Ayon sa mga bagong pagaaral, ang mga matandang dalaga o mga babaeng walang anak at walang asawa ay malusog at masaya na mga tao. Kumpara sa mga nagpamilya, mas tumatagal ang kanilang mga buhay. Ito ang mga sinabi ni Paul Dolan, isang propesor ng behavioral science sa London School of Economics.
Babae at lalaki
Ayon kay Paul Dolan, ang mga lalaki ay mas nakikinabang sa pagpapamilya. Ito ay dahil sila ay kumakalma. Sila rin ay mas safe ang mga nagiging desisyon, kumikita ng mas malaking pera sa trabaho, at mas humahaba ang buhay.
Salungat dito, ang mga babaeng pinakasalan ang mga lalaking “kumalma” na at kumikita na ng malaki ay kinailangang pakisamahan ang mga ito. Napag-alaman na mas maaga silang namamatay kumpara sa mga matandang dalaga.
Ang mga ito ay ayon sa ilang datos sa ilang mga tao na sinundan nang ilang taon. Ibinihagi rin ni Dolan sa kanyang libro na Happy Ever After ang ilang ebidensya mula sa American Time Use Survey (ATUS). Kanyang kinumpara ang mga lebel ng kasiyahan at kalungkutan ng mga hindi kinasal, kinasal, hiwalay at biyuda.
Ang mga kalusugan ng mga babae ay kadalasang hindi naaapektuhan ng pag-aasawa. Ngunit, ang mga may asawa na may edad na ay kadalasang mas mataas ang panganib na magkaroon ng problema sa kalusugan at mental conditions kumpara sa mga matandang dalaga.
May iba pang pag-aaral na nagpapakita ng ibang benepisyo ng pag-aasawa sa lalaki at babae pagdating sa pera at kalusugan. Ayon kay Dolan, naiuugnay ito sa mas malaking pinagsamang sweldo at emosyonal na suporta. Dahil dito, nakakaya ng mga mag-asawang ito na makipagsapalaran at magpagamot.
Kalungkutan ng mga matandang dalaga
Bagaman sinasabi ng pag-aaral na mas masaya ang mga babaeng walang asawa’t anak sa ilang aspeto ng buhay, hindi nila ito nari-realize dahil sa nakagawiang meaning ng pagiging successful.
Dagdag ni Dolan na ang pagiging batayan ng tagumpay ng pagpapamilya ang nagpapalungkot sa mga babaeng walang pamilya o mga matandang dalaga.
Ayon sa kanya, dapat baguhin ang pananaw na kawawa ang mga matandang dalaga. Ang pag-iisip na kailangan magkaroon ng asawa at anak para sumaya ay maling batayan ng kasiyahan.
Huwag malungkot para sa mga matandang dalaga dahil sila ay karaniwang mas masaya at mas tumatagal ang buhay.
Agree ba kayo sa pag-aaral na ito?
Source: The Guardian
Photo by Gabrielle Henderson on Unsplash