Si Marian Rivera ay nakilala noong taong 2007 ng gawin ang adaptation ng isang popular na Mexican telenovela na Marimar. Dito rin niya unang nakatambal ang ngayo’y asawa na niyang si Dingdong Dantes. Ang kanilang serye ay naging highest-rated primetime drama show sa Philippine television at ito rin ang umpisa ng kanyang stardom.
Pagiging isang ina
Ngayon, si Marian Rivera at Dingdong Dantes ay pareho pa ring namamayagpag sa industriya ng telebisyon habang ginagampanan ang pagiging ina at ama nila sa kanilang unang anak na si Maria Letizia. At noon ngang nakaraang taon September 25, 2018, ibinihagi ni Marian Rivera sa kanyang Instagram account na si Zia ay magiging ate na. Sadyang umaapaw na pasasalamat ng aktres sa Poong Maykapal sapagkat biniyayaan na naman sila muli ng Panginoon ng isa pang mirakulo sa kanilang buhay.
Sadyang si Marian Rivera ay naging isang huwarang babae, ina, at asawa sa mga kababaihan sapagkat kanyang napagsasabay ang mga iba’t-ibang papel niya sa buhay—ang pagiging aktres, businesswoman, asawa kay Dingdong Dantes at ina sa kanyang tatlong taong gulang na anak na si Zia.
Hindi madali maging isang babae
Ngayon nga’y na may bagong parating na munting anghel muli sa kanilang pamilya, sadyang kitang-kita sa kanyang awra na umaapaw lalo ang kanyang kagandahan. Kung titingnan ang kanyang mga posts sa Instagram, nakakahanga kung paano niya dinadala ang kanyang sarili at kung paano niya ipinapakita ang kagandahan ng isang babae sa kanyang pagdadalang tao. Ipinapakita niya na kahit nagdadalang tao ka pwede mo pa ring mapanatiling maganda ang iyong sarili.
Nasambit nga ni Marian Rivera na hindi madali maging isang babae at “hindi pala biro maging isang ina.” Kanya ring idinagdag na malaking bagay rin na siya’y naging mabuting anak sa kanyang ina sapagkat ang kanyang pagiging ina ay naging pagsubok para sa kanya lalo na nung first time, “Kumbaga dati asawa mo lang iniisip mo—minsan sarili mo nga hindi pa. ‘Pag may anak ka pala, ‘yun yung magbubuo ng pagkatao mo.”
Blessing
Ayon nga kay Marian, ang pagbubuntis ay isang blessing. Hindi niya nakita na ito ay isang sakripisyo na para bang may kailangan kang isuko kapalit nito. Para sa kanya, ang pagbubuntis ay isang napakagandag karanasan na ikaw ay makapagbibigay silang ng bagong buhay sa mundong ibabaw. Si Marian ay isang only child, kung kaya’t nung kanyang kabataan pa lamang kanya nang naisip na kapag siya ay maging isang ina na kanyang pinangarap, gusto niyang magkaroon ng higit pa sa isa.
Ibinihagi ni Marian na natagpuan niya ang higit pa sa pagmamahal na kanyang inasam. Kanya ngang naisambit, “Alam mo, nung nagasawa ako, nagkaanak ako, at ngayon na buntis ulit ako, isa lang sinasabi ko sa sarili ko: mas minamahal ko yung sarili ko ngayon.” Ayon rin sa kanya, habang lalo niyang minamahal ang kanyang sarili, mas marami rin siyang maibibigay na pagmamahal sa mga tao sa kanyang paligid at sa kanyang pamilya. Naniniwala si Marian na kapag inilagaan niya ang kanyang sarili, walang rason para hindi siya respetuhin ng ibang tao.
“‘Pag gusto mo, gagawan mo ng paraan”
Sadyang nakakahanga kung paano niya nababalanse ang kanyang buhay bilang isang TV personality, asawa, at ina—at ngayo’y isa na ring content creator. Marahil imposible, ngunit nagagawa ni Marian Rivera ang lahat ng ito basta’t mayroong right mindset. “‘Pag gusto mo, ‘pag mahal mo talaga, gagawan mo ng paraan.” Basta alam mo ang iyong prioridad, ito ay makakatulong sa tamang daan na iyong tatahakin at mga susunod na hakbang na dapat mong gawin. Sa lahat ng kanyang ginagawa at ginagampanan na papel sa kanyang buhay, masasabi natin kung nasaan siya ngayon sa kanyang buhay—masaya, kontento, ngunit handa pa ring mangarap ng higit pa.
Source: Mega
Basahin: LOOK: Zia nagpakitang gilas sa baby shower para sa kaniyang mommy Marian Rivera