Magandang balita, mga nanay at tatay! Ayon sa isang bagong pag-aaral sa Journal of Neurology Neurosurgery & Psychiatry, posibleng ang marriage ang gamot sa dementia.
Marriage ang gamot sa dementia: totoo nga ba?
Tiningnan ng pag-aaral ang ebidensya galing sa 15 na nailimbag na mga pag-aaral na kinabibilangan ng higit 800,000 katao sa Europa, Hilaga at Timog Amerika, at Asya at natuklasang ang mga taong hindi nag-asawa kailanman ay 42% na mas inaasahang makaranas ng dementia, habang ang mga biyudo at biyuda naman ay 20% na mas inaasahang magkaroon ng nasabing sakit.
Dagdag pa ng mga mananaliksik na ito ay maaaring konektado sa katunayang ang gawaing sekswal ay napag-alamang nagbibigay ng benepisyo sa cognitive functioning ng isang tao, at ang mga taong nabalo o hindi nag-asawa ay posibleng mas madalang ang pakikipagtalik kumpara sa mga mag-asawa.
Isa pang interesanteng teoryang inihayag ng mga mananaliksik na ang mga taong piniling manatiling walang asawa ay maaari ring magkaroon ng mga cognitive na katangiang posibleng maglagay sa kanila sa panganib ng dementia, katulad ng kahirapan sa pakikipag-usap o pakikipag-kasundo.
Ang masayang marriage ay nakapagpapahaba ng buhay
Ang mga benepisyo ng pag-aasawa ay mahusay na nadokumento ng mga mananaliksik, at napag-alaman nilang ang pagkakaroon ng matagalang relasyon ay nakabubuti sa pisikal at mental na kalusugan ng isang tao.
Heto ang ilan sa mga benepisyo:
- Ang mga mag-asawa ay mas may tendency na gumawa ng mabubuting desisyon sa buhay, tulad ng pagkain nang masustansya at pagtigil ng mga bisyo gaya ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.
- Mas mababa ang tsansa ng mga mag-asawang magdanas ng depresyon kumpara sa mga walang asawa.
- Mas financially stable ang mga mag-asawa hindi lang dahil sa pinagsamang kita, kundi maaari rin nilang pagsaluhan ang mga gastusin tulad ng bahay at kotse.
- Ang pag-aasawa ay nakatutulong din sa pakikitungo sa stress na dulot ng pamilya at trabaho dahil mayroon silang katuwang na susuporta sa kanila.
Kaya mga nanay at tatay, siguraduhing masaya ang iyong marriage para ikaw at ang iyong asawa ay magkakaroon ng mahabang buhay!
Source: time.com
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Diona Valdez
Basahin:
Mga puwedeng gawin para dumalas ang pagtatalik
Mas maganda ang sex life ng mga mahilig magplano
6 na oral sex moves na dapat mong malaman
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!