3 rason kung bakit hindi nagbabago ang ugali ng bata kahit ilang beses nang napagsabihan

Alamin ang iba’t ibang posibleng dahilan kung bakit nananatiling “matigas ang ulo” ng ating mga anak sa kabila ng walang patid nating pagdidisiplina sa kanila.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Batang matigas ang ulo at mahirap pagsabihan, relate na relate ba kayo, mga momsh and papsh?

Marami nga naman talagang magulang ang nagsasabing nakare-relate sila kapag anak na matigas ang ulo ang pag-uusapan. Iyong kahit ilang beses mong sawayin, sigeng likot pa rin. ‘Ika nga’y lawit na ang tuka at dila mo pero parang walang naririnig. At nandudumilat na ang mga mata mo, tatawanan ka lang at hindi pa rin susunod, ni makikinig.

Siyempre pa, kung marunong tayong magalit, aba’y magaling din tayong mang-uto—lalo na ang manuyo! Sa kabila ng kakulitan nila, kinakalma natin ang ating mga sarili, pinipigil na masigawan sila, at saka unti-unting susuyin. Umaasang baka naman finally, mag-behave na sila sa paraang gusto at inaasahan natin.

Bagama’t paano nga ba kung talagang feeling mo o ninyong mag-asawa, e, ginawa na ninyo ang lahat pero parang walang kahit anong tumatalab na pagdidisiplina sa inyong mga anak? Teka, h’wag mawalan ng pag-asa. Ang unang-unang tip? Alamin muna ang iba’t ibang rasong nagtutulak sa iba’t ibang pag-uugali at kilos ng ating mga anak. Kilalanin muna natin sila, at tukuyin ang mga bagay na hindi maaaring ipilit sa kanila, bagkus, kailangan pa nating sakyan. “Bigayan,” ‘ika nga.

Maling umasa na sa isang iglap lang, bibigay na ang matigas na ulo ng ating anak

Kung talagang matigas ang ulo ng ating anak, dapat lamang na tayong mga magulang ang unang-unang uunawa at tatanggap sa kanilang pag-uugali. Hindi dahil matigas ang ulo ng isang bata, magdudulot na agad ito ng kapahamakan sa kaniya. Kilalanin natin ‘yung mga positibong naidudulot nito sa kanila gaya ng pagkakaroon ng sariling kakayahang magdesisyong pumili ng mga interes nila at gustong pagkaabalahan sa buhay. Gayundin, ang pagiging independent at pagkakaroon ng leadership skills, na kailangan lamang magabayan nang wasto upang hindi humantong sa mapang-abusong pag-uugali.

Para naman sa pagtutuwid sa kanila sa mga pagkakataong nakagagawa sila ng hindi mabuti at maganda, pero ipinagpipilitan ang gusto nila at pinaniniwalaan nilang tama, hindi rin makatutulong kung palagi na lamang silang pagagalitan, sisigawan, sesermonan, o kaya’y bibigyan ng kung ano-anong punishments. Palagi nating tatandaan, hindi naman nagiging ganap ang lahat ng pagbabago sa isang iglap lang. Kung nagtutuwid tayo ng sa tingin nati’y baluktot na paniniwala at pag-uugali ng ating mga anak, mahalagang isaalang-alang ang panahong gugugolin nito.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Natatangi ang bawat bata

Laging tandaan, isa sa mga pangunahing nagbibigay-kulay sa karakter ng bawat isa sa atin ang pagiging “unique” natin sa isa’t isa. Ganito rin ang siste para sa mga bata.

Let’s say, may dalawang batang matigas ang ulo na ayaw gumawa ng kani-kaniyang homework sa bahay. Hindi dahil parehong matigas ang ulo nila, pareho lang din ang paraang gagamitin para mapasunod silang gumawa ng mga dapat nilang gawin. Maaaring epektibo sa isa ang payagan munang maglaro nang sandaling oras bago gumawa ng assignment, habang ang isa ay mas gaganahan pala kung sasamahan mong gumawa ng activity na may kinalaman sa homework niya.

Ang susi? Kilatisin ang mga ayaw at gusto ng isang bata. Kilalanin ‘yung mas malalim na karakter niya, at alamin kung saan nagmumula ‘yung maliliit na pagsuway niya sa mga bagay na inaasahan ng mga nakapaligid sa kaniya. Maki-ride sa mga trip niya, at samantalahin ang mga moment na nagkakasundo kayo. Sa huli, maaaring i-maximize ang mga bagay na pinagkakasunduan ninyo para i-introduce sa kaniya unti-unti ‘yung mga bagay na dapat ay natututuhan at nagagawa niya dahil kailangan niya ang mga ito sa kaniyang paglaki.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Hindi sumasabay sa inaasahan nating pagbabago ng ating anak ang ginagalawan niyang paligid

Madalas ka bang nagagalit sa anak mo dahil paulit-ulit na lang ang lahat? Ang mababa niyang grades sa klase, o ang pag-ayaw niyang pumasok sa school? Maselan sa pagkain, sa isusuot na damit, o maging sa palabas na panonoorin?

Malaking impact para sa positibong pagbabago sa pag-uugali at kilos ng ating anak ang maayos na environment—sa tahanan, sa loob ng barangay na kinabibilangan, sa paaralang pinapasukan, at sa piling ng mga kaibigan. Madalas, nakaliligtaan nating maraming factors ang nakaaapekto sa paghubog ng pag-iisip at asal ng ating mga anak. Umaasa na lamang tayong magiging maayos na agad ang lahat pagkatapos natin silang pagsabihan, pagalitan, o kaya naman ay suyuin. Pero mali, sapagkat hindi iyon sapat. Lagi nating tatandaang may mas malawak na mundong ginagalawan ang ating mga anak, kaya naman mas marami pa tayong dapat isaalang-alang sa pakikitungo sa kanila.

Ngayong alam na natin kung bakit matigas ang ulo ng mga bata, narito naman ang ilang tips na maaaring gawin para makuha ang loob nila unti-unti.

  1. Makipagkuwentuhan sa anak at gawin itong isa sa mga bonding moment ninyo. Sa pamamagitan ng pakikipagkuwentuhan sa anak, nagkakaroon ng pagkakataon ang magulang na mag-share ng mga karanasan sa buhay na kapupulutan ng aral (positibo at negatibo) at kabutihang asal ng anak.
  2. Hingin at pakinggan ang paliwanag nila. Magpakita ng willingness na makuha ang side nila. Sa ganitong paraan, mararamdaman nilang gusto natin silang maunawaan at tulungan. Gawin itong normal na bahagi ng relasyon sa inyong anak.
  3. Huwag makipagtalo sa kanila. Kung matigas ang ulo ng isang bata, tandaang likas sa kaniyang ipaglaban kung anong pinaniniwalaan niyang tama. Maaari lamang siyang itulak sa tuluyang pagrerebelde kung hindi kayo nauubusan ng pagtatalunan sa loob ng tahanan.
  4. Huwag silang puwersahin instead, sakyan mo sila! Hanapin ang sariling koneksyon sa anak, saka ito palalimin. Kaya imbes na makipagmatigasan, bakit hindi mo siya yakapin!
  5. Aralin ang pagpapanatiling kalmado ng sarili. Kapag sumuway ang anak, ayaw pasuyo, o nagmamatigas, unang kalmahin ang sarili. Kapag kalmado ka na, umisip ng mga option na puwedeng i-offer sa anak. Hindi puwedeng wala sa option ang gustuhin nila. Ipaunawa kung bakit kailangan lamang mamili sa mga ibinigay na option. Kung ayaw niyang mamili, ipaliwanag na wala na siyang choice kundi sundin kung anong gusto mo para sa kaniya.

Karagdagan: 

  1. Tulad ng give-and-take relationship sa pakikinig sa ating anak, ganito rin ang pagbibigay ng paggalang sa isa’t isa. Para igalang ka ng iyong anak, mahalagang maramdaman niyang inirerespeto mo rin siya at inuunawa.
  2. Makipagtulungan at makisabay sa kaniya—gawaing-bahay, homework from school, libangang activities, at kung sa alin-alin pang posible. Sa ganitong paraan, nakikita ka niya bilang katuwang at kaibigan na rin, hindi bilang kontrabida na palagi na lang galit.
  3. Makipagkasundo sa anak. Huwag parating ipilit ang gusto nating mga magulang; habang hindi rin naman puwedeng palagi natin silang pagbibigyan. Pag-usapan ang bawat isyu, pakinggan ang bawat isa, isa-isahin nang malinaw kung sa alin-alin kayo nagkakasundo at di-nagkakasundo, at gumawa ng kasunduan.
  4. Tiyaking nagiging role model tayo para sa ating anak. Mahirap mag-expect na mapagbabago natin ang bata kung taliwas ang napupuna niya sa mga taong nakapaligid, especially sa co-family members niya.
  5. Lagi’t lagi, unawain natin ang bata. Iwasan nating i-stress ang sarili lalo na kung ang kailangang-kailangan ng ating anak ay pang-unawa mula sa mga magulang. Bilang mga nanay at tatay, lagi tayong lumagay sa sitwasyon ng ating mga anak—kung paano sila mag-isip, sino-sino ang mga nakakasalamuha nila sa araw-araw, ano-anong pinagkakaabalahan nila, ano ang mga bagay na kinahihiligan at nakapagpapasaya sa kanila, gayundin naman ang mga ayaw na ayaw nila, at iba pang usaping nakaaapekto sa pang-araw-araw nilang kilos at pag-uugali.

Maaaring matigas  ang ulo ng ating mga anak pero hindi ang kanilang puso. Maraming paraan para maunawaan natin sila, at ganoon din sila sa atin.

Huwag ding mag-isip na para lamang makaiwas sa pakikipagtalo sa kanila ay lagi na lamang silang pagbibigyan kahit hindi na tama—sa takot na baka lumayo ang kanilang loob o tuluyang magrebelde kung hindi makukuha ang gusto.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Nasa paraan ng ating pagdidisiplina, bilang mga magulang, ang paghubog sa kamalayan ng ating mga anak. Magsimula sa pagkilala at pagtanggap sa uniqueness ng bawat bata.

 

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement