Nalalagas ang buhok ng baby ko, anong dapat kong gawin? Dapat na ba kaming mangamba o normal lang po ito? Tutubuan po ba ulit siya ng panibago? Alamin ang mga kasagutan dito.
Isa sa mga hinaing ng ating theAsianparent app users ang may kinalaman sa paglalagas at pagnipis ng buhok ng kanilang baby.
First-time parents man yata o hindi, relate na relate naman talaga sa usaping ito. Marahil, dahil para sa ating matatanda ay nakaaalarma ito.
Hindi dahil nakabawawas ng ganda o kakyutan ni baby ang pagkalagas ng buhok, kundi pati sa pangambang baka may kaakibat na itong malalang kondisyon ng ating katawan.
Talaan ng Nilalaman
Nalalagas ang buhok ng baby: Mga magulang, walang dapat ikabahala
Photo by Hoàng Chương from Pexels
Isa ka ba sa mga magulang na nakapapansin ng unti-unting pagnipis ng buhok ni baby?
Batay sa mga pag-aaral, imbes na mangamba sa paglalagas ang buhok ng baby, na kung tawagin ay telogen effluvium, dapat pa nga itong magsilbing positibong senyales ng maayos na adjustment ni baby.
Ibig sabihin, normal lamang ito at lalong walang dapat ipag-alala ang mga magulang.
Sa unang trimester ng pagbubuntis ng ina, nagsisimula nang tumubo ang buhok ng “fetus” na dinadala nito. Makapal man ito o manipis, paniguradong pagkasilang ng sanggol, unti-unti itong magkakalagas. Ito ay dahil nawawalan ito ng kapit sa sariling anit ng baby.
Normal na parte ito ng development ni baby
“Big hormonal shifts happen in a baby’s body after they are born. This can cause all of their hairs to enter the resting phase at the same time.”
Ito ang pahayag ni Dr. Sage Timberlane, isang pediatrician mula sa University of California.
Paliwanag niya, hindi biro ang pagbabago sa hormonal shift ng baby at ng ina magmula sa oras ng labor at panganganak.
May kaugnayan rin ito sa paghahanda ng sistema ng ina sa katawan ng baby nito na ma-develop nang maayos ang arteries, veins, at blood circulation, hanggang sa oras na magupit at paghiwalayin na ang pusod ng mag-ina.
Kaakibat din ng pagle-labor ng ina ang “good stress” na naidudulot nito sa baby na nalalabi nang maipanganak. Iniuudyok ng stress ang paglikha ng maraming cortisol na kinakailangan sa paghahanda ng sistema ng katawan ng baby para sa tiyak na survival nito oras na makalabas na ng sinapupunan ng ina.
Ang cortisol ay isang uri ng hormone. Ito ang responsible sa pagpapatibay at pagma-mature ng baga ng baby para tiyak na kaya na nitong huminga sa sarili paglabas mula sa sinapupunan ng ina.
Bukod doon, ito rin ang hormone na lumilikha ng sariling init ng katawan ng bata. Para naman sa stable na body temperature at enerhiyang kinakailangan upang magampanan ng iba’t ibang bahagi ng katawan ang kani-kaniyang functions ngayong independent na ang kabuoang katawan at sistema ng sanggol.
Bakit nalalagas ang buhok ng baby?
Ang pagbabagong pisikal sa katawan ng sanggol ang isa na yata sa pinaka-inaabangan habang pinakasusuri rin ng mga magulang. Isang kapansin-pansin dito ang mga pagbabago sa buhok nila pagtuntong ng 8 hanggang 12 linggong gulang nila, na nalalagas ang buhok ng baby.
Bagama’t muling tutubuan si baby pagdating ng 3 hanggang 7 buwang gulang nito, pagdating pa lamang niya ng dalawang taon saka mapapansin ang mas developed at pangmatagalang buhok sa kaniyang ulo; mas makapal na ang hibla, mas malalim ang tubo, mas matibay at hindi basta-basta numinipis, at makapal ang pangkahalatan.
Mahalagang maunawaan ang sumusunod na bagay na nakaaapekto sa timing at pattern ng pagsisimulang maglagas ng buhok ng inyong baby.
- kasarian
- lahi o nationality
- genetics
- lagay noong ipinanganak
- pangkalahatang kalusugan
Kailangan ring maunawaan ng bawat magulang na mula sa mga unang buwan hangang ilang unangtaon ng bata, malaki ang posibilidad ng maraming pagbabagong pagdaanan ng kalidad ng buhok ng baby.
Lalo na ang texture at kulay nito, bukod pa sa kung manipis lamang talaga o magiging makapal ang tubo ng buhok.
Proseso ng pagtubo ng buhok ni baby
Importanteng malaman ng lahat na ang buhok ng tao ay may dalawang bahagdang pinagdaraanan bago ang ikatlo—at iyon nga ang pagkalagas.
Bawat ugat, bawat hibla ng buhok ay kani-kaniyang pinagdaraanan ang mga bahagdang ito sa kani-kaniya rin nitong takdang panahon.
-
Growth stage
Tumutukoy ito sa paghaba ng buhok nang humigit-kumulang kalahating pulgada o half inch kada buwan sa loob ng 3 hanggang 6 na taon.
Sa mga pag-aaral, mas mahaba ang panahong humahaba ang buhok ng mga Asyano kaysa ibang lahi sa mundo. Katunayan, hanggang pitong taon ay sumasailalim ng growth stage ang buhok ng isang Asian, at may kakayahang humaba nang 3 talampakang sukat.
-
Resting stage
Tumatagal ang proseso nito ng 3 buwan o maaari pang abutin hanggang 6. Kapag resting stage ng buhok ng baby, nananatiling nakatubo ang buhok ng bata sa anit hanggang dumating sa puntong patubo na ang bagong buhok.
Nasa 5-15% ng buhok sa anit ang karaniwan sa stage na ito. Pero ang pagkakaroon ng lagnat, pagdanas ng stress, o pagsailalim ng katawan sa mga pagbabago ng hormones ang nagiging sanhi para tumigil nang tuluyan sa pagtubo ang buhok. Kadalasang mapupuna ang ganitong epekto pagkalipas ng 3 buwan.
Sa mga bagong silang, matindi ang hormone levels nila sa katawan pagkalabas na pagkalabas pa lamang nila sa puwerta ng ina hanggang sa paglipas ng mga araw, linggo, at buwan. Ganito rin ang pinagdaraanan ng mga ina kaya maging sila ay nakararanas ng paglalagas ng buhok matapos ang panganganak.
Photo by Tuấn Kiệt Jr. from Pexels
Iba pang dahilan kung bakit nalalagas ang buhok ng baby
Tungkulin ng mga magulang na tiyaking ang mga pagbabagong nararanasan ni baby ay normal. Kung mapupuna ang kakaibang pattern sa pagkakalbo ng ulo ng baby, maaaring obserbahan kung paano ito maupo o matulog lalo na.
Friction alopecia
Madalas, kapag hindi nagbabago ng posisyon ang ulo ng bata sa pagtulog, at nakabaling lamang sa parehong direksyon parati, nagiging sanhi ito ng mabilis at maramihang paglalagas ng buhok sa bahaging nakadiin parati sa higaan.
Ito ay tinatawag rin naneonatal occipital alopecia o friction alopecia. Nangyayari ito kapag laging nakikiskis ang isang bahagi o side ng ulo ni baby sa kaniyang higaan, unan o stroller.
Madali naman itong solusyonan, basta’t sanayin lamang si baby nang paiba-ibang baling ng ulo sa tuwing nakahiga o natutulog ito. Gayundin, kusa namang magbabago ito kapag kaya nang gumulong o mag-roll over ni baby pagdating ng ika-7 buwan.
Samantala, kahit pa tinukoy nating normal lamang ang pagnipis ng buhok ng sanggol sa loob ng hanggang anim o pitong buwan, at maaasahan ang pagtubo ng panibago, may ilang partikular na kondisyong pangkalusugan naman ang dapat pa ring bantayan ng mga magulang.
Cradle cap
Maari ring mapansin sa buhok at ulo ng iyong sanggol ang parang langib na tila balakubak. Ito ay ang seborrheic dermatitis o mas kilala sa tawag na cradle cap.
Ito ang sobrang paggawa ng sebum o oil glands sa ulo ni baby, na epekto rin ng mataas na hormone levels ni Mommy. Paliwanag ni Dr. Ruth Alejandro, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center,
“Siguro 30% ng mga baby nagkakaroon ng dandruff. Ang scientific term for that is seborrheic dermatitis. Kasi habang nasa sinapupunan pa ang baby, ‘yong hormones from the mother to the placenta naipapasa niya sa baby. Kaya lahat ng skin manifestation ng baby galing doon – dandruff, minsan nagkakaroon ng neonatal acne or minsan milia.”
Nakakairita man itong tingnan, kadalasan ay normal lang ito sa mga bagong-panganak na sanggol at nawawala naman ng kusa, lalo na kapag nagsimula nang mag-shampoo si baby.
Subalit maari rin itong magdala ng paglalagas ng buhok ng sanggol kung pilit na kakamutin at tatanggalin ang langib. Maari itong magdulot ng infection na maka-antala sa magandang hair growth ni baby.
Health conditions na maiuugnay sa paglalagas ng buhok ng baby
Kung mapupuna ang hindi normal na paglalagas ng buhok o maging ang mismong tubo at mga hibla ng buhok sa bata, makabubuting isangguni ito sa attending pediatrician para masuri. Ayaw nating mangyari pero upang makatiyak na ring walang anumang hindi mabuting kondisyon ang bata. Ang ilan sa mga kondisyon na ito ay ang sumusunod.
- monilethrix
- pili annulati
- trichorrhexis
- Menkes disease
- skin infections
- lupus
- alopecia areata (isang uri ng autoimmune problem)
- some trauma (na maaaring epekto ng pagsilang sa bata)
- protein malnutrition
- iron deficiency
- zinc deficiency
- thyroid problems
Muli, hindi dapat mabahala nang basta-basta ang mga magulang kung mapansin mang nalalagas ang buhok ng baby nila. Tiyakin lamang na nasusuri ang pang-araw-araw na mga pagbabagong nararanasan ni baby kasabay ng pagkalinga sa mga pangangailangan niya.
Anumang kakaiba sa pattern ng kaniyang growth and development, ipagbigay-alam agad sa doktor ni baby para sa agarang pagsusuri at atensyong medikal kung kinakailangan.
Mga dapat gawin para mabilis na tumubo ang buhok ni baby
Samantala, para mabilis na tumubo ang buhok ni baby, narito ang ilang tips na maaari mong subukan:
- Mag-apply ng organic o extra-virgin coconut oil sa anit ni baby ilang beses sa isang linggo. Maglagay ng small amount nito at hayaan ng 20 minuto sa ulo ni baby bago banlawan ng tubig. Dahil ang coconut oil ay mayaman sa vitamin E na hindi lang makakatulong sa hair growth, kundi para mag-i-improve din ang blood circulation sa anit ni baby.
- Regular na imasahe o suklayin (gamit ang brush na pang-baby) ang buhok ng sanggol. Nakakatulong ito para ma-stimulate ang hair growth.
- Regular ring linisin ang ulo ni baby gamit ang banayad na shampoo at conditioner na akma para sa kanila. Sa pagsa-shampoo, naaalis ang dumi sa ulo ni baby na nagpapabagal ng pagtubo ng buhok. Habang mas pinapatibay naman ng conditioner ang tumutubo niyang buhok.
- Kapag pinapatuyo ang buhok ni baby, gumamit ng malambot na towel para hindi ma-damage ang kaniyang buhok.
- Pakainin si baby na mga pagkaing mayaman sa vitamin A tulad ng carrots at kalabasa. Gayundin ang mga pagkaing mayaman sa vitamin B tulad ng itlog at beans. Ang mga nutrients na iron, vitamin D, zinc, at protein ay nakakatulong rin sa malusog na pagtubo ng buhok.
- Iwasang itali ng mahigpit ang buhok ni baby para hindi ito ma-damage.
Dapat bang kalbuhin si baby para kumapal ang kaniyang buhok?
Paniniwala ng matatanda, kakapal raw ang buhok ni baby kapag kinalbo mo siya. Subalit pinabulaanan ito ni Dr. Jennifer Tiglao, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center. Aniya, sa halip na makatulong, maari pa itong makasama sa buhok at sa kalusugan ng iyong sanggol.
Paliwanag niya,
“Walang medical explanation na kapag kinalbo ka, kakapal ang buhok mo. Hindi totoo iyon. Kasi ang hair genetic, kung ipinanganak ka na makapal ang buhok ng parents mo, ng ancestors mo kakapal ang buhok mo.
Ang mahirap pa nga kapag kinakalbo is infection. Kasi tinanggal mo iyong nagpro-protect ng scalp ng baby, so iyong follicles niya mai-irritate. Imaginine mo magkakaroon pa yan ng folliculitis, iyong maliliit na sugat, so it’s a source of infection pa.”
Kung ganoon, ano ang payo niya para lumago at maiwasan ang lalong pagnipis ng buhok ng sanggol?
“Kapag alam ninyong manipis ang buhok ni baby, huwag ninyo nang ibibili ng shampoo na matapang. Ito tandaan niyo – kapag ang shampoo mas mabango, mas matapang iyan. Kapag walang amoy, mas gentle ang shampoo, less chemicals iyon.”
Huwag mainip, mommy. Tandaan, ang paglalagas ng buhoy ng iyong sanggol ay normal at madalas, pansamantala lang.
Subalit kung hindi pa tumutubo o bumabalik ang buhoy ni baby pagdating ng kaniyang 1st birthday, o nakapansin ng mga bare patches, rashes o matinding langib sa anit niya, huwag magdalawang-isip na kumonsulta sa kaniyang pediatrician para mabigyan siya ng mas masusing pagsusuri.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.