Batikang broadcaster na si Mike Enriquez pumanaw na sa edad na 71-anyos. Mga nakasama ni Mike sa kaniyang propesyon pati na ang milyong-milyong Pilipino sumabaybay sa kaniya nagluluksa sa pagkawala ng isa sa tinuturing na “ama” ng mga taong malalapit sa kaniya at sa mundo ng pagbabalita.
Mababasa dito ang sumusunod:
- Pagpanaw ni Mike Enriquez.
- Legasiya ng isang Mike Enriquez.
Pagpanaw ni Mike Enriquez
“Excuse me po!” “Hindi namin kayo tatantanan.” “Pasok.” Ito ang ilan sa mga salitang tumaktak sa sambayang Pilipino na iniwan ng broadcaster na si Mike Enriquez. Si Mike kinumpirmang namayapa na ng mga nakasama siya sa programang “24 Oras” nitong Martes sa pagtatapos ng programa.
“Malungkot pong ibinabalita ng GMA Network ang pagpanaw ng aming minamahal na Kapuso at kaibigan, si Mike Enriquez. Si Mike po ay halos dalawang dekada natin nakasama gabi-gabi dito sa ’24 Oras’. Mahigit 50 taon nang buong-pusong naglilingkod sa mga manonood at tagapakinig si Mike, na nagsimula sa industriya nung 1969, at naging bahagi ng GMA Network noong 1995.”
Ito ang naluluhang pagbabalita ni Mel Tiangco sa pamamaalam ng ka-partner niya sa pagbabalitang si Mike.
Sa ngayon ay wala pang malinaw na detalye ng dahilan ng pagkamatay ng beteranong broadcaster.
Matatandaang taong 2018 ng saglit na namaalam si Mike sa pagbabalita para sumailalim sa heart bypass operation. Ito ay naging matagumpay dahilan para masiglang bumalik si Mike sa pagbabalita. Matapos ang ilang taon, Disyembre 2022 ito ay muling nag-medical leave at sumailalim naman sa kidney transplant.
Legasiya ng isang Mike Enriquez
Para sa mga taong malalapit sa kaniya, si Mike ay tinatawag na si “Booma”. Siya ay unang nakilala dahil sa paghohost niya ng investigative TV show na “Imbestigador”. Si Mike hindi lang basta nagbigay ng balita, siya rin ay inspirasyon ng marami. At naging bahagi ng gabi-gabing TV experience ng maraming pamilyang Pilipino.
Para sa mga nakasama niya sa trabaho, kahanga-hanga ang isang Mike Enriquez. Dahil maliban sa lagi daw itong game sa pagbabalita, talentado ay very professional daw ito sa kaniyang ginagawa.
“Always ready, always eager and always happy to be out on the field even after being in the industry for decades. The void you left will never be filled. Thank you for over a half century of service to our beloved industry.”
Ito ang tribute ng news reporter na si Raffy Tima kay Mike na ninong rin nila sa kasal ng misis na si Mariz Umali.
Samantala, ang kilalang broadcaster rin na si Arnold Clavio ay may tribute kay Mike na tinatawag niyang Ama. Dahil sa ito umano ang nagsilbing mentor niya at tagapagtanggol sa mga pambabatikos laban sa kaniya.
“Paalam aking Ama, kaibigan, mentor, kasabwat, boss at higit sa lahat ‘tagapagtanggol’ …. Sabi mo, walang iwanan! Ang daya mo!”
“Ang alaala mo ay mananatiling buhay sa isipan at damdamin ng maraming Pilipino.”
Ito naman ang mensahe ni Arnold Clavio sa namayapa ng si Mike Enriquez.
Taong 1969 ng magsimula sa pagbabalita si Mike sa pamamagitan ng pagiging radio announcer. 1995 ng maging bahagi siya ng GMA Network na naging daan para mas makilala siya sa larangang kaniyang napili.
Taong 2022 naman ng unang mabalita na nasawi na si Mike Enriquez. Ito ay pinabulaanan noon ni Arnold Clavio na tinawag itong fake news. Sa mga panahong iyon ay malakas pa daw si Mike, pero piniling tumigil na sa pagtratrabaho para mas matutukan ang kaniyang kalusugan. At higit sa lahat ay magkaroon ng quality time kasama ang kaniyang pamilya.
Sa mga nagnanais na masilayan ang labi ng kilalang broadcaster ay maaring bumisita sa Christ The King Parish sa Greenmeadows sa darating na Sabado Setyembre 2, 2023, mula 8:30 AM hanggang 3:00 PM. Sa mga makikiramay, imbes na magdala ng bulaklak, hinihikayat ang lahat na mag-donate nalang sa Kapuso Foundation.