Dumarami na nang dumarami ang mga magulang na naghi-hiwalay ngayon. Sa kasamaang palad hindi maiiwasan maapektuhan ang mga bata sa paghihiwalay ng kanilang mga magulang. Dahil dito, maraming bagay ang tumatakbo sa isip ng mga bata. Anong mangyayari sa hinaharap? Kasalanan ko ba ito? Kaninong magulang ako titira? Nag-iiba na ang lahat.
Ito ang limang bagay na maipapayo ng mga psychologists na maaaring gawin ng mga magulang upang matulungan na makaya ng mga bata ang kanilang sitwasyon.
Paano matutulungan ang mga bata sa paghihiwalay ng magulang?
1. Iwasan mag-away sa harap ng mga bata
Sa tuwing nag-aaway ang kanilang mga magulang, natatakot ang mga bata. Mahal ng mga bata pareho ang kanilang mga magulang at natatakot sila na magkasakitan ang mga ito gamit ang mga salita o kaya naman sa pisikal na paraan. Ayaw nilang magka-sakitan ang kanilang mga magulang dahil sila mismo ay sensitibo sa sakit na nararamdaman ng kanilang mga magulang. Payo ng mga eksperto, mas mainam na lumayo sa mga bata ang mga magulang sa tuwing sila’y mag-aaway. Maaari silang lumabas ng kwarto at lumayo o kaya naman ay gawin sa ibang oras ang kanilang pagaaway.
2. Huwag siraan ang isa pang magulang
Katulad ng naisasaad sa unang punto, mahal ng mga anak ang kanilang mga magulang. Nakikita nila ang kanilang mga sarili bilang kombinasyon ng kanilang mga magulang. Kung ang isa ay nagkukulang, nakikita nila ito bilang kakulangan din sa sakanilang sarili. Naaapektuhan ang kumpiyansa ng bata sa kanilang sarili at nawawalan sila ng seguridad sa kanilang pamilya.
3. Huwag ilagay sa kumplikadong posisyon ang bata
Ang pagtatanong ng mga bagay tulad ng “Anong oras umuwi ang nanay mo kagabi?” sa mga bata ay nakaka-stress para sakanila. Napapapili ang bata kung kanino sila kakampi dahil sa takot na magalit kung sino man sa mga magulang ang magalit sa kanila. Ayaw nilang maging dahilan para pagsimulan ng away. Mas-mainam na huwag na idaan sa mga bata ang ganitong mga bagay.
4. Huwag pilitin baguhin ang nararamdaman ng mga bata
Gusto ng mga magulang siguraduhin na hindi apektado ang emosyon ng kanilang mga anak sa kanilang paghihiwalay. Kahit maghihiwalay na sila, mahirap parin sakanila na makitang umiiyak at nasasaktan ang kanilang mga anak. Ayon sa mga eksperto, natural lamang na malungkot at magalit ang mga anak sa paghihiwalay ng kanilang mga magulang. Malaking desisyon ang paghihiwalay ng mga magulang, nalulungkot ang mga bata at wala silang magawa.
5. Hayaan ang mga bata na ilabas ang kanilang nararamdaman
Ipa-alam sa mga bata na natural ang ma-iyak at hindi ito ikagagalit ng kung sino mang magulang. Hikayatin sila na ilabas ang kanilang galit. Sabihan sila na pag sila ay nakakaramdam ng galit, ipaalam sa inyo, kausapin kayo at tutulungan niyo sila. Ipaliwanag sa kanila kung bakit kailangan pag-daanan ang paghihiwalay na ito.
Importante rin na hindi balewalain ng mga magulang kung ano mang kahilingan ng kanilang mga anak. Normal lamang na hilingin ng mga anak na magka-balikan ang kanilang mga magulang. Dinadala nila ito hanggang sa pag-tanda nila. Hindi kumportable sa mga maghihiwalay na magulang ang marinig ito ngunit kailangan kausapin ang mga bata ukol dito.
Traumatic ang paghihiwalay ng mga magulang para sa mga bata. Kailangan parin ilagay na pangunahing prayoridad ang damdamin ng mga bata, bantayan ang kanilang pag-uugali at bigyan sila ng tamang suporta.
Source: Psychology Today
Basahin: 6 na senyales ng relasyong wala nang pagmamahalan