Isang driver mula sa ride-hailing na Angkas ang inireklamo ng isang pasahero. Ang reklamo ni Fianne, ang kanyang pasahero, ay minolestya siya ng manyak na driver ng Angkas.
Hindi inasahan ng biktima ang manyak na Angkas driver
Ayon kay Fianne, nag-book siya ng Angkas patungong Eastwood nuong ika-5 ng Oktubre. Subalit, imbes na ihatid siya ng driver papunta sa kanyang destination, nagpa-ikot ikot daw ito.
Siya ay inikot ng driver sa bandang Katipunan at C.P. Garcia. Nang makakita ng madilim at liblib na lugar, tsaka nito tinabi ang kanyang motor at pumarada.
Dito na hinawak-hawakan ng driver ng Angkas ang mga pribadong parte ng babaeng pasahero. Sa kabutihang palad, may mga rumispondeng opisyal ng baranggay nang marinig ang mga paghingi ng tulong ni Fianne. Na-aresto ang driver ng Angkas.
Sa pahayag ng Angkas na inilabas ika-8 ng Oktubre, kanilang sinuspinde ang naturang driver habang iniimbestigahan ang kaso. Kanila ring idinagdag na ito ay karumaldumal na pangyayaring hindi dapat maranasan ng sino man.
Sa ngayon ay haharap sa kasong acts of lasciviousness ang driver. Maaari rin siyang masampahan ng rape ayon sa mga awtoridad.
Self-defense
Dahil sa mga panganib na kasama sa pagiging babae, makakabuting magkaroon ng ideya kung paano dedepensahan ang sarili sa mga ganitong pagkakataon. Ito ang ilang self-defense tips na maaaring gamitin:
Palm strike
Ang pag-suntok ay kadalasang nagdudulot ng pinsala sa kamay kung walang ensayo. Sa kabutihang palad, maaaring gamiting ang palad para madepensahan ang sarili. Itulak lamang ang palad papunta sa ilong ng attacker. Kapag natigilan ang iyong attacker, gamitin itong tsansa para makatakbo.
Siko at tuhod
Sa mga panahon na ganito, mahirap ang magbato ng mga suntok at sipa dahil sa lapit niyo sa isa’t isa. Makakabuti na gamitin ang mga siko at tuhod sa mga malapitan na pagdepensa. Ang talim pa ng mga buto dito ay makakadagdag sa sakit na maibibigay.
Simpleng bagay
May ilang mga simpleng bagay sa araw-araw ang maaaring gamitin bilang sandata. Halimbawa dito ay ang susi na maaaring hawakan sa kamay. Hindi man nito ma-saksak ang iyong attacker, makakapagbigay ito ng matinding sakit na maaaring gamitin para maka-takas. Ganito rin ang gawin sa mga foldable na payong. Gamitin ang matigas na hawakan imbes na ang malambot na katawan ng payong.
Kung may posibilidad na makapag-aral ng Muay Thai o Krav Maga, maganda itong kaalaman para protektahan ang sarili. Sa oras din na kailangang gamitin ang mga ito, sabayan ng pag-iingay nang makakuha ng pansin sa mga maaaring tumulong.
Basahin din: 5 Self-defense basics every dad should teach his daughter
Photo: www.excitecebu.com
Sources: ABS-CBN News, Healthline