Nakasanayan na ng bawat bata ang magpabili ng Mcdonalds Happy Meal sa kanilang mga magulang upang mangolekta ng iba’t-ibang limited edition na laruan. Ngunit paano kung isang araw ay hindi na laruan ang laman nito, kung hindi ay mga libro na?
Libro imbis na laruan sa Mcdonalds Happy Meal
Ganito ang ginawa ng isang sangay ng Mcdonalds sa bansang New Zealand matapos na palitan ng mga children’s book na gawa ng manunulat na si Roald Dahl ang laman ng kanilang mga Mcdonalds Happy Meal. Ginawa ito upang hikayatin ang mga bata na magbasa ng mga libro.
Maglalabas ng 800,000 na children’s book ang fastfood sa mga susunod na anim na linggo. Anim na ispesyal na edisyon ang kanilang ibibigay: Wonderful Mr. Willy Wonka, Matilda, Fantabulous BFG, Lucky Charlie Bucket, Brave Little Sophie at Marvellous Ms. Honey.
Ang bawat libro ay magtatampok ng ilang parte ng mga orihinal na istorya na gawa ni Dahl at ang mga ilustrasyon ay mula kay Quentin Blake. Ang mga libro ay may laman ding mga sticker at iba pang activities para sa mga bata.
Pandaigdigang programa ng Mcdonalds Happy Meal
Ang proyektong ito ay parte ng pandaigdigang Mcdonalds Happy Meal Readers Program na naglalayong magbigay ng ispirasyon sa mga kabataan na magkaroon ng hilig sa pagbabasa ng mga libro. Marami na ring establisyemento at tindahan sa New Zealand ang namimigay ng mga libro sa nakalipas na dekada at nais nila itong ipagpatuloy.
“The Happy Meal Readers program is all about helping parents to get their children to enjoy reading,” paliwanag ng Marketing Director ng McDonald’s New Zealand na si Jo Mitchell sa pahayagang The Independent.
“The Roald Dahl characters are ones that many parents will have enjoyed growing up, and it’s great to play a part in introducing them to a new generation.” dagdag ni Mitchell.
Iba pang bansa na may Happy Meal Books
Hindi lamang sa bansang New Zealand mayroong Mcdonalds Happy Meal books. Nagsimula ito sa Estados Unidos noong 2013 at nakapamahagi ng nasa 54 milyong libro sa mga bata sa pagitan ng taong 2013 hanggang 2016. Plano nilang mamahagi pa ng dagdag na 20 milyong libro sa mga susunod pa nilang promosyon.
“As we continue to raise the bar for our customers, we’re excited to add to the fun of the Happy Meal experience by inspiring more family time together,” sabi ni Julie Wenger, senior director ng U.S. marketing ng McDonald’s.
Nagkaroon rin ng Happy Meal books sa Asya noong 2015 sa bansang Malaysia.
Noong 2017 naman, naglabas rin ang Mcdonalds Canada ng kanilang sariling edisyon ng mga Happy Meal books bilang karagdagan sa kanilang mga happy meal toys.
Mayroon na ring Happy Meal books sa Mcdonalds Australia na may healthy options pa para sa pagkain ng mga bata gaya ng apple slices at grape tomatoes.
Sa ngayon ay wala pang Happy Meal books dito sa Pilipinas ngunit inaasahan ring magkakaroon nito sa bansa. Pihadong magugustuhan ito ng mga magulang dahil malaki ang maitutulong ng ganitong mga promotion para sa edukasyon ng mga bata.
Source: Independent, Mcdonald’s, Huffington Post
Images: Mcdonalds
BASAHIN: Teach your kids to love books at a young age