READ: An open letter to Mommy Divine from other moms

Mommy Divine Sarah wedding

Dahil nga sa mainit na usapan tungkol sa wedding ni Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli, hindi maiwasan ng mga mommies na maglabas din ng kanilang saloobin para kay Mommy Divine.

Sa nangyari private wedding ng popstar royalty, hindi raw kasi naimbitahan ang kanyang ina at manager na si Mommy Divine. Sinasabi rin na sumugod daw ito sa venue matapos malaman ang nangyayari sa bodyguard ni Sarah. Ngayon naman, alamin natin kung ano ang masasabi ng mga magulang at kapwa-mommy tungkol sa isyu na ito.

An open letter to Mommy Divine from other moms

Nagtanong kami sa TheAsianParent community kung ano ang kanilang masasabi sa pagtutol ni Mommy Divine sa kanyang anak na magpakasal. Ito ang kanilang mga naging sagot:

Ayon sa isang ina, mas maigi nang pabayaan ang anak sa kanilang gusto lalo na kung nasa tamang edad naman na ito.

Para naman sa isang ina, kailangan respetuhin ang pagkakaiba niyo ng iyong anak. Bigyan sila ng kalayaang magdesisyon para sa sarili at magtiwala lang na alam nila ang kanilang ginagawa.

Kailangan din daw na pangibabawin ang pagmamahal para sa anak kaysa sa ibang bagay. Ang mga magulang din kasi ang tanging gabay na kanilang titignan para kapag sila na mismo ang magka-sariling pamilya, mayroon silang susundang mabuting ehemplo.

Para naman sa isang mommy, importante na magpatawad. Hindi lang daw dapat anak ang nagpapakumbaba sa magulang. Kung aminado ka namang ikaw ay may nagawang mali, wala namang masama sa paghingi ng tawad. Sa ganitong paraan, mas magkakaroon pa nga ng pagkakasundo ang bawat isa.

Payo naman ng isa pang mommy, mas maigi raw hayaan ang anak na madapa o magkamali. Dahil sa mga ito sila matututong bumangon at palakasin ang sarili.

Pinaabot naman ng isang nanay ang kanyang panghihinayang para kay Mommy D. Sa kapipigil daw kasi nito kay Sarah ay nagawa tuloy nitong itago sa kanya ang isa sa mga pinakamahahalagang araw sana ng kanyang buhay.

Higit sa lahat, naiintindihan naman daw ng mga mommies ang posisyon ngayon ni Mommy Divine. Alam naman natin na hangad lang ng mga magulang ang best para sa kanilang mga anak. Gusto natin silang mapabuti at ‘wag mapunta sa maling tao. Pero mayroon din namang hangganan ang mga pagkontrol na ito. Hindi rin tamang diktahan sila dahil habang sila ay tumatanda, nagkakaroon din sila ng sariling isip at kakayanang magdesisyon. 

Dear Mommy Divine

Talaga namang hindi madali para sa isang ina na pakawalan ang kanyang anak. Lalo na kung umiikot lang ang iyong mundo sa pag-aalaga at pag-aasikaso sa kanya ng ilang taon. Hindi rin madali para sa isang ina na bigyan ng kalayaan ang anak lalo na kung hindi nito lubos na mapagkatiwalaan ang mga taong nakakasalamuha niya. Pero bilang ina, dapat ay magtiwala ka rin sa iyong sarili na napalaki mo nang maayos ang iyong anak.

Naituro mo na kung ano ang mga bagay na dapat niyang malaman at ngayon ay maaring handa na siyang simulan ang bagong yugto ng kanyang buhay. Dahil sa lahat ng tulong mo, siya na ang taong iyon ngayon. At dahil doon, masasabi mong tapos na ang iyong trabaho bilang magulang niya. Hindi naman nito ibig sabihin na mawawala na siya sa iyo. Dahil ang anak na naramdaman ang pag-aaruga ng kanyang ina at tunay nitong pagmamahal ay babalik at babalik sa kanya.

Kaya naman para sa lahat ng mommies, saludo kami sa inyo. Sana ay matuto tayong lahat na magbigay ng pagkakataon na sapat para lumago ang buhay ng isa’t isa.

 

BASAHIN: LOOK: Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli ikinasal na!

Written by

mayie