Nitong Holy Week ay naging sharer sa Minor Basilica ng National Shrine of Our Lady of Mount Carmel si Melai Cantiveros. Nagbahagi siya ng kaniyang karanasan sa ginanap na “Siete Palabras” noong Good Friday. Dito nga ay naikwento ni Melai Cantiveros ang pagkakaroon niya ng bukol sa dibdib.
Melai Cantiveros nawala ang bukol sa dibdib nang dahil sa dasal
Dumating daw sa punto ng buhay ni Melai Cantiveros na naisip niya rin ang huling salitang binigkas ni Jesus Christ bago ito bawian ng buhay, ang “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan.”
Sabi ni Melai Cantiveros, naramdaman niya ito noong panahon na nalaman nyang mayroon siyang mga bukol sa dibdib.
“Isa sa mga na-experience ko, kaya ko nasambit itong ‘Diyos Ko, Diyos Ko, Bakit Mo Ako Pinabayaan?’ may tumubo na bukol sa dede ko. Hindi siya kulani. Kasi sa may bone part siya. Walang nakakaalam kahit anak ko, kahit asawa ko, or parents ko, kasi ayaw ko naman silang malungkot, ma-stress, kasi ako ang breadwinner sa aming family,” kwento ng actress-host.
Sinarili lamang daw ni Melai Cantiveros ang balita. Kahit sa pamilya ay inilihim niya ito. Talaga nga naman daw na napatanong siya kung bakit siya pinabayaan ng Diyos.
“Hanggang sa ang tanong ko ay naging motivation ko, na bakit nga? Nilibot ko lahat ng simbahan sa Bohol, nagtataka na lahat ng mga pinsan ko. Kasi sa totoo lang, bakasyon ang pinunta namin doon, bakit naging 2 months visita Iglesias?” kwento pa ni Melai.
Patigas na raw nang patigas noon ang bukol ni Melai nang umabot siya sa punto na ipinagdasal niya sa Panginoon na sana ay matanggap niya kung hanggang saan na lang ang kaniyang buhay.
Plano niya umano na makalipas ang 2 buwan ng pagdadasal ay magpapacheck-up na siya.
At dalawang buwan nga ang lumipas ay namangha si Melai Cantiveros nang nawala ang kaniyang mga bukol sa dibdib.
“Kaya nakuha ko ang sagot sa dasal ko. Maniwala kayo sa hindi, hindi ko na pinagdasal na mawala ang bukol ko, ang pinagdasal ko na lang is talagang bigyan ako ng peace of mind. “And after 2 months, in Jesus name, salamat talaga sa Panginoon, nawala ang bukol, hindi pa ako umabot sa pag-check-up. Grabe talaga. Gumising na lang ako na pagkapa ko, nawala ang bukol.”