Hi mga Mommies! Ako po si MC, nais ko lang pong ishare ang experience ko sa panganay ko noong 2010. Sya ay ipinanganak na kulang sa buwan, may problema sa paghinga at nagkaroon ng sepsis. Kinailangan nyang lagyan ng dextrose, tubo para mawala ang dumi sa bituka, oxygen para makahinga ng maayos, incubator sa loob ng dalawang araw at bililight naman ng ilang araw. Siya ay ipinanganak ko ng maaga (32 weeks) gawa ng sobrang stress noon at maagang pagputok ng aking panubigan na nagresulta sa pagkakaospital ko ng halos dalawang linggo bago sya ipanganak. Ako ay bedrest at maya't mayang tinitingnan ng mga nurse at doctor. May mga gamot na ibinigay upang masakto sa buwan ang bata ngunit sa araw ng aking paglabas sa ospital ay saka naman ako naglabor.
Nasa bahay na kami ng magdesisyon ako na gumayak na upang magpunta sa pinakamalapit na paanakan at dahil nasa probinsya kami noon ay napilitan kami maglakad ng aking ina dahil hating gabi na noon at wala ng masakyan. Nakakita kami ng isang paanakan na malapit at di ko na pinilit pumunta ng ospital kung saan ako naconfine dahil humihilab na ng husto ang aking tyan at upang makatipid na rin. Pagkalipas ng halos 12 oras ay nanganak na ako. Pagkapanganak ko ay di ko nahawakan agad ang bata dahil kailangan sya isugod sa malapit na ospital gawa ng di ito makahinga. Dinala ng aking ina sa ospital ang bata upang malunasan at ako naiwan naman sa paanakan upang makabawi ng lakas. Pagkalipas ng isang araw ay pinayagan na akong bumyahe at dumeretso ako sa ospital kung saan naconfine ang aking anak.
Tumagal ng isang linggo mahigit sa ospital ang aking anak at maraming injection, gamot, laboratory at iba pang pagsusuri ang naranasan ng aking anak. Ako ay nanlulumo noon at sinisisi ang sarili sa pangyayari ngunit kailangan kong maging matatag para sa aking anak. Ganunpala talaga kapag naging ina ka na kahit na anong hirap ay kakayanin mo para sa anak.
Ang pangyayari sa aking panganay ay naging aral sa akin kaya pagkatapos ng pangyayari yun kahit na ano pang sinasabing pangungutya ng iba o pagsubok na ibato ng tadhana ay nanatili akong matatag at ito ang naging daan upang ako ay maging malapit sa aking ina at sa Maykapal.
Naging mahina man ang katawan ng aking anak noong bata sya, kahit na sya ay paulit ulit na nagkasakit at kinukulang kami sa pinansyal ay nalagpasan naman namin ang ilang taong mahirap at magastos. Nawala din ang hika nya at nagkalaman na sya pagkalipas ng ilang taon. Andoon yung kailangan kong maghanapbuhay ng doble, triple at kumuha pa ng sideline para lamang masuportahan ang aking anak. Doble ang hirap ko dahil bukod sa maraming gastusin ay isa akong solo parent ng panahong yun.
Kaya ang payo ko sa mga inang dumadaan sa pagsubok ay lagi tayong maging matatag at magdasal. Importante na magkaroon ng malusog na katawan at isipan ang isang ina para mas maging maayos ang ating pagdadalang tao at pagaalaga sa ating mga anak. Piliin ang mga taong ating nakakasama at wag pansinin ang mga mapanghusgang lipunan. Mayroong mga ilang tao na dadamay at totoong magmamalasakit sa ating pamilya at mga anak. Lagi din tayong magpasalamat sa Panginoon para tayo ay biyayaan at magkaroon ng magandang pananaw sa buhay.
Mabuhay ang lahat ng Ina, Inay, Nanay, Mama, Mommy!!!!…