Anong gagawin kapag nabulunan sa gatas ang baby? Gabay para sa mga magulang
Alamin kung paano maiiwasang mangyari ito sa iyong anak.
Nabulunan sa gatas ang baby? Alamin ang mga first aid tips na dapat gawin at paano ito maiiwasan.
Talaan ng Nilalaman
Sanggol na nasawi matapos mabulunan ng gatas
Photo by 🇸🇮 Janko Ferlič on Unsplash
Patay ang 1 and ½ old na batang babae sa Ramapuram, India matapos mabulunan ng gatas na kaniyang dinedede. Ayon sa mga report, ang gatas ay na-stuck sa lalamunan ng sanggol. Ito ang dahilan para siya ay ma-choke at masawi nito lamang May 3.
Naitakbo pa sa Government Medical College Hospital (MCH) sa Alappuzha, India ang sanggol ngunit nasawi rin kinagabihan ng mangyari ang insidente.
Ang sanggol ay ipinagbuntis ng isang 71-anyos na babae sa pamamagitan ng in-vitro fertilization. Siya’y ipinanganak ng premature noong March 18 sa pamamagitan ng cesarean section delivery. Na-ospital siya sa loob ng 40 araw at nailabas lang ilang araw bago mangyari ang insidenteng kaniyang ikinasawi.
Sa kabila ng matandang edad, ang ina ng sanggol na pinangalanang si Ms. Sudharma, isang retired teacher at asawa nitong si Surendran, retired police telecommunication officer ay nagdesisyong mag-anak muli matapos masawi ang kanilang 35-anyos na anak na lalaki sa Saudi Arabia noong nakaraang taon.
Ano ang dapat gawin kapag nabulunan sa gatas ang baby?
Ayon kay Dr. Robert Hamilton, isang pediatrician mula sa Santa Monica, California, ang gagging at choking ay madalas na nangyayari sa mga bagong silang na sanggol dahil mismo sa neurologic immaturity nila.
Maaaring dahil rin sa nagsisimula palang silang matuto kung paano gamitin ang kanilang katawan partikular na ang kanilang bunganga na ginagamit nila sa pagsuso o pagdede ng gatas nila.
Pahayag naman ni Amanda Gorman, founder ng Nest Collaborative, isang samahan ng International Board Certified Lactation Consultants, ito naman ay agad na masosolusyonan sa pamamagitan ng pagpapadede o pagpapasuso sa baby sa tamang posisyon.
Ang posisyon na ito ay ang pagpuwesto kay baby na bahagyang nakaupo habang maayos na sinusuportahan ang kaniyang leeg at ulo.
Photo by Icaro Mendes from Pexels
Sa mga nagpapasusong ina, isa sa mga dahilan kung bakit nabubulunan ang baby ay dahil sa oversupply ng gatas na nahihirapan siyang lunukin. Ang mga palatandaan na mapapansin na masyadong malakas ang supply ng gatas ng ina ay ang sumusunod:
- Pag-ubo ng baby habang sumususo.
- Nabubulunan sa gatas ang baby.
- Pagkagat ng baby sa nipple para mapatigil ang daloy ng gatas.
Paano maiiwasang mabulunan sa gatas ang baby habang sumususo o dumedede: Tamang posisyon
Payo ni Gorman sa mga breastfeeding moms, pasusuin ang inyong sanggol sa laid-back position o tila nakadapa sa iyong suso. Dapat ay maya-maya rin siyang ilayo sayong suso ng 20-30 segundo.
Ito ay para siya ay makahinga at makababa muna ang gatas na nasuso niya. Makakatulong rin ang pag-iexpress ng iyong gatas 1-2 minuto bago i-puwesto si baby sa iyong suso para mag-breastfeed. Ito ay para hindi mabigla ang labas ng iyong gatas na maaring maging dahilan para mabulunan si baby.
Para naman sa mga baby na bottle-fed, dapat ay hindi masyadong itaas ang paghawak ng bote. Ito ay dapat naka-parallel lang ang puwesto sa sahig o nakapahiga lang.
Ito ay para hindi mabilis ang pagbaba ng gatas sa nipples ng bote na maaring maging dahilan na mabulunan sa gatas ang baby. Siguraduhin din dapat na hindi malaki ang butas ng nipples na ginagamit sa bote ni baby. Para hindi malakas at makontrol niya ang pagdede niya.
Photo by Kelly Sikkema on Unsplash
First aid tips kapag nabulunan ang baby
Sa oras na mabulunan ang isang baby ay dapat tumawag agad sa emergency services at magsagawa ng first aid habang naghihintay ng kanilang pagdating.
Importanteng mabigyan ng first aid agad ang nabulunan na baby lalo na kung nakakaranas siya ng sumusunod:
- Walang malay
- Hindi makahinga.
- Nahihirapan o may maingay na tunog ang paghinga.
- Hindi makaiyak, makapagsalita o gumawa ng ingay.
- Humahawak sa kaniyang lalamunan.
- Mukhang nagpapanic o natutuliro.
Sa pagsasagawa ng first aid sa nabulunang baby ay isaisip ang sumusunod na hakbang:
Kung ang baby ay walang malay agad na magsagawa ng CPR. Ihiga muna ang baby sa flat na sahig at tanggalin ang bumabara sa kaniyang lalamunan kung ito ay iyong nakikita.
Kung ang bata naman ay mas bata sa isang taong gulang, may malay ngunit hindi humihinga ay padapain siya sa iyong braso habang sinusuportahan ng iyong binti ang bigat niya.
Saka tapikin ng limang beses na may pwersa ang kaniyang likod gamit ang matigas na bahagi ng iyong palad.
Iharap sa iyo ang sanggol upang makita kung lumabas na ang bumarang pagkain o gatas sa kaniyang lalamunan.
Chest thrust
Kung hindi pa rin natatanggal ang bumarang pagkain o gatas ay isagawa ang chest thrust. Gawin ito sa pamamagitan ng pagpapahiga sa bata sa isang firm surface. Saka ilagay ang dalawa o tatlo mong daliri sa gitna ng breastbone niya at saka itulak ito ng may puwersa at mabilis ng hanggang limang beses.
Pagkatapos ay tapikin ulit ang likod ng baby hanggang sa lumabas ang bumarang pagkain o gatas sa kaniyang lalamunan.
Kung hindi humihinga ang bata ay buksan ang kaniyang bibig gamit ang iyong hinlalaki para itulak pababa ang kaniyang panga.
Huwag subukang sundutin ng iyong daliri ang lalamunan ng baby lalo na kung hindi mo nakikita ang bumarang pagkain dahil maaari mo itong matulak na mas magpapalala pa ng sitwasyon.
Abdominal thrust
Para naman sa mga batang nabulunan na lagpas isang taong gulang ay isagawa ang abdominal thrust o heimlich maneuver. Maisasagawa ito sa pamamagitan ng pagtayo sa likod ng bata saka ilagay ang iyong braso sa ilalim ng kaniyang braso at sa paligid ng upper abdomen niya.
Isara ang isa sa iyong kamao saka ilagay sa gitna ng kaniyang pusod at tadyang. Saka ipatong ang isa mo pang palad para may pwersa saka itulak ng papasok at pataas ng limang beses ang tiyan ng bata.
Siguraduhing huwag maglalagay ng labis na pressure sa lower ribcage ng bata dahil ito ay maaring magdulot ng damage at delikado.
Tandaan ang mga nabanggit na hakbang ay first aid lamang. Para makasigurado ay kailangan parin ang tulong ng mga eksperto na mas alam ang dapat gawin at mas makakabuti para mailigtas ang buhay ng anak mo.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
- Iba't ibang senyales na hindi hiyang si baby sa gatas
- Newborn tumigil sa paghinga habang pinapasuso ng ina
- Sylvia Sanchez nangangamba sa paglipat ni Ria Atayde: "Pag bahay mo, hindi dapat maging tambayan."
- Ogie Diaz on his daughter Erin: "Pagdating ng araw na iwan kayo ng asawa niyo, 'di kayo pwede pagmalakihan dahil may natapos kayo."