Molar pregnancy: Sanhi, sintomas, at treatment

Isang uri ng komplikasyon sa pagbubuntis ang molar pregnancy. Halina’t alamin ang mahahalagang impormasyong kaugnay ng kasong ito.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Biyaya nating ituring ang pagbubuntis ng isang ina. Bagama’t karaniwang may mga kaakibat na takot at pangamba sa kaligtasan ng batang dinadala sa sinapupunan, mas nakahihigit ang saya at pakiramdam ng punumpunong pagmamahal ng babaeng nagdadalang-tao para sa kaniyang anak.

Mababasa sa artikulong ito:

  • Molar pregnancy at ano ito.
  • Sanhi ng molar pregnancy
  • Sintomas sa pagkakaroon ng molar pregnancy

Subalit paano tatanggapin at uunawain kung isang uri ng komplikasyon sa pagbubuntis—tulad na lamang ng molar pregnancy—ang sumubok ng katatagan ng isang ina, sampu ng kaniyang asawa at pamilya?

Ano ang molar pregnancy?

Isang uri ng komplikasyon sa pagbubuntis ang molar pregnancy. Nangyayari ito kapag hindi nabubuo ang itlog ng babae bilang isang embryo (fetus) mula sa pagiging tisyu. Bagkus, lumalaki, dumarami, at lumilikha ng kumpol-kumpol na tumor (bukol) na malaubas ang hugis at hitsura.

Kabilang ang molar pregnancy sa pangkat ng mga kondisyong tinatawag na gestational trophoblastic tumors. Pero ito’y mga klase ng tumor na karaniwang hindi naman cancerous. Kumakalat ito sa sinapupunan ng babae pero maaari itong maapula at magamot.

Batay sa mga pag-aaral, itinatayang isa sa bawat 1,500 ng pagbubuntis lamang ang naitatalang kaso nito sa Unites States, at isa naman sa kada 1,000 sa United Kingdom at iba pang bahagi ng Europa.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Samantala, nakapagtatala naman ng mas maraming kaso nito mula sa mga bansang nasasakop ng Asya tulad ng Pilipinas, China, Indonesia, at Japan, sampu ng bansang India at ilan pang mula Africa at Latin Amerika.

Naitala sa Pilipinas ang pinakalaganap na kaso ng molar pregnancy sa buong mundo. Pumapatak na dalawa hanggang tatlo sa bawat 1,000 pagbubuntis ang nagkakaroon ng komplikasyong ito, sa hindi pa naman natitiyak na dahilan.

Sanhi ng molar pregnancy

Mayroong dalawang uri ang molar pregnancy; batay sa normal na pagbubuntis na binubuo ng 23 chromosomes ng ina at 23 choromosomes ng ama. Ito ang makapagpapaliwanag kung bakit nagkakaroon ng bihirang komplikasyong ito sa pagbubuntis.

1. Complete molar pregnancy

Sa panahon ng fertilization ng babae, nagiging imposibleng mabuo ang embryo sa placenta o inunan. Dulot ito ng kawalang chromosomes sa itlog ng babae, habang kumpletong 23 chromosomes naman ang laman ng semilya ng lalaki.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Sa halip, nagkakaroon ng mga abnormal cell sa loob hanggang lumalaki ang mga ito bilang kumpol-kumpol na bukol.  Maaaring makita ang mga ito sa pamamagitan ng ultrasound.

2. Partial molar pregnancy

Sa kaso ng partial molar pregnancy, bagama’t normal ang itlog ng babaeng may 23 chromosomes sa panahon ng fertilization, kinasasangkutan naman ito ng dalawang semilyang may tig-23 chromosomes. Kaya ang normal sanang fertilization na binubuo ng sumatotal na 46 chromosomes ay nauuwi sa 69 chromosomes.

Sa ganitong kaso, nagbubunsod ito nang pag-develop ng mga abnormal na cells sa bahaging inunan, karaniwan pa ring nakabubuo ng bata sa loob ng sinapupunan. Gayunpaman, “genetically abnormal” ang kondisyong ito at asahang hindi mabubuhay nang higit sa tatlong (3) buwan ang sanggol sa sinapupunan ng isang ina.

Hindi pa tuluyang natutukoy kung ano ang mga salik na nagdudulot ng ganitong kondisyon sa pagbubuntis ng babae, may ilang risk factors naman nang natukoy kaugnay rito.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement
  • pagbubuntis nang mas bata sa edad na 20 at higit naman sa edad na 35
  • dati nang pagkakaroon ng parehong komplikasyon
  • dati nang nakukunan (miscarriage), lalo na iyong dalawang beses o higit pa
  • pagkakaroon ng ovulatory disorder tulad ng PCOS (polycystic ovary syndrome)
  • mababang lebel ng carotene (isang uri ng vitamin A) sa katawan
  • mababang lebel ng folic acid sa katawan

BASAHIN:

Cancer during pregnancy: What you need to know about Choriocarcinoma

10 things you should know about bleeding after pregnancy sex

Matinding pangangati habang buntis? Baka sintomas na ‘yan ng mas malalang sakit

Mga sintomas ng pagkakaroon ng molar pregnancy

Ang mga sintomas ng pagkakaroon ng molar pregnancy ay hindi nalalayo sa mga nararanasang indikasyon sa mga unang linggo ng normal na pagbubuntis ng isang babae. Kabilang dito ang hindi daratnan ng buwanang regla at ang ilang sintomas ng morning sickness tulad ng pagduduwal, pagkahilo, at bahagyang panghihina.

Sa kabilang banda, maaaring mapuna sa isang babaeng dumaranas ng molar pregnancy ang sumusunod, para sa kagyat na pagpapasuri at atensiyong medikal.

  • pagdurugong tila sa pagreregla
  • matinding pagsusuka at pagkahilo
  • pagkanerbiyos
  • panghihina
  • mabilis o hindi pangkaraniwang pagtibok ng puso
  • labis-labis na pagpapawis
  • preeclampsia
  • hindi komportableng pakiramdam sa bahaging pelvis
  • vaginal discharge ng malaubas na hugis ng body tissue o parang bukol

Huwag mag-atubiling magtungo agad sa inyong doktor, ob-gyn sa partikular, upang magpasuri kung nakararanas ng mga nabanggit na sitwasyon. Maaaring maranasan ang mga nabanggit kahit pa sa normal na pagbubuntis, o sa ibang uri ng komplikasyon, ngunit makabubuti nang makatiyak sa pinakamaagang panahong posible.

 

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Upang makumpirma ang kaso ng molar pregnancy, isinasailalim sa blood test, pelvic exam, at ultrasound ang babae. Sinusuri sa blood test kung normal ang lebel ng pregnancy hormone, hCG (human chorionic gonadotropin), ng babae; habang sa pelvic exam ay tinitingnan kung may abnormal bang paglaki sa ari ng babae at sa matris (uterus) nito.

Sa ultrasound naman maaaring makita kung may mga nagkukumpol-kumpol nga bang tissue na malaubas ang hitsura, isang pahiwatig ng abnormal na development ng inunan sa sinapupunan.

Paraan ng pag-gagamot

Oras na makumpirma ang pagkakaroon ng molar pregnancy ng isang babae, nangangailangan ito ng agarang atensiyong medikal tulad ng operasyon at gamutan. Sa madaling sabi, kailangang tanggalin ang lahat ng abnormal na selyulang pinagmumulan ng mga kumpol-kumpol at malaubas na bukol sa loob ng inunan.

Nagkakaiba-iba naman ang uri ng operasyong maaaring ihatol sa pasyente, batay sa history ng kaniyang pagbubuntis.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement
  • Dilation and curettage (D&C)

Isa itong minor operation na mas kilala natin sa tawag na raspa. Tinatanggal dito ang mga molar tissue, mula sa mga nabuong tumor, mula sa paligid ng matris. Isinasagawa ito habang tulog ang pasyente at may epekto ng anesthesia.

  • Hysterectomy

Kung magkaroon pa rin ng kaso ng pagdami at paglaki ng molar tissue sa matris ng babae matapos ang D&C, malaki ang posibilidad na mauwi ito sa kaso ng GTD (gestational trophoblastic disease).

Ang hysterectomy ay isang uri ng surgery na tatanggalin nang tuluyan ang matris ng babae. Kung saan namumuo at dumarami ang molar tissue. Karaniwan ito sa mga kaso ng babaeng ayaw nang magbuntis, o kung talagang kinakailangan na ayon sa kondisyong ng kalusugan ng pasyente.

  • Chemotherapy

Kapag hindi handa at ayaw sumailalim sa hysterectomy ng pasyente, maaari itong dumaan sa gamutang chemotherapy, na karaniwang isinasagawa sa mga may cancer. Sa prosesong ito, papatayin nito ang mga abnormal na selyulang nagbubuo ng molar tissue at pinagmumulan ng mga kumpol-kumpol na bukol sa loob ng sinapupunan ng ina.

Matapos sumailalim sa alinmang nabanggit na anyo ng operasyon o gamutan, regular na sinusuri ang hCG level ng pasyente. Maaari itong tumagal nang anim na buwan hanggang isang taon, hanggang sa makabalik sa normal ang lebel ng nasabing hormones at matiyak na wala nang pamumuo ng molar tissue sa loob ng matris. Kasabay nito, karaniwang ipinapayo sa mga pasyenteng huwag munang magbuntis habang isinasailalim pa sa monitoring at overall clearance.

 

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Sources: Mayo Clinic, American Pregnancy Association, March of Dimes, NHS, DOH Philippines, St. Luke’s