Isang himala ang dumating sa isang pamilya matapos na manganak ng menopausal baby boy ang 50-taong gulang na lola sa Naples, Florida.
Inakala ng lola na epekto lamang ng sakit niyang lupus at menopause ang nararamdaman niyang kirot sa kaniyang tiyan.
Paano nagkaroon ng menopausal baby si lola?
Walang naramdamang pagbabago sa kaniyang timbang at morning sickness ang 50-taong gulang na lola na si Michele Hall, gaya ng kaniyang naranasan noong nagbuntis siya sa kaniyang mga anak.
Kampante noon si Michele dahil higit isang taon na siyang hindi nagkakaroon ng buwanang dalaw at kinumpirma ng kaniyang OB-Gyne na siya ay nasa menopause stage na.
Ngunit sa loob ng limang buwan, nakaranas ng kakaibang pananakit ng tiyan si Michele. Inisip niyang epekto lamang ito ng menopause at lupus, isang autoimmune disease na kaniyang pinaglalabanan sa loob ng 40 na taon.
Kalaunan, napagpasyahan ni Michele na mag-pregnancy test upang makumpirma ang isa pang hinala nila at nagulat sila ng kanyang asawang si Jerry Hall dahil positibo ang resulta nito.
Agad silang nagpunta sa doktor at nakumpirmang nagdadalantao nga si Michele. Lumabas na 26 linggo na siyang buntis (7 buwan) at kapapasok lang niya sa ikatlong trimester ng kaniyang pagbubuntis.
“Everyone was in shock,” sabi ni Michele sa kanyang panayam sa Naples Daily News.
Menopausal baby ni Michele at Jerry Hall
Unti-unti nang nawawala ang pagkakaroon ng buwanang dalaw ng isang babae kapag pumasok na siya sa yugto ng menopause. Unti-unti na ring nagiging infertile o baog ang babae sa yugtong ito.
Ngunit ipinaliwanag ng isang obstetrician sa Naples Daily News na sa naging kaso ni Michele ay mukhang may isang malusog na egg cell ang na-produce ng kaniyang obaryo na siyang naging dahilan ng pagkakaroon niya ng menopausal baby.
Hindi naisipan ng mag-asawa na itigil ang pagdadalantao dahil itinuturing nilang biyaya ang kanilang menopausal baby na pinangalanan nilang Grayson.
Ipinanganak si Baby Grayson via cesarian section at inducement sa kanyang ika-35 linggo. Ginawa ito ng kanilang doktor upang maiwasan ang pagkakaroon ng cardiac arrest at seizures ni Michele dahil sa kaniyang edad. Kinonsidera rin nila ang pagkakaroon ni Michele ng sakit na lupus.
December 27, 2018 nang isinilang si Baby Grayson at sinalubong siya ng kaniyang apat na nakatatandang kapatid sa NCH North Naples Hospital.
Bagaman may kaunting isyu sa kalusugan ni Baby Grayson sa simula ay naka-recover naman ang sanggol at naiuwi na sa kanilang tahanan noong Enero.
Source: Daily Mail, Naples Daily News
Images: Naples Daily News
BASAHIN: This is how your vagina changes with age