Bakit minsan mahirap magkaroon ng orgasm ang babae?

Ano nga ba ang dahilan kung bakit may mga pagkakataon na nahihirapan mag-orgasm ang mga babae? Ating alamin ito, pati na kung paano ito masosolusyonan.

Pagdating sa usapin ng sex, ang pagkakaroon ng orgasm ay isa sa mga bagay na madalas napag-uusapan. Ngunit hindi gaanong tinatalakay ang mga nahihirapan mag-orgasm.

Ano nga ba ang dahilan kung bakit may mga pagkakataon na hindi nagkakaroon ng orgasm, lalo na sa mga kababaihan? Sintomas ba ito ng sakit, o normal lang ba itong nangyayari?

Ano ba ang ibig sabihin kapag nahihirapan mag-orgasm?

Alam niyo ba na 10-15% ng mga kababaihan ay anorgasmic, o hindi nakakaranas ng orgasm? Ibig sabihin, kahit nasasarapan sila sa pakikipagtalik, ay hindi sila talaga nagkakaroon ng orgasm.

At para naman sa ibang mga kababaihan na nakakaranas ng orgasm, madalas ay hindi ito madali para sa kanila. Ito ay dahil kinakailangan nila ng dagdag na stimulation bukod sa sex upang magkaroon ng orgasm.

Pero bago ang lahat, ano nga ba ang orgasm?

Ayon sa sex therapist na si Stephen Snyder, M.D, ang orgasm raw ay maihahalintulad sa isang reflex action. Katulad raw ito ng pagbahing na mayroon kang mararamdaman na stimulation, at kapag nagpatuloy ay magkakaroon ng reflex action ang iyong katawan. Pagkatapos nito, mayroon kang mararamdaman na “relief” o “kaluwagan.”

Ganito rin ang pakiramdam ng pagkakaroon ng orgasm; ito ay isang bagay na mahirap kontrolin, at pagkatapos magkakaroon ka ng pakiramdam na ikaw ay natapos, o nakaraos.

Iba-iba ang orgasm para sa mga tao

Para sa karamihan ng kalalakihan, madali ang pagkakaroon ng orgasm. Kinakailangan lamang nila ng stimulation sa kanilang ari, at paglaon ay magkakaroon sila ng orgasm. Ngunit para sa mga kababaihan, hindi ito ganoong kasimple.

Mas komplikado ang female orgasm dahil pabago-bago ang mga bagay na nakakaapekto rito. Minsan makakaranas ang mga babae ng orgasm habang nakikipagsex sa kanilang mga asawa. Minsan naman, hindi nila ito nararanasan sa sex, pero nararanasan nila sa masturbation.

Pagdating sa usapin ng female orgasm ay mahalagang alam ng mga babae kung ano ang sensation na dapat nilang maramdaman. Ibig sabihin, kinakailangan na maging open ang mga babae sa pag-explore ng kanilang sarili at handa silang tulungan ng kanilang mga partner upang mahanap ang mga bagay na makakatulong para mag-orgasm sila.

Anu-ano ang mga paraan para magkaroon ng orgasm?

Ang isang mahalagang dapat tandaan pagdating sa sex ay malaki ang impact ng foreplay sa pagkakaroon ng orgasm. Karamihan sa mga kababaihan ay kinakailangan mag “warm up” sa pamamagitan ng foreplay upang mas mapadali ang pagkakaroon ng orgasm. 

Minsan, ang mismong pag-iisip ng isang babae ang nakakaapekto sa kaniyang sex life. Kung masyadong stressed, tense,  anxious ang isang babae ay mas mahihirapan siyang makaraos kapag nakikipagtalik sa kaniyang partner. Kaya mahalaga rin ang pag-aalaga sa sarili, at ang pagiging relaxed at komportable kapag nakikipagsex.

Nakakatulong rin ang pagsubok sa iba’t-ibang mga sex positions. Mayroong mga positions na sadyang mas nakakastimulate sa mga babae, kaya’t napapadali ang pagkakaroon nila ng orgasm. Iba-iba ang mga posisyong ito para sa bawat babae, kaya mahalaga na maging open na subukan ang mga ito.

Ngunit ang pinakamahalaga siguro ay enjoy-in lang ang sex. Minsan, ang pagiging masyadong focused sa pagkakaroon ng orgasm ay nakakasira sa enjoyment mo ng sex, at posible namang magkaroon ng masarap na sex sa iyong mister kahit na hindi ka nagkakaroon ng orgasm. Ang mahalaga ay gusto mo ang iyong ginagawa, at parehas kayong nasasarapan.

Source: Livestrong

Basahin: 5 tips para maging mas masarap ang iyong mga orgasms

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara