Ang molluscum contagiosum o water warts ay isang karaniwang viral infection na nakukuha ng mga batang may edad na 15 anyos pababa. Makikita ito bilang mga bukol na kasing laki ng ulo ng karayom hanggang pambura ng lapis. Kapag ang mga bukol na ito ay nakamot at nasugatan, maaari itong kumalat sa iba pang bahagi ng katawan.
Maaari rin itong makahawa sa pamamagitan ng pagdikit ng balat.
Sintomas ng molluscum contagiosum
Ang mga bukol na nakukuha sa pagkakaroon nito ay:
- Maumbok, mabilog at ka-kulay ng balat.
- Kadalasan ay nasa 1/4 na pulgada (6 millimeters) ang lapad.
- Madalas ay may lubog o tuldok sa gitna.
- Maaaring mamula at mamaga.
- May posibilidad na magdulot ng pangangati.
- Puwedeng matanggal sa pagkamot na nagiging sanhi ng pagkalat nito.
- Kadalasang nakikita sa mukha, leeg, kili-kili, braso at tuktok ng mga kamay ng mga bata.
- Maaaring makita sa mga ari, puson at itaas na bahagi ng mga hita ng mga matatanda kapag ang sakit ay naipasa sa pagtatalik.
Kapag naghihinala na mayroong molluscum contagiosum, magpa-konsulta agad sa duktor.
Mga sanhi
Ang virus na nagdadala ng molluscum contagiosum ay madaling kumakalat sa pamamagitan ng:
- Pagdikit ng balat.
- Pag-gamit ng mga kontaminadong bagay.
- Pakikipag-talik sa taong may molluscum contagiosum.
- Pagkamot sa mga bukol na nagpapakalat sa paligid nito.
Hindi pa malinaw kung kumakalat ang virus sa mga tubig ng swimming pools. Ayon sa mga eksperto, maaaring kumakalat ito sa mga manlalangoy dahil sa hiraman ng mga tuwalya at kagamitan tulad kickboards. Maaari rin na dahil sa pagdikit ng mga balat.
Mga maaaring magkaroon ng molluscum contagiosum
Kahit kadalasang nakukuha ng mga bata, maaari parin mahawa ang matatanda sa impeksiyon na ito.
Karaniwan, ang mga matatandang nahahawa ay ang may mahihinang immune system. Sa mga matatandang may normal na immune system, ang pagkakaroon nito sa ari ay itinuturing na sexually transmitted infection.
Komplikasyon na maaaring madulot
Ang mga bukol at balat sa paligid nito ay maaaring mamaga. Ito ay itinuturing bilang paglaban ng immune system sa impeksiyon.
Kapag nakamot, maaaring lalong ma-impeksiyon ang balat. Kapag nagkaroon ng sugat sa may pilik-mata, maaaring maging sanhi ito ng sore eyes o conjunctivitis.
Gamot para sa molluscum contagiosum
Karaniwang nawawala ito nang kusa sa loob ng 6 na buwan hanggang isang taon. Ngunit maaaring magpatuloy ang pagtubo ng bumps na ito hanggang limang taon. Narito ang ilang mga treatments na maaaring imungkahi ng duktor:
- Curretage o pag-tanggal ng papules gamit ang metal na instrument
- Cryotherapy, ang pagfri-freeze ng papule
- Gamot na magpapa-alsa sa mga papules
Pag-iwas sa pagka-hawa
Upang maiwasan ang pagkalat ng virus:
- Maghugas ng kamay. Ang pananatiling malinis ng kamay ay maaaring magpigil sa pagkalat ng virus.
- Iwasan ang paghawak sa mga bukol. Ang pag-ahit sa impeksiyon ay maaaring makapagkalat nito.
- Huwag ipagamit sa iba ang mga personal na kagamitan. Iwasan ang pagpapa-hiram at paghiram ng mga gamit tulad ng damit, tuwalya, suklay at iba pa.
- Iwasan ang pakikipag-talik. Sa mga may molluscum contagiosum sa may bandang ari, iwasan ang pakikipagtalik hanggang hindi pa ito nagagamot.
- Takpan ang mga bukol. Takpan ang mga bukol kung may ibang tao sa paligid upang maiwasan ang pagdikit dito. Sa paglangoy, takpan ang mga bukol gamit ang bendahe na hindi pinapasukan ng tubig.
Source: Mayo Clinic, Medical News Today
Basahin: Common causes of skin allergies in children