Maliban sa bulsa, ang ating mental health maari ring ma-kompromiso ngayong holidays. Ano ang dapat gawin para maalagaan ito, narito ang ilang hakbang na maari mong gawin.
Mababasa dito ang sumusunod:
- Bakit nakaka-stress ang pasko para sa ibang tao?
- Paano maalagaan ang mental health ngayong holidays.
Bakit nakaka-stress ang pasko para sa ibang tao
Ang holiday season hindi lang puro kasiyahan, ito rin ay nakakapag-dulot ng stress sa iba sa atin. Mula sa pag-woworry sa panghanda at mga regalong ibibigay sa ating mga minamahal, dumadagdag din sa ating stress ang mga deadlines sa trabaho dahil magye-yearend. Isama mo pa ang kaliwa’t-kanang event na dapat mong daluhan ngayon. Lalo na ang pagiging malayo mo o ng isang miyembro ng inyong pamilya. O kaya naman ay pagkakaroon ninyo ng hindi pagkakaintindihan na nagpapabigat sa iyong pakiramdam ngayong pasko.
Ang mga nabanggit ang ilan sa maaring magdulot ng stress sayo ngayong pasko. Pero mahalaga na maalagaan natin ang ating mental health. Hindi lang ngayong holiday season kung hindi sa araw-araw. Paano natin ito magagawa? Narito ang ilang hakbang na dapat mong gawin ngayong holidays.
Paano maalagaan ang mental health ngayong holidays
1. Mag-plano ahead of time at share ang load sa iba pang miyembro ng inyong pamilya.
Malaking tulong ang pag-plaplano para maging posible ang mga gusto mong mangyari ngayong pasko. Sa pagpa-plano ay bigyan ng kaniya-kaniyang task ang bawat miyembro ng inyong pamilya. Ito ay para hindi lang ikaw ang maging punong-abala. At mabigyan ka rin ng pagkakataon na gawin ang iba mo pang dapat gawin sa trabaho o surprises na inihahanda mo.
2. Pagkasyahin ang budget na mayroon ka.
Hindi naman kailangang bongga ang pasko. Ang pasko ay tungkol sa sama-sama at pagmamahalan, may handa man o wala. Higit sa lahat ay hindi rin naman kailangan ng bonggang regalo. Mainam na pagkasyahin lang ang budget na mayroon ka. Basta siguraduhin lang na lahat kayo ay sama-sama ngayong holiday season. O kung malayo man ngayong Pasko ang minamahal ninyo ay maraming paraan para manatiling connected sa kanila.
3. Alagaan ang iyong sarili.
Higit sa kanino pa man, ikaw lang ang makakapag-alaga ng mental health mo. Kaya naman mabuting manatiling active ngayong holiday season. Mag-exercise at manatiling happy.
Kaliwat-kanan man ang inuman at kainan ay limitahan ang iyong sarili. Mag-focus sa kung anong tama at healthy na gawin. Nakakatakam mang kumain ng sari-saring handa, matutong magkontrol at kumain lamang ng mga masusustansiyang pagkain.
Kung nag-iisa ngayong pasko, gawing productive ang holidays. Bumisita sa mga kapamilya o kaibigan. O kaya naman hindi mo man sila makasama ng personal ay maari mo naming makapiling sila sa araw ng pasko sa virtual.
4. Magtutong magsabi ng “no”.
Marami mang reunion o gathering na iniimbitahan ka, matutong tumanggi. Dahil ang holidays ay dapat gamitin mong pagkakataon na makapagpahinga. Huwag mag-commit sa mga bagay na hindi mo kayang gawin o events na hindi mo mapupuntahan. Matutuong magsabi ng “no” at bigyan ang tao ng iyong tinatanggihan ng maayos na paliwanag kung bakit hindi mo siya o sila mapagbibigyan.
5. I-respeto ang differences ng isa’t-isa.
Dahil panahon ngayon ng reunions ay tiyak na makakasama mo ang mga kapamilya na hindi mo kasundo o may hindi kayo pagkakaintindihan. Mabuting isantabi muna ang pride at i-respeto ang differences niyo. I-enjoy muna ang moment ngayong holidays at tumingin sa mas positive outlook sa iyong buhay.