Sa tingin niyo ba pinangarap naming maging nagger na asawa? Na noong bata pa lang kami, habang naglalaro ng bahay-bahayan, nagpa-practice na kaming sumigaw nang pauli-ulit na, “Pulutin mo ang kalat mo!” o “Matulog ka na, maaga ka pa bukas!”
Hindi kami pinanganak na ganito. Ito ang produkto ng ilang taon na kami ang inaasahan na umasikaso ng lahat ng may kinalaman sa bahay—pamamalengke, paglilinis, pag-aaral ng mga bata, pagpapasuweldo sa kasambahay, pagbabayad ng mga bills, pagbu-budget, at minsan pati mga gamit ni mister, kami pa rin nag-aasikaso.
Wala namang pormal na usapan na kami ang gagawa ng mga ito. Pero alam namin, na kapag hindi kami gumalaw, walang gagawa.
Ito ang tinatawag na “emotional labor.”
Emotional Labor
Ayon sa author ng libro na Fed Up: Emotional Labor, Women, and the Way Forward na si Gemma Hartley, ang emotional labor daw ay ang mga ginagawa natin na mga bagay na kadalasan ay walang bayad at walang nakakapansin. Ito ay ang mga kailangan nating gawin para maging maayos ang buhay ng mga mahal natin sa buhay.
“It’s emotion management and life management combined. This definition envelopes many other terms associated with this type of work: the mental load, worry work, invisible labor as well as the emotion work described by sociologists when defining emotional labor.” (Ito ang pamamahala ng emosyonal at pang-araw-araw na buhay. Ang depinisyon na ito nagsasangay sa iba’t ibang klase ng “trabaho:” mga kailangan isipin, mga inaalala, at mga gawaing walang nakakapansin. Ito ang sumasaklaw sa emotional labor.)
Aniya, kadalasan na sinasabi ng ating mga mister, “Sabihin mo lang ang kailangan kong gawin, gagawin ko naman.” Ngunit ang kadalasan din sagot nating mga misis ay “Kailangan ko pa bang sabihin sa ‘yo ang mga kailangan mong gawin?”
Mga alalahanin
Sa isang artikulo na sinulat ni Gemma para sa Harper’s Bazaar, ikunuwento niya na noong nakaraang Mother’s Day, tinanong siya ng asawa niya kung ano ang gusto niyang regalo. Ang sagot niya ay simpleng “may maglinis ng mga banyo at ng mga sahig.”
Para sa kaniya, ang tunay na regalo ay hindi na aalalahanin kung ano ang pinakasulit na cleaning service na kukunin, sino ang pinakamagaling sa mga kumpaniyang iyon, paano sila makokontak, libre ba sila sa araw na gusto niyang magpalinis ng bahay, at kung anu-ano pang mga detalye na kailangan asikasuhin pagpapalinis ng bahay. Bonus na lang daw ang aktwal na paglilinis ng bahay.
Disappointed daw ang kaniyang asawa dahil sa regalong gusto niya. Mas gusto sana nito na pumili na lamang siya ng regalo na nabibili sa tindahan.
Isang araw bago ng Mother’s Day, tinawagan ng mister niya ang isang cleaning service at nang malaman ang presyo ay nagdesisyon na siya na lang ang maglilinis.
Sa loob-loob daw niya, naisip niya na kapag siya ang gumawa ng “emotional labor” na iyon, tatanungin niya ang mga kaibigan niya kung sino-sino ang mga nagamit nilang cleaning service, tatawagan isa-isa ang mga kumpanya na iyon, ikukumpara ang mga presyo, tsaka magdedesiyon kung sino ang kukunin. Hindi ‘yong tatawag lang ng isa ‘tapos tapos na.
Matapos maglinis ng kaniyang asawa, tila naghihintay ng papuri ang kaniyang mister para sa ginawa nito.
Aminado si Gemma na hindi siya lubos na masaya. Bagamat naa-appreciate niya ang ginagawa ng kaniyang asawa, frustrated pa rin siya dahil ang paglilinis na ito ay normal niyang ginagawa at wala din namang nakakapansin. Bukod pa ito sa mga kalat na iniwan ng mga tao sa bahay na dinadaan-danan lang. Ang ending, siya din ang naglinis nito.
Walang pakialam
Ayon kay Gemma, ang lubos na pag-aalaga at pag-aalala ang sanhi ng emotional labor.
Ang masama, kadalasan nababansagan kang nagger na asawa dahil sa parating pagpapaalala mo sa mga tao sa bahay ng kanilang mga kailangan gawin. Madalas na maiisip mo na lang, “Ako lang ba ang may pakialam sa mga bagay na ito?”
Ang kadalasan na nangyayari, tayo na lang ang gumagawa ng mga bagay dahil nakakapagod na parating mag-paalala at natatakot tayong masabihan na “nagger.” Hindi maiiwasan na isipin natin na hindi naa-appreciate ng pamilya natin ang mga ginagawa natin dahil hindi tayo nakakarinig ng pasasalamat o pagpupuri. Walang medalya para sa mga martir.
Hindi naman kasagutan na hayaan na lang natin silang matuto. Kapag huminto tayo sa pagkilos, walang mangyayari. Walang kakain, walang baon si bunso, walang uniporme si mister, guguho ang mundo.
Kaya sa araw-araw na ginagawa ng Diyos, ginagawa natin ang mga “emotional labor” na ito na may mga panakanakang pagpapaalala (na tinatawag ng iba na pagiging nagger) na sana naman tulungan nila tayo.
Ano ang mga “emotional labor” na ginagawa mo? Alam mo ba ang “invisible workload?” Basahin dito.
SOURCE: Harper’s Bazaar, Gemma Hartley, Forbes