Eczema sa mga bata: 10 bagay na dapat malaman tungkol sa sakit sa balat na ito

Paano maiibsan ang paglala ng skin condition na ito?

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Makati, tuyo, namumula at parang sugat-sugat—ito ang pangunahing senyales ng isa sa mga uri ng sakit sa balat na makati na eczema.

Mga uri ng sakit sa balat na makati

Maraming mga uri ng sakit sa balat na makati. Ngunit kailangan nga ba dapat mabahala rito? Kailan ba makikita na ito ay isang simpleng allergy lang o skin condition na katulad ng eczema? Narito ang 10 bagay na makakatulong para malaman kung ang isang tao ay mayroong eczema.

Ano ang eczema?

1. Paano malalaman kung eczema nga ito

Ang pangunahing sintomas ng eczema ay tuyo at makating balat. Mabilis itong magsugat at mapula ang paligid ng bukol bukol na rashes, paliwanag ni Dr. Liza Ramoso-Ong, isang internist at espesiyalista sa sakit sa balat sa Pasay City.

Makikita ito sa iba-ibang bahagi ng katawan, depende sa edad. Sa mga sanggol at batang hanggang 2 taong gulang, karaniwang nasa anit, ulo, at mukha, lalo sa pisngi. Nagkakaroon din sila sa tuhod, siko, at braso.

Sa mga mas batang 3 taon pataas, makikita ito sa leeg, binti, sakong, at mga singit singit tulad ng alak-alakan. Sa mga mas matatanda, ang mga rashes ay kadalasang nasa siko, tuhod, leeg, at binti.

Ang eczema ay karaniwang kondisyon sa balat, na nararanasan lalo na ng mga bata. Hindi ito kaagad nawawala, kaya’t mas marami sa hindi ang nadadala ito hanggang pagtanda. Hindi ito nakakahawa.

2. Mga uri ng eczema: atopic, infantile, at dermatitis

Ang atopic ay sanhi ng allergies sa pagkain o ibang mga bagay sa kapaligiran. Ito rin ay namamana o nasa dugo. Tuyung tuyo ang balat, sobrang kati at mapula, at kapag kinamot ay tuluyan nang bubuka at magsusugat.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Sa mga sanggol, karaniwang nagsisimula sa pisngi o sa nappy area, at dahan-dahang kumakalat sa buong katawan. Sa mga toddlers o 2- hanggang 3-taong gulang, nakikita ito sa likod ng tuhod (lalo’t pag nagpapawis), sa siko at harap ng siko, galanggalangan o pulso, at sakong.

Ang Infantile Seborrhoeic Eczema (o kilala sa tawag na cradle cap) naman ay makikitaan ng magaspang at maaligasgas na balat, na hindi gaanong makati. Naaalis ito sa pamamagitan ng paglalagay ng baby oil o olive oil at pagsuklay ng ulot at buhok ng sanggol, pagkatapos ay paghuhugas nito ng may shampoo o sabon.

Ang Allergic Contact Dermatitis ay sanhi ng pagkairita sa mga lotion, sabong panlligo o panlaba, at pagkain. Ayon kay Dr. Adnan Nasir, MD, may akda ng Eczema-Free for Life, kapag ang bata ay hindi na-eexpose sa mga dumi at impeksiyon, mas malaki ang pagkakataon na maging prone sila sa allergy, dahil mahina ang immune system at walang nilalabanan.

Ang dalawang karaniwang sanhi din nito ay ang pag-inom ng gatas ng baka (lalo kapag powdered) at biglang pa-iba ng temperatura (biglang-init, o biglang lamig). Ang mga batang laki sa gatas ng ina ay may mas matibay na immune system kaya’t malakas ang panlaban sa mga allergy at sa eczema.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

screengrab: Youtube

3. Pag kinamot ito, lalong lalala

Hindi mo masisisi ang mga may eczema kung hindi nila mapigilan ang pagkakamot. Yun nga lang, ito ang nagpapalala sa kondisyon ito. Kapag kasi kinamot mo, napupunit ng kuko ang balat, kaya’t nagsusugat ito. Namamaga, nagkakaimpeksiyon, at lalo pang mangangati. Kaya’t kapag kinamot, lalo pa itong kakati. Hanggang sa magsugat at lumala na nang lumala.

4. Ang eczema ay hindi hanggang balat lamang

Oo, nakikita mo ito sa balat, ngunit maaaring maging sanhi ito ng mas malalang problema sa loob ng katawan. Sa isang pag-aaral noong 2015 sa Annals of Nutrition and Metabolism, nalaman ng mga mananaliksik na ang mga taong may atopic dermatitis ay may posibilidad na magkaroon ng hika at higit na sensitibo sa allergies sa pagkain.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Higit pa dito, ang psychological trauma ng mga taong lumaking may sugat-sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan, lalo na kung babae. Idagdag pa ang hirap sa pagtulog, pagkain, at palaging pag-iisip. Hindi maiwawaksi ang naaapektuhang kabuuang kalagayan ng isang tao, na dulot ng kondisyong ito. Kaya’t hindi biro ang eczema, lalo na sa mga taong buong buhay na nilang binubuno ang mga epekto nito.

5. Magbasa palagi ng mga labels at ingredients bago kainin o gamitin

Iwasan ang basta na lang paggamit ng sabon o cream, lalo na kung may namamaga o nagsusugat nang rashes. Ayon kay Dr. Ong, kailangang kumunsulta sa dermatologist o espesiyalista sa balat upang mabigyan ng karampatang pangangalaga sa balat na susundin.

Ang kondisyon na ito ay nangangailangan ng mga gamot, topical steroids, produktong para sa balat, at nararapat na paggamot. Ayon sa WebMD dapat iwasan ang mga produktong may glycolic acid, salicylic acid, o retinol, dahil ang mga ito ay nakakapanghina o nakakanipis ng balat. Ang mga may preservatives na methylparaben o butylparaben naman ay nakakapagpalala ng pamamaga.

Hanapin ang neem oil o grapefruit seed extract at iwasan ang mga masyadong matatapang na pabango sa lotion o cream.

6. Mag-moisturize at mag-hydrate

Dahil nga sa sobrang pagkatuyo ng balat, nangangati ito. Kaya’t moisturizer at hydration ang solusyon dito. Uminom rin palagi ng tubig at kumain ng pagkaing sagana sa fatty acids. Ang moisturizer at tumutulong mapahupa ang pangangati at pamamaga.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Payo ni Dr. Ong, magpahid ng moisturizer sa tuwing makakaramdam ng pangangati. Magpahid din nito maya’t maya para mapanatiling hydrated ang balat. Nakakatulong na maglagay ng moisturizer pagkaligo, habang medyo basa pa ang balat, para ma-absorb ng balat ang bisa ng moisturizer. Iwasan ang mga scented na lotion o cream.

Para sa mga bata, nariyan ang mga produktong may sabon at moisturizer para sa sensitibong balat ni baby.

Payo din ng mga doktor ang pagpapaligo sa batang may eczema araw-araw sa maligamgam na tubig.

photo: pinterest

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

7. Tingnan ang sabong panlabang gamit

Payo ng mga doktor, basahin ding mabuti ang nilalaman o ingredient ng sabong panlabang gamit para sa damit ni baby, o damit ng pamilya. Marami rin kasi itong mga allergens o mga sangkap na maaaring makasama sa eczema. Lalo pa’t hindi nababanlawang mabuti ang mga damit.

May mga bio-safe at allergen-free nang mga sabon ngayon para sa mga sensitibong balat, lalo na sa bata. Pati ang mga fabric softeners at dryer sheets ay dapat iwasan dahil matapang ang sangkap nitong kemikal. Idagdag pa ang mga shampoo at ibang panglinis tulad ng sabong panghugas ng pinggan. Napapaligiran tayo ng allergen kaya’t dapat ay usisain itong mabuti.

8. Ang stress ay nakakapagpalala ng eczema

Mapapansin na kapag ikaw ay stressed, o may iniisip na problema, mas lumalala ang pangangati at breakout ng eczema. Hangga’t maaari, at hangga’t kaya, iwasang magpa-apekto dahil nakakasama ito sa iyong kondisyon.

Idagdag pa ang panahon (sobrang init o sobrang lamig), humidity, at hormonal changes. May mga pagkakataon din na imbis na lumala, ay humuhupa o tuluyang nawawala ang eczema kapag nabuntis at nanganak. Dahil na nga ito sa hormonal changes.

9. Namamana ito

Hindi nga ito nakakahawa, katulad ng nabanggit na, ngunit ito ay genetic. Makikitang hindi lang isa sa mga kapatid o kaanak ang mayroon nito.

Nalaman na ng mga magulang ni Aiden na siya ay may eczema noong siya ay 5 o 6 na buwan pa lamang, at namana niya ito sa kaniyang tatay. Ang nakatatandang kapatid niya ay may malalang skin allergy din, kaya’t inisip na nilang posibleng magkaron din ang noo’y sanggol pang si Aiden.

Kuwento ni Mommy Irene, nirekumenda kaagad ng family doctor nila ang isang espesiyalista para sa mga sanggol na may kondisyon sa balat. Mula noon, masugid niyang sinusunod ang skin regimen at health restrictions para sa anak.

10. Gamot sa eczema

Walang gamot sa eczema na lubusang makakapagpagaling dito, ngunit may mga paraan para maibsan ang pangangati at pagsusugat. Mahalagang kumunsulta agad sa doktor upang mabigyan ng mga topical cream at ointment para maibsan ang pangangati at pamamaga at magamot ang pagsusugat.

Minsan ay nangangailangan ng antibiotic, kung naimpeksiyon na ito. May mga anti-histamines na maaaring irekumenda ng doktor para sa pangangati.

 

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

 

Sources:

Leung DYM, Nicklas RA, Li JT, et al. Disease Management of Atopic Dermatitis: An Updated Practice Parameter; An Allergy Asthma Immunol; Eczema-Free for Life nina Nasir, Adnan, M.D. and Priscilla Burgess

BASAHIN: Mga karaniwang sakit ng baby sa kanyang unang taon