Isang kaso ng namatay na sanggol na naman habang natutulog ang hindi maipaliwanag ang naging dahilan.
Ito ang nangyari kay Karson Winter-Hulley, isang four weeks old na baby na bigla nalang binawian ng buhay habang natutulog sa braso ng kaniyang ama.
Namatay na sanggol
Ayon sa kuwento ng kaniyang ama na si David Hulley, dalawang oras matapos bigyan ng dede at sabay na makatulog sa kanilang sofa ay bigla nalang siya nagising na tila may kakaiba na sa kaniyang anak.
Matapos padedehin bandang 5:30am ng umaga ay nakatulog di umano si Baby Karson sa braso ng kaniyang ama na kinalaunan ay nakatulog rin kasama niya. Dagdag ni David siya ay hindi nakahiga habang karga si Baby Karson kundi nakasandal lamang sa sofa kung saan siya nakaidlip.
Makalipas ng dalawang oras, nagising si David na napansin na tila hindi na buhay ang kulay ng balat ni Baby Karson. Bagamat mainit parin ito ay hindi na ito gumagalaw. Kaya tumakbo siya paakyat sa kaniyang asawang si Beverly Winter para sabihin ang hindi niya maintindihang sitwasyon ni Baby Karson.
Sa puntong iyon sinubukan ni Beverly na halikan ang kaniyang sanggol sa bibig ngunit walang naramdaman na kahit ano mula rito. Tumawag agad sila ng ambulansiya at sinubukan i-resuscitate si Baby Karson pero huli na ang lahat.
Sa mga oras na iyon ay dumagdag na si Baby Karson sa bilang ng mga namatay na sanggol na hindi pa matukoy ang naging dahilan.
Imbestigasyon
Sa isang hearing upang mabigyang linaw ang tunay na nangyari sa namatay na sanggol na si Baby Karson ay sinabi ng kaniyang ama na ito raw ay maliit kumpara sa normal na laki ng mga baby noong isilang. Ito daw may bigat na 5.5 lbs. noong isilang matapos ang mahirap na pagbubuntis dito ng kaniyang asawang si Beverly, 24. Bagamat napaaga ang paglabas ni Baby Karson, sinabi ng mga doktor na siya lang ay maliit na baby ngunit wala namang nakitang dapat ikabahala.
Ilang araw bago ito namatay ay mayroon daw itong sipon na hindi naman malala upang ito ay mahirapang huminga. Isang gabi bago ito namatay ay mukha naman daw itong maayos at malusog. Kaya wala silang maisip na dahilan kung bakit bigla nalang itong nawalan ng buhay.
Ayon sa inclusive findings ng pathologist na si Melanie Newbold, sinabi niyang si Baby Karson ay maliit para sa kaniyang edad. Ito daw ay walang senyales o marka ng outside injuries at normal. Bagamat may sipon, ito daw ay malusog hanggang sa ito ay mamatay. Kaugnay ng resulta ng kaniyang pagsusuri ay sinabi ni Newbold na ang cause of death ni Baby Karson ay “ascertain” o hindi matukoy ang dahilan.
Ayon naman sa imbestigasyon ng mga pulis, sinabi nilang wala silang nakitang kahina-hinala sa pagkamatay ni Baby Karson. Sa halip ay nakita nila na ito raw ay nakatira sa maayos at mapagmahal na tahanan.
Sudden Infant Death Syndrome (SIDS)
Sa recorded narrative verdict naman ng coroner na may hawak sa kaso ni Baby Karson ay sinabi nito na normal daw para sa mga bata na isang gulang pababa ang naranasan nito. Mayroon daw naitalang kaso ng pareho kay Baby Karson na hanggang ngayon ay walang nakikitang paraan kung paano matutukoy ang naging dahilan.
Ito daw ay isang kaso ng Sudden Infant Death Syndrome o SIDS. Ito ang hindi maipaliwanag na biglang pagkamatay ng mga sanggol na isang taong gulang pababa.
Bagamat hindi pa matukoy ang eksaktong dahilan nito, ito daw ay maaring dahil sa dalawang bagay. Maaring ito ay dahil sa physical factors o kalagayan ng kalusugan ng isang sanggol at sa sleep environmental factors o posisyon at sitwasyon ng pagtulog nito.
Ilan sa physical factors na may kaugnayan sa SIDS ay ang sumusunod:
- Pagkakaroon ng brain defect o ang hindi pa mature na portion ng utak ng baby na nagkokontrol sa kaniyang paghinga at paggising mula sa pagtulog dahilan sa hindi maayos na pagana nito.
- Mababang timbang tulad ng mga premature babies at mga multiple babies ng isilang ay mas mataas ang tiyansa na makaranas ng SIDS. Ito ay dahil hindi pa kompleto ang maturity o development ng kanilang utak na responsible sa kanilang paghinga at heart rate.
- Pagkakaroon ng respiratory infection tulad ng sipon. Karamihan ng mga namatay na sanggol sa parehong kaso ni Baby Karson ay mayroon ding sipon na dumagdag sa nararanasan nitong breathing problems.
Mga sleep environmental factors na may kaugnayan sa SIDS:
- Pagtulog ng nakadapa o nakatagilid. Ang mga baby na natutulog sa ganitong posisyon ay mas nahihirapang huminga kumpara sa mga baby na natutulog sa kanilang likod.
- Pagtulog sa malambot na bagay na nakadapa gaya ng sa malambot na comforter o waterbed ay humaharang sa daanan ng hangin o infant’s airway na nakakaapekto sa kaniyang paghinga.
- Ang pagtulog sa iisang kama kasama ang magulang, kapatid o alaga ay nakakapagdagdag din ng tiyansa ng SIDS. Bagamat nakakabawas naman ng tiyansa nito ang pagtulog ng isang baby na may kasama sa isang kwarto.
- Overheating o ang sobrang init ay maaring magpataas din ng tiyansa ng SIDS sa isang baby.
Ilan pa sa dahilan na maaring maging dahilan ng SIDS ay ang sumusunod:
- Pagkakaroon ng family history na nakaranas rin ng SIDS
- Pagiging premature na kadalasan ring tumatama sa pangalawa o ikaapat na buwan ng isang baby
- Pagiging passive smoker o ang pagkakalanghap ng second hand smoke.
- Ina na nanganak sa gulang na mas mababa sa bente anyos
- Ina na naninigarilyo
- Ina na may bisyo o umiinom
- Ina na walang maayos na prenatal care noong nagbubuntis
Narito naman ang mga paraan para makaiwas sa SIDS bagamat hindi pa ito ganap na napatunayan ngunit makakatulong naman para masiguradong ligtas ang pagtulog ng iyong sanggol.
- Pagpapatulog kay baby sa kaniyang likod at hindi sa kaniyang tiyan o nakatagilid.
- Iwasan maglagay ng maraming bagay sa loob ng crib ni baby. Iwasan din ang paggamit ng sobrang lambot na matress o comforter para hindi ito mahirapang huminga.
- Huwag masyadong painitan ang baby. Gumamit ng sleep sack para mapanatili lang siyang komportable at huwag ng magdagdag ng kahit ano pang takip o kumot rito. Huwag tatakpan ang kaniyang ulo.
- Patulugin si baby sa loob ng iyong kwarto ngunit sa hiwalay na higaan tulad ng crib o bassinet para maiwasan ang suffocation.
- Pasusuin si baby. Ang pagpapasuso ay nakapagbaba ng tiyansa ng SIDS.
- Paggamit ng pacifier. Ang pagsipsip ng pacifier habang natutulog si baby ay nakakabawas ng tiyansa ng SIDS. Kung nagpapasuso, hintaying mag-tatlo o apat na linggo muna ang iyong baby bago ito bigyan ng pacifier.
- Ipa-imunize ang iyong baby para mabawasan ang tiyansa ng SIDS.
Source: Mayo Clinic, Daily Mail
Basahin: 8-buwang gulang na baby, namatay habang natutulog