Masayang pamilya at masayang pagsasama ng mag-asawa ang nais ng lahat. Ngunit paano kung maaari itong hindi makamtan nang dahil lang sa isang gawaing bahay—ang paghuhugas ng pinggan!
Bakit nga ba sa lahat ng gawaing bahay, ang paghuhugas ng pinggan ang pinaka-ayaw ng mga misis? Sa panayam ng The Atlantic kay Dan Carlson, isang researcher ng CCF, sinabi nito na simple lang daw ang sagot: dahil nakakadiri ito gawin.
“Doing dishes is gross. There is old, moldy food sitting in the sink. If you have kids, there is curdled milk in sippy cups that smells disgusting.” (Nakakadiri ang paghuhugas ng pinggan. May mga panis na pagkain sa lababo. Kung may mga anak kayo, may panis na gatas sa mga baso. Kadalasan mabaho ito.)
Dadgdag pa niya, hindi katulad ng pagluluto, walang pumupuri kapag nahugasan at nalinis mo ang lahat ng pinggan at kaldero.
Kadalasan din daw, ang mga pinaka-ayaw na mga gawaing bahay ay ang mga gawaing bahay na kadalasang sa babae naiaatas. Katulad nang paglalaba, paglilinis ng kubeta, at paghuhugas ng pinggan.
Samantalang ang mga gawaing bahay na ginagawa naman ng mga lalaki katulad ngpagtatapon ng basura at paglilinis ng kotse ay mga gawain na hindi kinakailangan humawak ng dumi o kalat ng ibang tao.
Dahil ang mga babae daw ang parating naaatasan na maglinis ng dumi ng ibang tao, nagiging dahilan ito ng panglulumo. Naiisip ng mga misis na napupunta sa kanila ang mga gawaing ayaw gawin ng iba.
Ayon sa research
Sa pananaliksik ng Council of Contemporary Families (CCF), nag-survey sila sa mga mag-asawa upang malaman kung paano nakaka-apekto ang hatian sa gawaing bahay sa relasyon ng mag-asawa, partikular na sa 6 na aspeto: dalas ng pagse-sex, satisfaction sa sex, satisfaction sa relasyon, hindi pagkakaunawaan, diskusyon ng paghihiwalay, at pisikal na argumento.
Napag-alaman ng CCF na ang mga misis na naaatasan na maghugas ng pinggan ay mas madalas na nagkakaroon ng hindi pagkakaintindihan sa kanilang asawa. Mas hindi masaya sa kanilang relasyon, at mas hindi nag-e-enjoy sa sex. Kaysa sa mga misis na tinutulungan ng kanilang mga mister.
Bagamat mas tumutulong na ngayon ang mga lalaki sa mga gawaing bahay. Hindi pa rin ito laganap sa lahat ng antas ng lipunan. Kung si misis daw ang tatanungin, ang paghuhugas daw ng pinggan ang pinakagusto nilang gawaing bahay na sana ay tulungan sila ni mister.
Sa pag-aaral, ang mga mag-asawa na nagtutulungan sa paghugas ng pinggan ay tila may mas magandang relasyon.
Paliwanag ni Carlson na ang pag-huhugas ng pinggan ay isa sa mga gawaing bahay na puwedeng pagtulungan—di tulad ng pagtapon ng basura o paglinis ng kubeta.
Maaaring ang misis ang magluto at ang mister ang maghugas matapos. Puwede rin daw na ang isa ay mag hugas samantalang ang isa naman ay magpunas ng hinugasan at ibalik sa lalagyan. Binibigyan din daw ng pagkakataon ang mag-asawa na maramdaman na isa silang team kapag nagtutulungan sila. Mas nagiging konektado raw si mister at misis.