Bilang isang career woman, puro work, work,work ako after mag-graduate ng college. Kailangan kumita para makatulong sa pamilya lalo sa pag-aaral ng mga kapatid ko. Ipinanganak kami na hindi mayaman kaya kailangan magbanat ng buto para makaahon sa buhay.
Nung nabuntis ako, kinabahan ako kasi hindi ko alam kung kakayanin ko ba maging ina. Kakayanin ko ba magdisplina ang anak at higit sa lahat, maibigay kaya namin sa kanya lahat ng pangangailangan niya.
Madaming katanungang tumatakbo sa utak ko, pero nung first ultrasound ko ay sobrang tuwa ko ng marinig ang heartbeat ni baby pati paggalaw-galaw niya sa loob ng aking tiyan. Lahat ng bilin ng OB ko, sinusunod ko para maging healthy si baby.
‘Yong gatas na hindi ko ma-gets ang lasa, pikit-mata kong iniinom para kay baby. ‘Yong mga vitamins na ang dami tapos malalaki pa mga tabletas, pilit kong ininom. By the way, hirap kasi ako uminom ng kahit anong gamot or vitamins. Maubos ko na isang basong tubig bago ko malunok ang tabletas. Natatawa sa’kin ang mga kasama ko sa bahay kapag iinom na ako nung mga vitamins na malalaki.
Lakad araw-araw bilang exercise ko kasi nagtatrabaho pa din ako nun. Pagdating sa pagkain, hindi naman ako maselan basta gusto ko lang nun palagi ay may sawsawan — tuyo na may konting suka.
So ‘yon excited nga ako, nood sa YouTube ng mga dapat bilhin at dapat gawin. Unti unti na ko namili ng mga gamit ni baby, pero sabi matatanda mas maganda daw pinaglumaan ipasuot sa baby para hindi ito sakitin so syempre wala naman masama kung susunod tayo.
Kaya pinadala ni mama galing probinsya mga pinaglumaan damit pambata. Medyo nakatipid ng konti. Tapos mga pre-loved ‘yong ibang gamit na saglit lng naman magagamit ni baby.
Habang unti-unti na nakumpleto ang gamit ni baby, ‘yong puso ko tumatalon sa tuwa dahil sa wakas malapit na lumabas at makasama na namin ang iniingatan ko sa aking sinapupunan.