Isang marites kulong dahil sa pagkakalat ng tsismis tungkol sa isang menor de edad. Alamin dito ang kuwento.
Mababasa dito ang sumusunod:
- Marites kulong dahil sa tsismis tungkol sa isang menor de edad.
- Nilabag na batas ng naturang marites.
Marites kulong dahil sa tsismis tungkol sa isang menor de edad
Kulong at kailangan pang magbayad ng danyos ng isang marites matapos ang pagkakalat niya ng tsismis tungkol sa isang menor de edad. Ang kuwento ibinahagi ni Atty. Chel Diokno sa kaniyang social media account.
Base sa kuwento, ang menor de edad ay isang babae na edad 16-anyos lang. Ang dalaga ay lumabas daw sa kanilang bahay para bumili ng barbecue. Pero pagdating niya sa barbecuehan, narinig niya ang dalawang nandoon na pinag-tsitsismisan siya. Sila daw ay dalawang metro lang ang layo sa biktima. Kuwento ng marites na si Rowena B. Plasan sa kaniyang kaibigang si Jaja ay ang katawan daw ng biktima ay hindi na mukhang virgin. Dagdag pa niya ay nagpaabort na daw ito na alam din ng kaniyang mga magulang.
“Ang biktima lubos na naapektuhan hanggang sa ayaw nang lumabas ng bahay. Kinasuhan ang Marites at sabi ng korte, child abuse yan. Si marites sinadyang atakihin ang character, reputasyon, dignidad ng biktima at i-expose siya sa panghuhusga.”
Ito ang pagbabahagi pa ni Atty. Diokno sa maikling video niya na tampok sa kaniyang social media account.
Nilabag na batas ng naturang marites
Ayon sa isang Supreme Court decision, ang nasabing marites ay lumabag sa anti-child abuse law. Dahil ang kaniyang tsismis nagdulot ng emotional abuse at psychological maltreatment sa nasabing menor de edad. Napatunayan rin ng korte na walang basehan ang nasabing marites sa tsismis na kaniyang ikinakalat. Kaya naman desisyon ng korte siya ay makulong ng apat na taon hanggang anim na taon. Dapat rin siyang magbayad ng P20,000 bilang danyos sa kaniyang nagawa.