Nauuso ngayon ang pagbibigay ng money garland tuwing graduation. Kung noon ay mga bulaklak ang isinasabit sa leeg ng mga anak sa araw ng kanilang pagtatapos, ngayon ay nauuso ang pagsasabit ng garland na gawa sa pera. Dahil dito, mayroong pakiusap ang isang mommy sa mga kapwa niya parents.
Pakiusap ni mommy: Iwasan ang pagsabit ng money garland sa mismong graduation ceremony
Isang mommy ang naglabas ng kaniyang saloobin tungkol sa nauusong pagsasabit ng money garland sa mga anak sa araw ng graduation.
I-pinost ng mommy ang kaniyang pakiusap sa Facebook group na SuperMoms Club.
Aniya, munting pakiusap niya lang umano para sa mga magulang na magbibigay ng money garland, na sana ay huwag itong isabit sa mga anak nila habang nagaganap ang graduation ceremony.
Ito raw ay upang maiwasan na malungkot dahil sa inggit ang ibang bata na less privileged.
Larawan mula sa iStock
“Sana po ay huwag po ninyong isabit ito sa mga anak niyo habang nagaganap ang seremonya ng graduation. Para ipakita sa mga tao na higit na sagana kayo kaysa sa nakakarami.”
Naiintidihan naman daw ni mommy na karapatan ng ibang magulang na gawin ito kung gusto nila. Pero sana naman umano ay magbigay ng konting konsiderasyon para sa ibang bata.
“Alam ko po na ang magiging rason n’yo eh gusto n’yo eh, karapatan n’yo un, pero ang hindi n’yo po alam malaki epekto nito sa mga batang hindi mabibgyan ng ganyan.
“Magkakaroon sila ng inggit at mababang pagtingin sa kanilang mga magulang. Madami ang magsasabi “Sana All” pero deep inside ang nasa isip nila “sana ako din may ganun.”
Nilinaw naman ni mommy na hindi ito pagkontra sa kagustuhan ng ibang ina. Kundi pagbibigay konsiderasyon lamang para sa ibang magulang na halos gumapang sa hirap mapagtapos lamang ang kanilang mga anak.
Aniya pa, “Be responsible in all our actions. Kung blessed kayo sa money, be considerate na lang sana sa paligid.”
Larawan mula sa Shutterstock
Umani ng sari-saring reaksyon mula sa ibang parents
Dahil sa isang mommy group ipinost ang saloobin na ito ng isang ina, umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga kapwa niya ina ang post na ito.
Mayroong mga sumang-ayon sa kaniyang sentimyento habang ang iba naman ay iginiit na karapatan nila ito at hindi na nila kasalanan kung mainggit ang iba.
Saad ng isang mommy, “For me wala namang masama sa ginawa ng nanay. Malay mo talgang mayaman sila. Tsaka wag nating ipatanim sa mga anak natin ang salitang inggit. Bagkus maging inspiration yun para sa kanila na pag-igihan nila para magkaroon din sila ng ganyan balang araw. Parang sa kasal din naman yan ng reregalo ng libo-libong pera kasi nga may kaya, so wlang problema sa ganun.”
Sabi naman ng isa pang nanay, “Ang totoong mayaman tinatago ang pera sa bangko kung nagreregalo sila ng pera dinadaan sa atm or di kaya sa passbook.”
Isang nanay naman ang nagsabi na may kani-kaniyang paraan umano ang mga magulang sa pagbibigay ng reward. At kung inggit daw ay pumikit na lamang.
“Let them be. Di nila kasalanan kung may pera sila, tayo wala. May kanya-kanyang way sa pagbibigay ng reward sa anak sa pagsusumikap ng anak nila. Lahat nman nagsisikap para sa anak. Kung ano makakapagpasaya sa inyo gawin niyo. Same as kung ano makakapagpasaya sa kanila gagawin din nila. Let’s just be happy na lang sa iba. Wala akong nakikitang masama dyan. Parang pag inggit pikit na lang.”
May mga magulang naman na ang reaksyon ay, wala naman daw umanong ganito noon. Nagyayabang lang daw ang ibang magulang ngayon kaya nagbibigay ng money garland at ibinabalandra pa sa harap ng ibang graduates.
Larawan mula sa iStock
Isang mommy naman ang nagbigay ng suhestyon, na kung magbibigay ng money garland ay pwede naman daw na ibigay ito sa bahay o kung saanman sila magce-celebrate at hindi sa mismong graduation ceremony.
Ito naman ang punto ng isang mommy, “For me, better yan ibigay sa celebration nila after the ceremony since personal gift yan. Hindi dahil baka mainggit yung iba or kasi show off, but more on inappropriate sya sa ganung ceremony. Hindi sya personal event gaya ng birthday.”
Giit naman ng isang mommy, dapat na gawin ng magulang na turuan ang kanilang anak na makuntento at huwag pakialaman ang paraan ng ibang parents sa pagbibigay ng reward sa anak. Dahil hindi naman umano kasalanan ng ibang tao kung kaya nilang mag-provide ng sobra para sa anak nila.
Ikaw mommy o daddy? Sang-ayon ka ba sa saloobin ng mommy na nag-post tungkol sa money garland? O tulad ng ibang parents na nagkomento ay dapat na di na lang pakialaman ang ibang magulang tungkol dito?
Maaari mong ibahagi ang opinyon mo sa comment section!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!