet, ngunit dapat raw ay mabilis rin at nagagamit ng lahat ng tao sa terminal. Ito ay upang maging mas komportable ang mga kababayan nating nais maglakbay, at upang magkaroon rin ng magandang impression ang mga tao sa lugar.
Source: GMA News
Basahin: 100-Day maternity leave malapit nang isabatas!