N95 face mask Philippines, bakit nga ba ito ang pinapayong gamitin bilang proteksyon laban sa abong nagmumula sa pagputok ng Taal Volcano.
N95 face mask Philippines
Kaugnay ng pagputok ng Taal Volcano, ay trending rin ngayon ang biglang pagtaas ng N95 face mask Philippines. Ito ay dahil ito ang ipinapayong gamitin bilang proteksyon sa pagkakalanghap ng abong ibinubuga ng nagaalburutong Taal Volcano.
Ngunit bakit nga ba ito ang inirerekumendang face mask na dapat gamitin? Ano nga ba ang kaibahan nito sa iba pang face mask na ating nakikita o madalas na ginagamit?
Ang facial respirator ay isang personal protective device na isinusuot sa mukha. Tinatakpan nito ang ilong at bibig at pinoprotektahan ang may suot nito mula sa pagkakalanghap ng mapanganib na particles sa hangin.
Ayon sa CDC o Center for Disease Control and Prevention, ang isa sa pinaka-common na uri ng facepiece respirator na madalas na inirerekumendang gamitin ay ang N95 mask. Dahil maliban sa ito ang pinakamurang uri ng face respirator ay nagbibigay ito ng proteksyon laban sa liquid at solid particles sa hangin ng hanggang 95%.
N Series Respirators
Ang N95 ay kabilang sa N-series ng mga face respirator na kung saan nangangahulugang ito ay not resistant sa oil. O hindi nito kayang salain ang oil particles sa hangin.
Ito ay disposable mask na gawa sa non-woven material at may metal strip sa bandang ilong. May sponge ito sa nose area na nagbibigay sa nakasuot nito ng komportableng paghinga. Habang sinisigurong siya ay protektado laban sa mapanganib na particles sa hangin.
Ayon sa US Food and Drug Administration, ito ay nagbibigay ng “very close facial fit” at “very efficient” na proteksyon laban sa airborne particles.
Kabilang sa N-series ng face respirator ay ang N99 na nagbibigay ng 99% percent na proteksyon. At ang N100 naman ay nagbibigay ng hanggang 100% na proteksyon. Maliban sa mas mataas na level ng proteksyon, mas mahal rin ang presyo ng N99 at N100 kumpara sa N95 face respirator.
Ang mga N-series na face respirator ay walang specific na service life. Kaya naman maari itong gamitin hanggat ito ay walang damage o hindi nahihirapang huminga ang gumagamit nito.
R Series respirators
Para naman sa face respirator na kayang sumala ng oil particles sa hangin ay mayroon ding R series o Resistant to oil. Ito ay may R95 na kayang magbigay ng proteksyon ng hanggang 95%. R99 na nagbibigay proteksyon ng hanggang 99% at R100 na nagbibigay proteksyon ng hanggang 100%. Bagamat hindi tulad ng N-Series, ang R-Series ay mayroon lang service life na hanggang 8 oras.
P Series respirators
Kung gusto naman ng pang-matagalang proteksyon laban sa hazardous airborne particles ay mayroon namang P Series respirators. Ang mga P series respirators ay nagbibigay ng mas matinding proteksyon laban sa oil particles sa hangin o strong resistant to oil kung tawagin. Ito ay maaring gamitin ng hanggang 40 oras o may 30 days na service life. Ngunit, kumpara sa N Series at R Series, ang P Series respirators ay mas mahal o mataas ang presyo sa dalawa.
Surgical face mask
Samantala, ang mga surgical mask na madalas nating makikitang isinusuot sa loob ng ospital ay hindi ipinapayong gamitin bilang proteksyon laban sa mga airborne particles. Ito ang facial mask na hugis parihaba na may tig-isang strap sa magkabilang tenga. Ito ay dinesenyo para lamang salain ang bodily fluids ng taong nagsusuot nito. Tulad nalang ng laway at sipon na maaring may taglay ng virus o impeksyon. Isinusuot lang ito kung may sipon, ubo at trangkaso ang isang pasyente. Ngunit hindi nito kayang magbigay ng proteksyon laban sa mga hazardous particles sa hangin.
Dahil sa mabilis na pagkaubos ng N95 face mask Philippines sa ngayon, nagbigay payo ng alternative na paraan ang isang pulmonologist. Ayon kay Giancarlo Arandia, sa oras na walang N95 mask ay maaring gawing alternatibo ang basang towel o bimpo. Saka ito ang itakip sa ilong at bibig. Ang payong ito ay ibinahagi ni Arandia sa isang ABS-CBN interview.
Sources: CDC, Elsevier, Blissair, Major Safety, NAP Edu, GMA News, ABS-CBN News, Cooper Safety
Photo: Freepik
Basahin: Mga netizens nagrereklamo sa halos tripleng pagtaas ng mga protective masks