Matigas ang ulo, mahirap pasunurin at hindi ba nakikinig ang anak mo? Maaaring dahil kulang lang siya sa atensyon at pag-aalaga mo.
Pero, huwag mag-aalala mga moms! Nasa article na ito ang mga paraan paano displinahin at kung ano ang dapat gawin sa batang matigas ang ulo.
Talaan ng Nilalaman
Batang matigas ang ulo
Habang lumalaki ang mga anak, marami silang mga bagong bagay na nakakasalamuha sa loob ng bahay at sa kanilang paligid. Dulot nito ay ang pagiging curious at makulit, at pag-explore sa mga bagay na safe at hindi safe sa kanila.
Kung kaya, may mga batang matigas ang ulo ang napapagalitan at napapalo ng mga magulang, lalo na sa Pinas. Pero, may mga paraan din naman kung paano disiplinahin ang batang matigas ang ulo.
Ayon sa parenting expert at child and family therapist na si Meri Wallace, normal sa mga bata ang minsan ay matigas ang ulo, mahirap pasunurin at hindi nakikinig sa mga sinasabi ng kanilang magulang.
Ito raw ang karaniwang nagiging reaskyon nila sa ilang mga bagay na nangyayari. Katulad ng na may kaugnayan sa kanilang pamilya. O kaya naman ay para mapansin o makuha ang atensyon ng mga magulang nila.
Hindi lang sinusubukan ng gawi nilang ito ang pasensya ng kanilang magulang. Nagdudulot din ito ng sama ng loob sa kanila dahil lagi silang napapagalitan at nasisigawan.
Ngunit may mga paraan daw na maaring gawin ang mga magulang para maging cooperative o hindi na maging matigas ang ulo ng isang bata. Ayon kay Wallace, ito ay ang sumusunod:
Image from Freepik
Mga paraan para hindi na maging matigas ang ulo ng iyong anak
1. Maging consistent sa mga limits na ibinibigay sa iyong anak.
Una ay maging firm at consistent sa pagbibigay ng limits sa anak at siguraduhing susundin ito kahit na ba umalma o hindi sumunod ang anak. Tulad ng pagbabawal na siya ay hindi puwedeng kumain sa sofa. Kung hindi ka niya pinapansin ay bigyan siya ng pagpipilian.
“Puwede kang kumain sa mesa pero puwede rin namang itabi natin ang sandwich mo para mamaya mo nalang kainin.”
Sa ganitong paraan ay naiisip ng iyong anak na siya ay may control sa nangyayari at magiging cooperative na. Ngunit kung hindi parin ito umuubra sa kaniya, hawakan na ang kaniyang kamay at dalhin siya sa mesa para matapos ang kinakain niya.
2. Kung mararamdaman mo na ang hindi niya pagsunod ay may kaugnayan sa emotional issue o dahil sa kawalan mo ng oras sa kaniya ay i-address ang kaniyang nararamdaman.
Sa pag-aaddress ng kaniyang nararamdaman ito ang maari mong sabihin: “Siguro kaya hindi ka sumusunod dahil galit ka. Siguro dahil busy ako at wala ng masyadong oras sayo.”
Sa ganitong pagkakataon ang pagseset-up ng isang outing o pagma-mark sa calendar ng inyong paglabas na makikita niya ay makakapagpabago ng kaniyang nararamdaman.
3. Pag-aayos sa inyong paligid para mas sundin ng iyong anak ang mga limits na ibinibigay mo.
Halimbawa, laging inaakyat ng iyong anak ang counter na kung saan nakalagay ang cookie jar at kahit ilang saway mo ay patuloy niya pa ring ginagawa ito.
Mabuting ilipat nalang ang cookie jar sa isang secure cabinet na hindi niya maabot o makikita. Ito ay para hindi na pagsimulan pa ng conflict at hindi ka na paulit-ulit na magsasaway pa sa kaniya.
4. Ang paraan kung paano ka nakikipag-usap sa iyong anak ay maaari ring makaapekto sa pagsunod niya sa iyo.
Subukang i-neutralize ang iyong boses sa tuwing makikipag-usap sa iyong anak lalo sa tuwing magre-request ka sa kaniya. Dahil sa ganitong paraan ay mas nararamdaman niyang may tiwala ka sa kaniya at siya ay makikipag-cooperate.
Para rin mapasunod siya ay kailangan mong maging deretso sa gusto mong sabihin. At huwag na siyang bigyan ng pagkakataon na makasagot ng hindi.
Imbis na tanungin siya na, “Gusto mo bang hugasan ang kamay mo?”. Deretsong sabihin sa kaniya na, “Kailangan mong maghugas ng kamay bago kumain.”
Photo by Ketut Subiyanto from Pexels
5. Iwasan ang pagtatalo sa pagitan niyo sa pamamagitan ng pagsasabi agad ng “no” o “hindi” kapag siya ay nag-request ng isang bagay na hindi puwede.
Tulad na lang kapag nanonood siya ng TV ngunit hindi mo siya maiwang mag-isa at kailang ninyong umalis.
Una, ulitin mo muna ang kaniyang request, “Gusto mo manood ng TV.” Saka ilatag sa kaniya ang problema, “Pero kailangan nating lumabas, kasi baka magsara ang bangko kaya kailangan na nating umalis.”
Saka magbigay ng solusyon tulad ng, “I-rerecord na lang natin ‘yong palabas para mamaya mapapanood mo pag-uwi natin.”
6. Huwag mag-overreact at manatiling kalmado.
Minsan ang mga bata ay mas gusto na makikita tayong naiinis o naasar sa kanila. Kaya imbis na magalit ay baguhin ang reaksyon mo. Mas maiging manatiling kalmado o huwag mag-overreact sa tuwing may ginagawa siyang hindi mo gusto.
Sa ganitong paraan ay iisipin niyang hindi ka na naapektuhan at babaguhin niya na ang style niya at makikinig na sayo.
7. Mag-focus sa positibong ginagawa ng iyong anak.
Para naman sa human behaviour expert na si Danielle M. Dick, makakatulong din kung mag-focus ka sa mga positibong bagay na nagagawa ng iyong anak kaysa sa mga negative actions niya.
Paliwanag ni Dick, tulad nating matatanda ayaw din ng mga bata na laging pinapansin ang mali nila. Naririndi rin sila at nakakaramdam na lagi nalang silang inaaway at hindi naiintindihan.
Kaya payo ni Dick, kaysa pansinin ang mga mali ng iyong anak ay mag-focus sa mga nagagawa niya ng tama. Kahit maliit na bagay man ito, lagi itong i-point out sa kaniya.
Dahil sa pamamagitan nito ay mas natutuwa siyang ulitin ang tamang gawi. At magiging masunurin na sa bawat utos mo dahil alam niyang ikinatutuwa mo ito.
Halimbawa, sabihin sa kaniya na masaya ka dahil nagising siya ng maaga. O kaya naman very good siya dahil naubos niya ang pagkain niya at hindi na sila nag-aaway ng kapatid niya.
Iwasang agad siyang pagalitan sa oras na siya ay may nagawang mali. Umisip ng paraan kung paano ito gagawing positibo sa kaniya.
People photo created by tirachardz – www.freepik.com
8. Gumamit ng rewards para mas mapasunod ang iyong anak.
Ayon pa rin kay Dick, isa pang pagkakamali na ginagawa nating mga magulang ay ang maling paggamit natin ng mga rewards at consequences sa ating anak.
Hindi raw makakabuti kung lamang ang consequences na ibinibigay sa kaniya kaysa sa rewards. Maiuugnay ito sa naunang paraan na ibinahagi ni Dick para mapasunod ang batang matigas ang ulo. Ito ay ang pag-fofocus sa mga positibong nagagawa niya at ang pagrereward sa mga ito.
Sa pagbibigay ng reward sa iyong anak, payo ni Dick ay dapat isaisip nito.
- Dapat ay maging speficic o sabihin sa iyong anak ang behavior niya na binibigyan mo ng reward.
- Kailangan ang ibibigay mong reward sa kaniya ay enthusiastic o ikatutuwa niya.
- Ang reward ay dapat agad mong ibinibigay sa oras na magpakita siya ng magandang behaviour.
- Dapat ay maging consistent rin sa pagbibigay ng reward sa tuwing ginagawa niya ang good behaviour na ito.
Pagdating sa pagbibigay ng consequences sa iyong anak ay narito ang mga dapat mong isaisip, ayon pa rin kay Dick.
- Hangga’t maaari, payo ni Dick ay mainam na i-ignore ang bad behavior ng iyong anak at mag-focus sa good behavior na ginawa niya. Pero kung sa tingin mo ay hindi dapat i-ignore ang bad behavior na iyon ay dapat patawan na ito ng consequences.
- Dapat ay maging consistent din sa pagbibigay ng consequence sa bad behavior niyang nagawa.
- Sa pagbibigay ng consequence sa iyong anak ay dapat maging kalmado sa pakikipag-usap sa kaniya.
9. Tulungan ang iyong anak sa pag-solve ng kaniyang problema.
Payo parin ni Dick, sa pagtatama ng katigasan ng ulo ng iyong anak mas mabuti kung tutulungan siyang gawin ito. Tulungan siyang solusyonan ang problema niya na nagdudulot ng bad behavior. O hindi lang naman dapat ikaw ang nag-struggle na maitama ang bad behaviour niyang ito. Paano ito gagawin?
Una, kausapin siya tungkol sa bad behavior niyang ito. Alamin at tanungin siya kung bakit niya ito nagawa. Halimbawa, tukuyin ang dahilan kung bakit niya inaaway ang kapatid niya.
Bakit ayaw niyang mag-sipilyo, matulog sa hapon o bakit ayaw niyang kumain ng gulay. Sa ganitong paraan ay alam mo ang hakbang na susunod mong dapat gawin. Hakbang na dapat ay pareho ninyong sinang-ayunan at base sa inyong napag-usapan.
Halimbawa, kung nale-late ang iyong anak sa school ng dahil sa mabagal siyang kumain ay pagkasunduan ninyong ihuli ito sa mga preparations na ginagawa niya araw-araw.
Bago siya pakainin ay paliguin at pagbihisin na siya ng uniporme para ang huli niyang gagawin ay kakain nalang. Sa ganitong paraan ay hindi naapektuhan ang iba pa niyang task. Hindi rin siya na-pepressure at hindi rin sumasakit ang ulo mo sa pagpapasunod sa kaniya.
Ano ang dapat gawin sa batang matigas ang ulo
Darating sa punto ng buhay ng ating mga anak ang pagiging batang matigas ang ulo. Dahil sa mga factors tulad ng environment nila, at pag explore sa mga bagong bagay, mas natututo silang maging creative at curious. Dito rin sila natututong mag assert ng mga kagustuhan nila bilang bata.
Kailangan din, para makipag deal sa batang matigas na ulo ay alamin kung saan sila nanggagaling. Simple ba itong pagiging matigas ang ulo o meron siyang gustong ipakita o patunayan. Maaaring sa mga bagay na ito magsimula ang paraan kung ano ang dapat gawin sa batang matigas ang ulo.
Dagdag pa, kung hindi rin aalamin ang pinanggagalingan ng negativity na ito ng mga bata, tendency ito ng maling pagdidisiplina. Dahil rito, maaaring magkaroon ng maling pananaw ang ating mga anak sa mga konsepto sa buhay, o sa malalang pangyayari, ay maging cause pa ng trauma.
Kung gayon, ano ba ang mga dapat gawin sa batang matigas ang ulo? May ilan pang mga tips kung paano disiplinahin ang batang matigaas ang ulo. At ito ay nakabatay sa kung paano malalaman ang pinanggagalingan ng mga bata.
Paano disiplinahin ang batang matigas ang ulo?
May mga bagay na dapat i-consider ang mga parents kung paano disiplinahin ang batang matigas ang ulo. Dito natin masusing matitiyak ang wasto at applicable na paraan upang hindi magdulot ng masamang epekto ang disiplina sa anak.
Narito ang ilang mga bagay na dapat tignan at suriin kung paano disiplinahin ang batang matigas ang ulo.
Alamin ang pinanggagalingan ng batang matigas ang ulo
Hindi lang basta matigas ang ulo ng inyong anak. Maaaring sa milestones ng kanilang paglaki ay ang pagkatuto na mag exercise ng kanilang free will. Dahil dito, hindi rin lahat ng batang nagpa-practice ng kanilang free will ay matigas ang ulo.
Kapag na-oobserve ang iyong anak na may ganitong katangian, pakinggan ang kanilang gustong sabihin, at isa-isang sagutin ang mga tanong. Ipaliwanag din kung ano ang tama at mali bago pagalitan.
Aralin ang katangian ng batang matigas ang ulo
Kung talagang matigas lang ang ulo ng anak, hindi siya makikinig sa alinmang sasabihin sa kaniya. Mas susundin lamang niya ang kaniyang opinyon at nasa isip.
Sa ganitong sitwasyon, mas naghahanap sila ng atensiyon mula sa magulang, at mas madalas silang mag tantrums kaysa normal.
Mga dapat gawin kung paano disiplinahin ang batang matigas ang ulo
Narito ang ilang tips kung paano mag-deal sa batang matigas ang ulo:
- Subukan muna silang pakinggan.
- Makipag-usap sa kanila ng hindi sapilitan.
- Bigyan sila ng options sa mga bagay na ipinipilit nila.
- Kahit frustrating ang sitwasyon, manatiling kalmado.
- Irespeto ang batang matigas ang ulo. Makipagtulungan sa kung ano ang gusto nilang ipahiwatig.
- Panatilihin ang congenial environment sa loob ng bahay. Kung hindi maiwasan ang pagtatalong mag-asawa, huwag itong ipakita sa harap ng mga anak.
- Subuking intindihin ang perspective nila bilang bata.
- Bigyan ng reward ang positive behavior ng anak.
Dapat tandaan
Tandaan, ang bawat bata ay iba-iba ngunit pare-pareho lang ang pangangailangan nila. Ito ay ang atensyon at pagmamahal mula sa kanilang mga magulang.
Ang batang matigas ang ulo ay may dahilan. Kaya bago sila pagsabihan ng kung anu-ano ay maiging alamin muna kung ano ba ang dahilan kung bakit sila nagkakaganito.
Kausapin sila at tulungan silang itama ang kanilang pagkakamali. Higit sa lahat ay maging mabuting halimbawa sa kanila. Dahil sa bata nilang edad para sa kanila, ikaw ang kanilang modelo at idolo. Higit sa lahat sa iyo umiikot ang kanilang mundo na dapat puno ng pagmamahal at pang-unawa sa bata pa nilang kaisipan.
Karagdagang ulat mula kay Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.