Walang perpektong pagsasama. Walang perpektong kasal. Ang pag-aasawa ‘gaya ng sabi ng matatanda ay hindi parang kanin na mainit na kapag napaso ka ay basta mo na lang iluluwa.
Sa halos dalawang dekada naming pagsasama ng aking asawa, napakarami na rin naming naranasang mga pagsubok na kung hindi matibay ang aming pagsasama ay baka pareho na kaming bumigay.
Ang masaya at matatag na pagsasama
Para sa akin ay walang eksaktong formula upang maging matatag at masaya ang pagsasama. Ang pamamaraang epektibo sa amin ay maaaring hindi naman pala naaayon sa iba. Gayun pa man ay nais kong ibahagi kung paano namin napananatiling matatag at masaya ang aming pagsasama.
1. Ang aming pagsasama ay nakatanim sa malalim na pagkakaibigan.
Kami ng aking asawa ay magkaklase at matalik na magkaibigan noong kami ay nag-aaral pa lang sa kolehiyo. Kami ay nabibilang sa magkaparehas na grupo ng mga kaibigan na maganda ang impluwensiya. Kilala namin nang lubos ang isa’t isa. Tinginan pa nga lang namin sa isa’t isa ay nagkakaintindihan na kami.
2. Magkamukha kami ng gusto at interes.
Magkasama kami sa iisang organisasyon. Pareho pa kaming guro. Gustung-gusto naming magkape habang pinag-uusapan ang mga bagay-bagay na walang pag-aatubili. Parehong mababaw ang kaligayahan at luha namin. Pareho kami ng mga pangarap. Pareho kami ng gustong paglibangan at gawin.
Mahilig kaming magsulat ng kwento, manood ng koreanovela at pelikula, magluto (Aaminin ko, mas magaling siya sa kusina kaysa sa akin!), kumain, at makipaglaro sa aming mga anak. Pareho kaming hindi mahilig lumabas at mas ninanais pa naming pumirmi sa loob ng bahay at makipag-halubilo sa buong pamilya.
Pareho kaming simple lang ang gusto sa buhay. Basta maging masaya, malusog, at maayos ang aming pamilya, sapat na.
3. Kami ay sabay na umuunlad.
Sinusuportahan namin ang isa’t isa sa lahat ng bagay na aming ginagawa at malugod naming isinasangkot ang aming mga sarili sa gawain ng isa’t isa.
Hinihila naming pataas ang isa’t isa para kami ay sabay na aakyat at pagyamanin ang aming mga sarili sa pamamagitan ng mga bagay na lubos na makapagpapasaya sa amin. Hindi namin hinahadlangan ang pagtupad ng pangarap ng isa’t isa.
4. Nirerespeto namin ang isa’t isa.
Naniniwala kami na kapag may respeto, may pagmamahal. Hindi namin sinasaktan ang isa’t isa sa gawa at salita. May mga panahong hindi kami nagkakaintindihan ngunit hindi kami naghihiyawan o nagkakasakitang-pisikal bagkus ay para lang kaming nag-uusap nang walang bahid na galit o inis.
Kapag ako ay nalulumbay, siya ay laging nariyan upang ako ay pasayahin at gayun din ako sa kanya. Kailanman ay hindi namin pinag-awayan ang salapi. Kung ang sa akin ay sa kanya, ang sa kanya ay akin din.
5. Hindi kami natutulog nang hindi inaayos ang hindi pagkakaunawaan.
Iniiwasan naming mag-asawa ang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan. Kung sakali mang hindi maiiwasan, pinagkasunduan na namin noong umpisa pa lang na hindi kami matutulog nang hindi nagkakaayos.
Naging leksyon para sa amin ang makitang ang ibang mag-asawa ay naghihiwalay dahil iniisip nila na ang kanilang hindi pagkakaunawaan sa kasalukuyan ang dahilan ng kanilang paghihiwalay. Bagkus ang tunay na dahilan pala ay ang mga away at hindi pagkakaunawaang naipon nang mahabang panahon na bigla na lang sumabog.
6. Alam naming magbigayan at magtulungan.
Partnership at team work, ‘yan ang tawag namin sa aming pagsasama. Kahit kami ay may kanya-kanyang responsibilidad ay tinutulungan namin ang isa’t isa sa lahat ng bagay. May kanya-kanya kaming toka sa gawaing bahay, pag-aalaga ng aming dalawang anak, at paggawa sa aming maliit na negosyo.
Kinukunsulta naming ang isa’t isa para sa ikauunlad ng aming piniling bokasyon. Kapag ang isa ay hindi pwede o may dinaramdam, ginagawa namin ang lahat para maibsan ang dinadala ng isa’t isa.
7. Marunong kaming making.
Masasabi kong mlawak ang pang-unawa naming dalawa. Ang mga problema ay madaling masolusyonan at ang di-pagkakaunawaan ay madaling maisasaayos sapagkat marunong kaming makinig hindi lamang gamit ang aming mga tainga kundi ang puso’t damdamin din.
8. Kumpleto ang aming pagkatao para sa isa’t isa.
Napagtanto naming hindi dapat pagtakpan ng mag-asawa ang kahinaan ng bawat isa bagkus ay dapat na pareho silang kumpleto sa lahat ng aspeto para maging buo sa pagharap sa saya at hirap ng buhay may-asawa.
Ang mag-asawa ay kailangang matutong baguhin ang kani-kanilang kahinaan at kapintasan upang mas makausad nang maayos at maluwalhati habang sila ay nabubuhay nang magkasama.
9. Alam namin ang aming prayoridad.
Batid namin na ang pag-aasawa ay hindi biro sa simula pa lang. Para tayong lumilipad sa alapaap noong panahong tayo ay may nobyo o nobya pa lang.
Ibang-iba na ang magiging sitwasyon kapag nariyan na ang realidad ng buhay may-asawa: “Sino ang mag-aalaga ng mga bata?”, “Paano na ang pagpapatakbo ng pinansyal na aspeto?”, “Saan kukunin ang pambayad sa bayarin sa ospital kapag nagkasakit ang mga bata?”, “Paano tayo makaiipon para sa edukasyon ng mga bata?”, at marami pang iba. Hindi ito maiiwasan at matatakasan.
10. Sa lahat ng aming ginagawa, nagbibigay-pugay kami sa Poong Maykapal.
Ang Panginoong Diyos ay nasa gitna ng aming pagsasama at ginagawa namin ang lahat ng aming makakaya upang maging mabuting huwaran sa aming mga anak nang sa gayon kapag sila ay may sarili nang asawa at mga anak ay alam nila kung paano nila dapat ituring ang kanilang pamilya.
Matagal-tagal na rin kaming nagsasama ngunit kami ay patuloy pa ring natututo. Ang pag-aasawa ay may kaakibat na sipag at tiyaga upang ito ay mapanatiling maayos at puno ng pagmamahalan. Ang pag-aasawa sa totoong buhay ay malayo sa mga kwentong pambata na ating napanonood o naririnig.
Hindi lamang sa isang halik ng dalawang taong nagmamahalan ang batayan ng masayang pagsasama habang buhay. Hindi ito isang fairy tale. Malalagpasan ng buhay may-asawa ang pagsubok ng panahon kung ang samahan ay inaalagaan at iniingatan. Sabi nga nila, ang pagmamahal ay hindi lamang para hanapin ang tamang tao bagkus ay para bumuo ng tamang relasyon.
Hindi lang ito tungkol sa kung gaano kalaki ang iyong pagmamahalan sa umpisa bagkus ay kung paano mapananatili ang pagmamahalang iyon hanggang sa huli.
Share your stories with us! Be a contributor theAsianparent Philippines, i-click here